PAPAUWI na si Linster pero naisipan niyang dumaan sa Rockwell Powerplant mall. Hindi naman iyon malayo sa clinic niya. Actually, iyon ang pinakamalapit na mall sa kanya. Ipapaayos niya sana ang lock ng bracelet niyang regalo pa ng ina no'ng graduation niya ng college.
Malapit na din nga pala ang pasukan. Gusto din niyang bilhan ng basic school things ang pamangkin na si Lukan. The kid was so dear to him as well as the mother. Even though the father was such an ass.
Half-brother niya ang ama ni Lukan na may undeclared animosity sa kanya. Hindi man iyon lantaran na sinasabi ng kapatid na si Matthew, alam niya at ramdam niya sa paraan ng pagtapon nito ng masamang tingin sa kanya.
Nagsimula ang lahat nang iharap siya ni Zandro, ang kanyang ama, sa pamilya nito matapos ang mahigit dalawang dekadang pagtatago sa kanilang mag-ina.
Ang totoo, wala naman na siyang balak na kumonekta pa sa mga San Victorio. Matapos ang lahat ng pinagdaanan nilang mag-ina bilang isang illegitimate family ni Zandro San Victorio, sumumpa siya sa langit na hinding-hindi hihingi ng tulong sa ama. Itataguyod niya ang sarili na mag-isa.
Anak siya sa pagkakasala at kahit masakit ay tinanggap niya iyon. Hindi naman niya masisi ang ina dahil hindi nito alam na may asawa na pala si Zandro. Nalaman lang nito matapos may mangyari sa dalawa. Dahil probinsyana nga ang kanyang ina na napasok bilang waitress sa isang bistro bar, wala itong alam sa mga kaganapan sa siyudad. Siguro ay hindi nakaligtas sa charm ng playboy na doktor. Partida nalang na hindi iyon iresponsable at nang malaman na nagbunga ang isang gabi ay nag-offer ng sustento kahit pa nga tigas sa pagtanggi ang kanyang ina. Hindi nila noon ginagalaw ang sustento kahit regular na nagdedeposit ng pera si Zandro
Dapat ay hindi siya magdo-doktor. Pero dahil sa kakalabada ng kanyang ina para maitaguyod silang mag-ina, ay nagkasakit ito sa baga. Nadamay pati ang puso nito. Kahit maprinsipyo ang ina at ayaw tumanggap ng tulong kay Zandro, napilitan siyang pakialaman ang savings na regular na hinuhulugan ni Zandro para sa kanila. Para lang maipagamot ang ina. Matalino naman siya. Palagi siyang top sa klase. Siya din ang palaging representative ng department nila. Noong nasa medschool na siya, si Linster ang madalas ipadala sa ibang bansa ng school nila para sa kung anu-anong bagay.
At kahit estudyante palang, tumatanggap na siya ng pasyente mula sa kanilang lugar para dagdag kita. Malaki naman kasing tulong ang mga kaalaman na nakukuha niya kapag lumalabas ng bansa. Sponsored siyempre ng medschool. Laganap sa lugar nila sa Tondo ang mga gangster na palaging nasasangkot sa gulo. Wala siyang pakialam kung illegal ang ginagawa ng mga ito at kung illegal ding matatawag na nanggagamot siya maski wala pang lisensiya. Walang mahalaga noon kay Linster kundi ang makaipon para maoperahan ang ina. Halos gawin na din niyang araw ang gabi para lang kumita ng pera. Kung anu-anong raket na ang pinapatulan niya basta hindi masama at wala siyang pineperwisyo.
Ipinasok na nga niya ang ina sa ospital na gusto niya para sa operasyon nito. Halos doon na ito tumira dahil sa mga random tests nito. Hindi alam ng kanyang ama ang kondisyon ng kanyang ina dahil nang mag-pitong taon siya, hindi na ito personal na pumupunta sa tinitirahan nila. Ipinagtatabuyan lang kasi ito ng kanyang ina. Pero hindi naputol ang financial support nito sa kanila.
At kahit kailangan na nila ang tulong nito para maka-survive, hindi niya magawang lumapit. Kilala pala ang mga San Victorio at may magandang reputasyon sa publiko.Kung bigla siyang susulpot doon para humingi, gagawa lang siya ng eskandalo at baka mauwi lang sa wala ang gagawin niya.
Kaya mas pinili ni Linster na 'wag nang mag-aksaya ng oras sa makapangyarihang pamilya. Siya na mismo ang gagawa ng paraan. Pero kung kailan kakaunti na ang kailangan niya, saka naman bumigay ang kalusugan ng pinakamamahal niyang ina. Hindi na siya nito nahintay. Hindi na daw nito kaya. Kahit anong pagmamakaawa niya sa ina na 'wag siyang iwan, hindi na nito kinayang mag-stay sa mundo, kasama siya.
Halos gumuho ang mundo ni Linster noon. Ilang buwan din siyang parang nawalan ng direksyon. Para saan pa ang mga pagsisikap niya kung wala na iyong pinaglalaanan? Wala na ang kanyang ina na dahilan ng lahat ng iyon. Para saan pa at babangon siya sa umaga? Para saan pa ang kanyang paghinga?
Pero kapag naaalala niya ang sinabi ng ina bago ito mawala:
“Kasama mo ako sa laban mo sa buhay, anak. Wala man dito sa lupa ang katawan ko, pero kasama mo ako. Nandiyan lang ako sa tabi mo palagi. Gusto kong maging successful na doktor ka, Linster. Ipangako mo sa 'kin na magiging doktor ka.”
Kahit napakahirap na mag-isa, pinilit niyang bumangon. Pinilit niyang tupadin ang pangako sa ina. Malapit na sana ang graduation niya sa medschool nang bigla na namang sumulpot sa buhay niya si Zandro. Nalaman daw nito ang nangyari sa kanyang ina at gusto na siyang kunin.
Hah! Ngayon pa? Kung kailan hindi naman na niya ito kailangan? Nasaan ito noong nahihirapan ang kanyang ina? Noong may sakit iyon at kailangan nila ng pampagamot? Noong nag-aagaw buhay ang ina niya? Nasaan ito?!
Ayun! Nasa loob ng TV. Ngumingiti at kumakaway sa camera. May TV show nga ito patungkol sa health issues. Tumutulong ito sa mga may sakit, voluntarily. Pero silang kept family nito, hindi nito matulungan. Paano nga sila tutulungan e itinatagong pamilya sila ni Zandro? Dungis lang sila sa magandang pangalan at reputasyon nito. May financial support man ito na para sa pag-aaral daw niya, pero kulang iyon sa pagpapagamot ng kanyang ina.
Sa kabilang banda ay may kasalanan din sila. Hindi sila humingi ng tulong dito at itinataboy pa nga noon. Pero kasi, katwiran ng kanyang ina, hindi iyon mukhang pera na ang habol lang ay sustento. Kung hindi ito magagawang panindigan ni Zandro, mas mabuti pang magturingan ang mga itong patay na sa isa't-isa.
Alam naman niyang iniisip lang ng kanyang ina ang magiging eskandalo kung lalabas sa publiko ang tungkol sa kanila. Ayaw nito ng gulo at masaya na sa simpleng buhay. Atleast daw ay may natitira pa rito. Siya.
Alam ni Linster kung gaano kasakit para sa ina ang desisyon nito. At na hindi siya mabigyan ng buong pamilya. Hindi iisandaang beses na nahuhuli niya itong umiiyak sa gabi. At wala siyang magawa para rito. Lahat ng sakit, kinimkim niya sa loob. Siguro kung hindi siya nabuhay ay iba ang sitwasyon ng kanyang ina.
Pero kahit minsan naman ay hindi ipinaramdam ng ina na ayaw nito sa kanya. Puro pagmamahal lang ang ibinigay nito sa kanya noon. Lumaki siyang masiyahin at puno ng pagmamahal kahit pa nga hindi normal ang takbo ng buhay niya.
Tatanggi sana noon si Linster sa offer ni Zandro na iharap na siya sa pamilya San Victorio. Pero naisip niyang iyon na ang pagkakataon para pamukhaan niya ang ama na hindi niya ito kailangan at hindi niya ito kakailanganin. Magtatagumpay siya sa sarili niyang paraan. Lahat ng offer ng Lolo Timothy nila na may-ari ng San Victorio Medical Center ay tinanggihan ni Linster. Maski pa ang pagre-residency niya sa ibang bansa.
Sobrang proud si Zandro sa kanya maski ang matanda. At ang kagustuhan niyang pamukhaan ang mga ito ay unti-unting nawala. Mabait ang mga San Victorio maski pa nga may pagkamatapobre ang iba. Atleast, ang ibang asawa lang ng mga ito. Lalo na ang asawa ni Zandro na misyon yata sa buhay ang pabagsakin siya. Lalo naman siyang nagpursige. At ngayon nga ay full-pledge cardiologist na siya.
Nakapagpatayo din siya ng clinic na may penthouse sa second floor. Lahat ng iyon ay galing sa maraming taon niyang pag-iipon para sa operation ng ina. Hindi siya tumanggap ng kahit anong tulong sa Lolo o sa ama.
Ewan ba kung dahil sa pride o dahil matagal siyang nabuhay sa ideya na hindi tatanggap ng tulong galing sa mga ito para umunlad.
Though, nagdu-duty din naman siya sa SVMC. Kailangan din siya doon ng kanyang mga pasyente na loyal sa ospital ng kanyang pamilya.
Nagbuga ng malalim na buntong-hininga si Linster saka nag-park sa napakakalawak na parking space ng powerplant mall. Kinuha niya sa compartment ang bracelet na sira ang lock at isiningit sa wallet na nakalawit ang kaunting bahagi saka isinuksok sa back pocket. Para madali lang iyong kunin pagdating niya sa shop sa loob.
Matapos mai-secure ang sasakyan ay dumeretso na siya sa main entrance. Para lang maharangan ng mga nagkakagulong mga tao.
Mukhang may celebrity na naman na pinagkakaguluhan. Hindi naman na bago sa kanya iyon sa mall na iyon. Hindi naman kasi basta-basta ang mga nagsho-shopping doon.
Naghintay at bumwelo si Linster para makasingit sa kaguluhan. At kahit inip na inip ay nagpasensiya pa din siya. Pero sandali pa ay naramdaman niyang may humihila sa kung ano'ng bagay sa back pocket niya.
Nang malingunan ni Linster ay hawak na ng isang babae ang bracelet niyang balak ipaayos.
“Hey, Miss! Magnanakaw ka ah! Akin 'yan eh!” agad na sita niya dito.
Mabilis naman nitong naikuyom ang palad na hawak ang bracelet.
“Sa 'kin 'to.” kampanteng sabi ng babae.
Ah! Hindi ito basta babae lang kundi napakagandang babae. Matangkad ito na siguro ay nasa 5'10 ang height. Makinis at maputi at medyo slim. But she had the perfect curves on the right places. Medyo alon-alon ang brunette nitong buhok that actually accentuated her pair of twinkling hazel eyes. Na tinernuhan ng malalantik na mga pilik-mata. Surely it wasn't some kind of fake eyelashes dahil habang tinititigan niya ito ay nasisigurado niyang natural ang mga iyon. Matangos din ang ilong nito, makinis ang mukha na parang kay sarap haplusin. At ang mga labi nitong makikipot at medyo orange brown ang kulay ng lipstick. Bumagay sa fair complexion nito. Her lips... They look soft that he wanted to crush his lips against hers.
Sa magkabilang tainga nito ay may tig-two-carat Canadian diamond circle stud earrings in...maybe 14K white gold. Habang sa kaliwang braso ay ang wristwatch na nasilip niyang Patek Philippe, adorned with round cut true diamonds. At hindi mahirap para sa kanya na malaman kung tunay ang isang alahas dahil dating pumasok siya sa pag-aalahas bilang part-time job.
She looks like a princess in her black fitted haltered dress in half-thigh length. Na nakita pa niyang Armani brand. Maski ang black doll shoes nito ay branded din. Mukha itong prinsesa ng kadiliman na nakapang-agaw ng trono ng isang mayamang kaharian. Wala naman kasi sa itsura nito ang mandurukot sa ganito kataong lugar. Partida na may mga security guards sa buong paligid. Hindi man lang ito nag-ingat? At sa dinami-rami ba naman ng pwede nitong pagnakawan ay siya pa? Hindi naman siya mukhang mayaman.
Mukha lang siyang gwapo pero hindi mayaman ang dating niya. Naka-t-shirt at denim shorts nga lang siya na hindi branded. Well, atleast ang t-shirt niya ay Mossimo. But compared to her get up, na kahit simpleng tingnan ay mukha pa ding elegante. She looks classy and sophisticated. Maski sa paraan ng paggalaw ng mga braso at daliri nito ay napaka-classy tingnan.
At ang silver male bracelet niya na alaga niya nga lang sa palinis kahit napakatagal na sa kanya ay out of place sa mamahaling OOTD nito. Kaya talagang off na angkinin nito ang silver niya.
O baka naman nanti-trip ito. Baka gustong magpapansin sa kanya. Ah! Hindi niya ito masisisi. Kahit laki sa hirap, may dating talaga ang kapogian niya. Hindi na bago sa kanya na may gigimik para lang makuha ang kanyang atensyon. Pero kasi, isang babae palang ang talagang nakakuha ng atensyon ni Linster, effortlessly.
'Yon lang, taken na ang babaeng sinasabi niya.
Anyway, mabalik lang sa babaeng ito ang atensyon niya. Sanay na siya sa mga ganitong uri ng babae na nagpapapansin sa kanya. At para layuan siya ng babae, dadaanin niya sa mala-ipu-ipong self-confidence. 'Pag tinarayan siya, end of conversation.
Ganoon lang ang paraan niya ng pagtataboy sa mga kampon ni Eva. Masyado siyang busy sa kanyang pamangkin at sa Nanay noon.
“Miss...” Nakakalokong nginitian niya ito. “Hindi mo naman kailangang gumawa ng gimik para lang makilala ako. I'm Linster...” Inioffer niya ang kanang kamay dito. “Doctor Linster San Victorio. Ang gwapong cardiologist ng SVMC. Pero may clinic din ako diyan sa malapit. Kaya kung inaatake ka sa puso dahil sa kagwapuhan ko, feel free to run towards my clinic.”
Pinagtaasan lang siya ng kilay ng babae saka hinagod ng tingin. Hindi naman paawat si Linster sa pagbubuga dito ng nag-uumapaw na self-confidence.
“Alam ko naman na hindi ganoon kadaling i-resist ang kagwapuhan ko kaya patatawarin na kita. Basta ibalik mo nalang sa akin 'yang bracelet ko. Mahalaga sa 'kin 'yan e. Kaya sige na. Sa 'kin na 'yan at free kang dumalaw sa clinic ko para makita ang kapogian ko. Anytime you want---”
“Excuse me?” Nakaigkas ang kilay na sambit nito sa kanya. “This is mine, so back off.”
At binirahan siya nito ng talikod sabay lakad palayo.
“Anak ng tokwa! Guard! May mandurukot! Habulin niyo ang magandang babaeng 'yon!” sigaw niya sa security guard na madadaanan nito at agad namang rumesponde.
At talagang nagawa pa niyang bigyan ng compliment ang mandurukot maski nasa masama na siyang sitwasyon? Itinatakas lang naman nito ang precious gift ng kanyang ina. Ilang taon niya iyong inalagaan at hindi siya papayag na basta lang makuha ng pagkagandang mandurugas!
Damn!
Hayun na naman siya sa pagbibigay ng compliment sa...
Agad na ding kumilos si Linster para lapitan ang babaeng naharangan na ng security guard.
“You, brute! Get off me! This is mine!” pilit pagwawala nito.
Kuyom na kuyom ang palad nito na parang kahit anong gawin niya dito ay hindi bibitawan ang silver chain bracelet niya. Napabuntong-hininga si Linster. Ano bang problema ng babaeng ito at pinag-interesan ang silver niya? Eh kung tutuusin, wala maski sa one-percent ng halaga ng isang piraso ng hikaw nito ang halaga ng bracelet niya.
“Sir, kung gusto niyo po ay samahan ko kayo sa pinakamalapit na police station. Do'n nalang po kayo magsampa ng kaso sa kanya. Malamang na bigyan kayo ng danyos-perwisyo ng pamilya niya kapag na-contact na.” sabi ng security guard na katulong niyang pumipigil din sa babae.
Nag-igkasan ang mga kilay ni Linster. Bakit kung magsalita ang guard ay parang alam na kaagad nito ang mangyayari?
“Apo po siya ni Mr. Welsh. Siya po 'yong Kleptomaniac na apo nila na madalas maireklamo. Madalas na laman ng police station.” parang nahulaan nito ang iniisip niya.
Doon na talaga natigilan si Linster. Kilala niya ang mga Welsh. Bukod sa mataginting ang pangalang iyon sa mundo ng mga negosyante dahil sa Welsh Holdings Corporation at sa iba pang chain hotels and Winery ng mga ito, ilang beses ding pumasok sa politika ang matandang Welsh.
Ibigsabihin, ang magandang mandurukot na ito ay prinsesa nga? Prinsesa nga ng kadiliman dahil mukhang madilim ang utak ng babae.
Sayang!
At para saan ang kanyang panghihinayang?