
Summary
Isang rebel princess si Sythia. Na ngayon ay tumatakbo palayo sa arogante, dominante pero mapang-akit na doktor na si Li...
PROLOGUE
“SO, bakit nasa bag mo ang charm bracelet ng anak ko?”
Umiling lang si Sythia. Hindi din naman niya alam na ang charm bracelet ay sa kaklase niyang si Clancy. Kahapon, pinagkakalumbumbungan iyon ng mga kaklase nila habang ibinibida ni Clancy. Siya lang itong walang pakialam sa lahat at tuloy sa paggagawa ng homework. Wala kasing tumulong sa kanya na gawin iyon. Wala ang parents niya. Busy sa trabaho. Nakatulugan na niya ang paghihintay sa pagdating ng mga ito. Sa pag-uwi pa ay panay ang pagtatalo hanggang hindi na niya maisingit ang pagpapatulong sa homework niya.
Ganoon naman lagi. They send her to an expensive school. But none of her school activities and events did they come to attend her. Palaging sa kapitbahay na sa parehong school siya ibinibilin ng Yaya/maid nila.
Hanggang ngayong grade2 na siya, wala pa ding pakialam ang parents niya sa kanya. Busy para sa paghahanda daw sa future niya. Kaya ngayong napapagbintangan siya ng bagay na hindi naman niya ginawa, walang magtanggol sa kanya mula sa bruhang ina ni Clancy.
“Naiinggit kasi 'yan sa 'kin, Mommy. Marami akong magagandang things na wala siya. Nagustuhan niya siguro ang charm bracelet ko kaya niya kinuha.” pamalditang bintang sa kanya ni Clancy.
Gusto niya itong sabunutan. Ang kapal ng mukha! Maski ito, kaya niyang pabayadan sa Daddy niya. Kung nalalaman lang nito, ang katulad na brand ng charm bracelet na ibinibintang nitong ninakaw niya, nilalamon lang ng alikabok sa drawer niya.
“Hindi ko ninakaw ang bracelet mo. May ganyan din ako. Sabi ng Mommy ko, wala pa dito sa Pilipinas ang design na 'yan no'ng bilhin nila 'yong sa 'kin.” katwiran naman niya.
Kailangan niyang mangatwiran at ipagtanggol ang sarili. Dahil wala namang gagawa noon para sa kanya kundi siya.
“Aba't! Atribida itong batang 'to ah? Anong gusto mong palabasin? Na sinungaling ang anak ko?”
“Madam, let's all calm down po. Hindi po maganda ang psychological effect sa bata kapag sinisigawan.” Bigla ay awat ng kanilang adviser na si Ms. Isaiah na nandoon sa guidance office, kasama din nila. Humarap ito sa kanya. “Nasaan na ang parents mo, Sythia? Hindi pa ba sila dadating?”
“Oo nga? Nasaan 'yang magulang mo nang mapamukhaan sila kung gaano kawalang kwenta ka nila pinalaki?” singit na naman ng bruha.
Napapailing nalang si Ms. Isaiah sa hindi paaawat na pagsingit ng bruhang ina ni Clancy.
“Hindi po sila makakarating.” sabi niya sa adviser.
“Ha? Sinabi mo ba sa kanila?” nagtataka naman ang teacher niya.
“Malamang hindi niyan sinabi kasi mapapalo 'yan. O kung sinabi naman, malamang na kaya hindi pupunta ay nahihiya sa ginawa ng anak nila. Aba, dapat lang mahiya sila sa walang kwenta nilang pagpapalaki sa anak nila.”
Sasagot na sana siya sa kabastusan ng bruha nang magsalita ang guidance counselor nila. Ang kapal din naman ng mukha ng bruha para kwestiyunin ang pagpapalaki sa kanya ng mga magulang niya. Kahit naman hindi siya naaalagaan ng parents niya, alam pa din niya ang tama at mali. At mali itong ipinipilit na magnanakaw siya samantalang hindi naman nito nakita na kinuha niya.
“Madam, wala po tayong maaayos kung palagi po kayong sumisingit at hindi hayaan ang bata na makapagsalita.” saway sa bruha ng guidance counselor.
Tumahimik naman iyon pero nakairap sa kanya. Tinatarakan pa siya ng mata. Tinanong ulit siya ng adviser niya kung bakit hindi makakapunta ang parents niya.
“Busy po kasi sila. Nasa out of town. Mamaya pa po ang balik. Ang yaya ko lang po ang kasama ko sa bahay kahapon na dumating ako para sabihing kailangan ko sila kasi pinagbibintangan ako na nagnakaw.”
Kahapon kasi, matapos niyang magpa-check ng assignment, nakita niya ang charm bracelet sa bag. Akala niya, 'yong kanyang same brand na charm bracelet ni Clancy. Kaya isinuksok nalang niya sa bulsa ng trolley school bag niya. Nakita ni Clancy at sinabing iyon ang charm bracelet nito na nawawala. Ninakaw niya raw.
Suot nito ang charm bracelet bago iyon nawala. Malamang napigtal iyon at sa kanyang bag nag-shoot. Sira kasi ang lock. Inakala niya na iyon ang sa kanya kaya niya isinuksok sa bulsa ng bag. Iyon siguro ang basehan ni Clancy na ninakaw niya.
Hindi naman niya kasi pinapahalagahan ang mga ganoong materyal na bagay kaya kapag nasa bag niya ay nasa bag lang niya. Hindi niya naalala na siya ang nagsuksok ng charm bracelet sa drawer niya, many months ago.
Ang counselor at ang bruha nalang ang nag-usap pagkatapos. Gusto niyang makaramdam ng awa sa sarili at tampo sa parents niya na palagi nalang wala kapag kailangan niya. Oo at ibinibigay ng mga iyon lahat ng kailangan niya. Lahat ng trend na bagay, maski hindi niya hingin ay 'binibigay ng mga ito. Pero maipagtatanggol ba siya ng mga materyal na bagay na iyon sa mag-inang bruha? Hindi naman, 'di ba?
“Hindi ako papayag na hindi niyo didisiplinahin ang batang 'yan.” narinig niyang sabi ng bruhang ina ni Clancy.
Ang kaklase niya ay ngumiti sa kanya ng palihim. Pang-malditang ngiti. Katulad ng mga impaktang manika sa horror movies.
“Kami na po ang bahala na magdisiplina sa bata, Madam. At next time po, 'wag na kayong magpadala ng mamahaling gamit sa anak niyo para maiwasan ang mga ganitong insidente.”
“So, ang lagay pala ay ako pa ang may kasalanan?” Hindi patatalong tanong ng bruha.
Hindi na nagsalita ang guidance counselor at adviser niya.
Sa huli, kahit ayaw ng adviser niya at naniniwala sa kanya na 'di niya magagawang magnakaw, napilitan itong bigyan siya ng punishment.
Kailangan niyang sulatan ang blackboard nila ng sentence na: "I am not going to steal again." Kailangan niyang punuin iyon matapos ang klase nila. Naiwan tuloy siya ng school bus niya.
Okay na din kasi nagawa niyang iiyak ang lahat na mag-isa habang papauwi. Naisip ni Sythia, siguro mas mabuti pang ginawa nalang niya ang ibinintang sa kanya para sulit naman ang punishment at kahihiyan na pinagdaanan niya.
