01 – Langit na Walang Stars
”Kuya, kayo na maghugas ah. Sige ma, akyat na ko.” Mabilis na paalam ni Kari sa mga nasa mesa at nagmadaling umakyat sa kwarto niya.
Habang nasa kwarto, naiinis na ewan si Kari. Alam niyang alam ni Dale na siya ang nagluto. At naiinis siya dahil kakaiba ang tingin ni Dale sa kanya habang kumakain. Tingin na parang nang-aasar na naaaliw sa discomfort niya.
”Nakakainis! Kapal ng mukha! Ganun pa siya makatingin! Kala mo gwapo! Kala mo.. qwertyuiopasdfghjkl!!! Bakit ba ko nagkagusto sa eyebags na yun!” Kausap ni Kari ang sarili habang pinanggigilan pa ang mga unan niya.
Gustong lumabas at umalis ng bahay ni Kari. Pero natatakot siyang makita ang pagmumukha ng banda ng kuya niya. O ni Dale.
Walang alam ang banda sa past ng dalawa. Kung past nga bang maituturing yon.
Ni hindi alam ni Sean na umabot sa panliligaw ang pagkakagusto niya kay Dale. Ang alam nito, crush lang. Paghanga lang.
Hindi siya desperada. Tanga lang.
Tangang nagkagusto sa isang lalakeng alam niyang may mahal ng iba.
“Kari naman kasi eh! Di ka kasi nakinig sa kuya mo eh. Dapat nakinig ka na lang kay Sean Kulot. Dapat nung nagkacrush ka pa lang kay Dale, pinigilan mo na. Ayan tuloy, sawi ka ngayon.” Kausap pa ni Kari ang sarili habang nakaharap sa salamin.
Ilang araw o linggo na pala niyang iniiwasan si Dale. Mula ng gabing sabihin nitong may mahal itong iba, umiwas na siya. Bakit hindi? Sobra na siyang nagpakatanga noh. Tama na yon.
Lumabas si Kari sa kwarto at naabutan niya ang kuya niya at mga kaibigan nito na nagkukulitan sa sala nila. Naglalaro ng kung ano. Ayaw na niyang magtanong at dire-diretso na sana siya sa paglabas pero napansin siya ni Luke.
”Baby Kari! San ka pupunta? Gabi na ah!” Sigaw ni Luke at pinigilan si Kari sa paglabas.
Baby ang tawag sa kanya ng lahat ng bandmates ng kuya. Except kay Dale. Ewan niya kung bakit. Psh, ayaw na niyang alamin.
“Magpapaload lang ako, Luke.”
“Eh? Ang layo pa ng tindahan. Lika, samahan kita.”
“Wag na. Maglaro na lang kayo dyan.” Dire-diretso sa paglabas si Kari. Iniwan ang limang lalakeng naglalaro.
“Bakit ganun si Baby Kari?” Pacute na tanong ni Luke.
“Panget mo kasi eh. Ayaw ka kasama.” Sagot ni Kenneth. Kaya ni-wrestling siya ni Luke hanggang sa nakisama na lahat. Except kay Dale.
Habang nagkukulitan ang mga lalake, hindi nila alam na nakalabas na ng bahay si Dale. Akala niya, sobrang layo na ni Kari pero napansin niyang nakatambay lang naman ‘to sa gilid ng daan. Nakatitig sa langit, na walang stars.
”Akala ko papaload ka?”
”Psh. Pasok ka dun. Alis.” Tumayo si Kari at naglakad. Hindi naman talaga siya papaload dahil wala na siyang ganang magtext. Sino namang itetext niya diba.
”Ang sarap pa rin ng luto mo.” Dagdag pa ni Dale na nasa likod lang ni Kari. Nakapamulsa habang naglalakad. Hindi kumibo si Kari.
”Nakakamiss.” Deadma si Kari. Nasa kanto na siya ng street nila ng tumigil siya sa paglalakad at hinarap si Dale.
Huminga ng malalim at sinuntok ng malakas si Dale sa sikmura.
”Aray!”
”Di ka naman pala manhid. Pero ba’t di mo ba nararamdaman na ayaw kita kausap?” Masungit na tanong ni Kari at nagpipigil ng galit.
”Kari naman –”
”Dale, masakit pa rin, okay? Magpapagaling lang ako. Aayos din ako sa dati. Wag ka namang umaktong walang nangyari. Nasaktan ako. Alam mo yon. Kaya baka pwede mo naman akong pabayaan muna diba? Magmomove on lang ako.” Tumalikod na at nagsimulang maglakad si Kari pabalik sa bahay nila.
“Kari, I’m sorry.” Pahabol ni Dale.
“Wag ka ngang magsorry. Wala ka namang kasalanan. Eto o, eto may mali.” Turo ni Kari sa tapat ng puso niya. “Tsaka, okay lang yun. Ganun talaga pag nagmamahal diba? Nasasaktan.” Tuluyan nang naglakad si Kari habang tumingala sa langit si Dale. Sa langit na walang kumikislap na stars.
Hindi nila napansing halos sabay silang huminga ng malalim at bumuntong hininga.
Naisip nilang, lahat din naman ng nagmamahal, nakakasakit.