NAALIMPUNGATAN si Cammi nang may maramdaman siyang kung anong likido na pumatak sa kanyang pisngi. Iglap na binuksan niya ang mga mata para lang muling madismaya. Nakalimutan niya. Kahit pala bukas ang mga mata niya ay wala pa ring magbabago. Mariing kinagat niya ang ibabang labi para mapigilan ang pagtakas ng kanyang hikbi. Pakiramdam niya ay nananakit na ang kanyang mga mata sa ginawang pag-iyak nang umagang iyon.
Umangat ang kanyang kamay at hinawakan ang sariling pisngi. Nakapa niya ang likido roon.
"Maaga pa. Matulog ka muna." Anang baritonong boses na iyon.
Kumunot ang noo niya. Sumunod na kinapa niya ang mukha ng katabi. Umakyat ang mga daliri niya papunta sa makinis na pisngi nito pataas sa hinuha niya ay gilid ng mata nito. "Are you crying?"
"Napuwing lang ako. Umihip kasi ang hangin. Some dirt hit my eyes. Bukas na bukas pa naman ang mga bintana." Ibinaba ni Jarren ang kamay niya. "Go back to sleep. Gigisingin na lang kita kapag naihanda na ang lunch. You need to rest. If you still want me to bring you to a far away place, then get all the rest you need, Cammi."
Muling kumunot ang noo ni Cammi bago niya naalala ang tinutukoy ng lalaki. Hindi na niya narinig pa ang sagot nito nang hilingin niya iyon sa lalaki dahil pinalabas na ito ni Theresa ng kwarto niya para makapagpalit siya ng damit. And then Jarren came back. Naalala niyang kahit na inaantok na siya ay nagpaalalay pa siya rito papunta sa veranda. He didn't let her walk, though. Binuhat siyang muli nito dahil halata pa ang panghihina at panginginig ng mga binti niya dulot ng pagkakababad niya sa tubig sa banyo. Nasasanay na siya sa mga matatag na braso ng lalaki sa kanyang katawan. And when Jarren lifted her as she felt the warm breeze in the veranda, it only took her a while before she dozed to sleep in his chest.
Simula nang magising siya nang madaling araw na katabi si Julianna sa kanyang kama at mapag-usapan nila si Travis ay hindi na siya muli pang dinalaw ng antok. But with Jarren, it was different. His arms, his scent, and even his voice calm her in ways she could never understand. Sa kabila ng sakit sa puso niya, nagagawa niyang mapanatag sa presence nito. And now, with him by her side as she wakes up, the ache somehow... subsided. "Why are you still here?"
"I couldn't go."
"Why?" Pumikit na uli si Cammi.
"You wouldn't let me go." Naulinigan ni Cammi ang amusement sa boses ni Jarren. Maingat na hinaplos nito ang ulo niya pati na ang kamay niya. Napasinghap siya. Saka niya lang naunawaan ang sinabi nito. Mabilis na bumangon siya at naupo na lang sa kama. So the warmth that she felt while sleeping was brought by Jarren's chest. At nakayapos pa siya rito.
"My God," Naitakip niya ang mga palad sa kanyang mukha. Was she that comfortable that she even lied on this stranger's chest? But the man's fast heartbeat sounded music to her ears. Iyon ang musikang nakatulong sa pagtulog niya. "I... I can't believe I'm allowing a stranger to stay by my side."
"But I'm not just any stranger, Cammi. I was hired as your personal assistant today. Julianna hired me. So you better be good to me because I'm doing this for free."
"What?" Nagsalubong ang mga kilay ni Cammi. "Nagkita na kayo ni Julianna?"
"Oo, kagabi lang. Nag-apply ako bilang P.A mo. Ngayong umaga bago ako pumunta rito, idineretso ko sa gallery niya ang biodata ko kasama ng ilang requirements."
"At tinanggap ka niya agad?"
"After a very, very long talk, yes, she did. At dahil hindi ako nagpapabayad, isa lang ang hiningi kong kapalit... Ang manatili rito."
"But why?" Naguguluhan nang tanong ni Cammi. "Why are you doing this?"
"Because I see myself in you. Hindi ako aalis sa tabi mo hangga't hindi ako nakakasiguro na maayos na ang kalagayan mo. Because I believe only by seeing you get back on your feet can I find my peace of mind again." Narinig ni Cammi ang paghugot ni Jarren ng malalim na hininga. "Alam kong marami ka pang gustong malaman pero kay Julianna mo na lang itanong ang lahat. As for now, just go back to sleep."
Mayamaya pa ay naramdaman niya ang marahang paghila ni Jarren sa kanya. Muli siyang inihiga nito sa dibdib nito. "Huwag mong ikahiyang nakakatulog ka sa dibdib ko. I like you sleeping in my arms. Dahil ibig sabihin noon, napapanatag ka. At dahil doon, napapanatag rin ako."
Inaantok na pumikit uli si Cammi. Julianna doesn’t trust people easily. Napakailap nito kaya wala itong gaanong kaibigan. But it seemed like Jarren was somehow able to gain Julianna’s trust. Wala siya ni katiting na alam tungkol sa pagkatao ni Jarren, isa pa rin itong ganap na estranghero para sa kanya. Ni hindi niya alam ang rason ng pagdating nito sa buhay niya. But Jarren's voice and touch reminded her of her father. At miss na miss niya na ang kanyang ama. Right now, she would hold on to anything that would remind her of her father.
Sa isip, pakiramdam niya ay natatanaw niya ang pagngiti ng kanyang ama na siyang dahilan ng pagyakap niya kay Jarren. Muling namasa ang kanyang mga mata. "Jarren?"
"Hmm?"
"Sa tingin mo ba makakakita pa ako?"
"Oo naman." Gumanti ang lalaki ng mas mahigpit na yakap. "One day, when your vision came back and you can see again, everything that happened will all just be a part of a very, very... bad dream."
Tumulo na ang mga luha ni Cammi. "Really?"
"Really." Halos paanas na sagot ni Jarren.
Jarren, kung masasaktan man ako sa mga susunod na araw dahil sa pagdating mo sa buhay ko, then so be it. I've been hurting so much anyway. What's another pain? But right now while you're here, I will let myself rest because for some unknown reason, only in your arms can I do that. Sa ikatlong beses, sa piling ng binata ay hinayaan ni Cammi na tuluyang makapagpahinga ang bugbog ng katawan, isip at puso niya.
"SHE ASKED me to leave with her. And take her to a place where she wouldn't be scared or hurt." Napahugot nang malalim na hininga si Jarren. "Hindi ko masisisi si Cammi kung hangarin niya man iyon. This place had brought her so much pain. And maybe, just maybe, a new environment could help her heal."
Ilang sandaling natahimik si Julianna. Ayon kay Theresa, araw-araw ay walang palyang binibisita nito si Cammi. Sa pagbisita nito noong hapon na iyon ay naabutan pa sila nito ni Cammi sa kama. He was wide awake while Cammi was sleeping like a baby in his chest. Maingat siyang bumangon bago sumunod sa ibaba kay Julianna nang senyasan siya nito.
Hindi naging madali para kay Julianna na tanggapin si Jarren at nauunawaan niya iyon. Ilang oras pa sila nitong nag-usap bago ito napilitang pumayag na tulungan niya si Cammi.
"Hindi ko alam kung anong mero'n sa 'yo. But Theresa was really having a hard time these past few days. She was on the verge of resigning. Nakakita lang daw siya ng pag-asa nang dumating ka sa sementeryo kanina. Akala ko kung sino ang tinutukoy niya, ikaw pala. She even told me that Cammi fell asleep in your arms. Komportable siya sa 'yo kaagad, isang bagay na hindi niya na magawa sa amin ni Tito Carlos ngayon." Bumuntong-hininga si Julianna. "It's just that... I don't think I can trust you after what happened to her because of your father." Matiim siyang tinitigan ng dalaga. "Ano’ng motibo mo? Bakit mo ginagawa ito? Bakit ka lumalapit kay Cammi?"
"Matagal ko na siyang kilala." Inilahad ni Jarren kay Julianna ang unang pagkakataong nasilayan niya si Cammi at kung paano niya ito sinubaybayan sa nakalipas na dalawang taon. "That's why the accident devastated me. Over the past years, I've considered Cammi as my hope for reasons I didn't know why. As a fan, I wanted to bring back the favor. And as the son of the man who caused her so much difficulty, I wanted to help in any way possible." Nakikiusap na tinitigan niya ang kaharap. "I really wanna help her.
“Pakiramdam ko, in some way, pareho kami. Ang dami ko ring dinadala. The guilt, the pain every time I see Cammi and the pain brought about my own family. I feel lost, too. I feel like traveling in a dark place, too. And I was hoping that these feelings would leave the moment I got to help her." Nagsikip ang dibdib ni Jarren. "Pakiramdam ko matutulungan ko lang ang sarili kong makabangon kapag natulungan ko na siya."
"Don't you think you ought to help yourself first? I mean you look shattered as well. Kung gusto mo talagang makatulong sa kapwa mo, hindi ba't dapat na unahin mo na muna ang sarili mo?" Walang emosyong tugon ni Julianna. "And only then can you truly be useful to others. Paano mo matutulungan ang iba kung sa estado mo ngayon, mukhang mas ikaw ang nangangailangan ng tulong nila?"
Mapait na ngumiti si Jarren. "Tama ka. I really am shattered but with Cammi around, I get to pick up the broken pieces of myself." Naalala niya ang pakiramdam nang makita si Cammi na nakatulog na sa dibdib niya habang naglalakad siya noon palabas ng sementeryo. "Kapag nakikita ko siya, I became motivated to be stronger so I can help her. Unti-unti, nagagawa kong buuin ang sarili ko para matulungan ko siyang buuin rin ang sarili niya."
Julianna gasped. Ilang mahahabang sandali pa siya nitong pinagmasdan bago nito hiningi sa kanya ang biodata niya at ilan pang impormasyon tungkol sa kanya. Kinaumagahan sa araw na iyon ay iniabot niya sa ibinigay nitong address sa gallery nito ang mga hinihingi nito. "Hmm... Jarren dela Vega San Gabriel. Mayaman ka naman pala. Sabagay, may architectural firm nga pala ang ama mo." Mapaklang sinabi nito. "Magkano ang expected salary mo?"
"Just let me near her. Gusto kong isa ako sa magbabantay at tutulong sa kanya rito. Gusto kong mag-stay-in."
Nanlaki ang mga mata ni Julianna. "Sabagay, sa laki ng utang ng ama mo sa kaibigan ko, kalabisan na talaga kung maniningil ka pa kapalit ng pagtulong sa kanya." Sarkastikong birada nito nang makabawi sa pagkabigla. "Magpapadagdag ako ng gwardya dito bukas na bukas din. I will also ask Theresa to keep in touch. At magpapakabit ako ng CCTV sa buong bahay. I still don't trust you. Kung hindi lang kailangan, hindi kita hahayaan rito. But I’m warning you, San Gabriel, I will be watching you."
"Where will you take her?" Nahinto sa pagbabalik-tanaw si Jarren nang marinig ang boses na iyon ni Julianna. Noong mga sandaling iyon ay kasalukuyan na itong nagpapa-install ng CCTV sa dalawang lalaking kasama na nito sa pagbisita nito roon. "Hindi ko pa naman kayo masasamahan. Next month na ang exhibit ko."
"Henry bought an island somewhere in Iloilo, Julianna. Nabili niya iyon two months ago. Hindi niya pa nga lang nababanggit kay Cammi dahil surprise niya daw. I was with him when he bought that." Anang isang boses.
Kumunot ang noo ni Jarren. Inginuso sa kanya ni Julianna ang nakataob na cell phone nito sa center table na base sa boses ng nagsalita ay naka-loud speaker.
"I had to let Tito Carlos know." ani Julianna. "Recorded na ang lahat mula pa nang mag-usap tayo kagabi. I have no choice. Kami na lang ang malalapit na tao kay Cammi. She doesn't trust anyone else. And we have to be sure that she's with the right person all the time. Si Tito Carlos ang pansamantalang tumatayo bilang president sa broadcasting company nila. Bago ako pumunta rito ngayon, dumeretso na muna ako sa office niya. Tito already ran a background check on you. So far, you are proving to be the person you said you are." Nagkibit-balikat si Julianna. "Nagkataon lang na hindi makapunta rito si Tito dahil sa dami nang natambak na trabaho sa opisina mula nang... mamatay si Tito Henry."
Napatango si Jarren habang nagpatuloy naman si Carlos.
"Magpapadala rin ako ng mga bantay sa isla. And again, we have to install CCTV around the house for additional security."
"I understand, Sir." Ani Jarren.
"In three days, I think you and Cammi can be there with Theresa."
Nakahinga si Jarren nang maluwag. "Thank you, Sir."
"But don't you have a job to do, San Gabriel?" Pahabol na tanong ni Julianna.
"I could take a leave." Napahugot nang malalim na hininga si Jarren. "Hindi rin naman ako makakapagtrabaho nang maayos sa ngayon. Besides, my business partner can handle things without me. As for now, I just want to run away and hide with Cammi."
"ARE YOU sure you want to leave?" basag ni Julianna sa katahimikan sa pagitan nila ni Cammi. Matapos nilang sabay na maghapunan nito kasama sina Theresa at Jarren ay inalalayan siya ng kaibigan papunta sa veranda para magpahangin.
Bukas na ang nakatakda nilang pag-alis ni Jarren papunta sa isang isla na nabili raw ng kanyang ama noon ayon sa balita ng ninong Carlos niya. Under normal circumstances, she would have been really thrilled and excited. Pero wala siyang maramdamang ganoong mga emosyon ngayon. Katulad ng ama ay biyudo na rin ang ninong niya at walang naging anak kaya tila anak na rin ang naging turing nito sa kanya. She appreciated her Ninong and Julianna’s efforts to help her but it was getting more and more suffocating and right now, leaving the City was the only way she knew in order to be free from them.
"I'm sure that I want to run away and hide, Julianna." Sa wakas ay sagot ni Cammi. "I... I just want to mourn. And the City is not helping me do that." Kinapa niya ang barandilya at humawak roon. Sunod-sunod na malalakas na paghinga ang pinakawalan niya. "Ang sabi ni Ninong, may mga guard raw siyang itinalaga sa isla for security purposes." Bumakas ang frustration sa boses niya.
"Don’t get him wrong. Para din 'yon sa 'yo, Cammi." Naramdaman niya ang paghawak ng kaibigan sa kamay niya. "At para kay Jarren. You know that we still don't trust the man. At least he would have to think twice before he does something."
"The guards are fine." She said to indulge her best friend. "But having Theresa there is too much. I feel more invalid with a nurse around. Ayoko siyang kasama."
Biglang pumait ang panlasa niya nang maalala kung paano siya ituring nina Julianna at Theresa habang naghahapunan sila. Kulang na lang ay subuan siya ng mga ito. Samantalang iba ang paraan ni Jarren. Ginabayan nito ang mga kamay niya sa kung ano-ano ang ang mga nakahain na pagkain mula sa kaliwa hanggang kanan pagkatapos ay hinayaan na siya nito. Her own best friend and the nurse almost treated her like a child. Maya't maya sa pagtatanong ang dalawa kung ano ang kailangan niya.
"Pero Cammi-"
"Bakit gano'n, Jules? You are my best friend. You should know me better than anyone else. Maliban kay Daddy, ikaw ang higit na nakakaalam sa buong pagkatao ko. There were moments before when I thought you knew me better than I do." Mahinang wika ni Cammi. "But I was wrong. Hindi mo pa pala ako kilala nang husto. You, more than anyone else, should not make me feel more pitiful than I already am. You are hurting me, best friend." She said softly. "Masakit na ang mawalan. Masakit na ang maging bulag pero sobra-sobra na ang iparamdam n’yo pa ‘yon sa akin sa bawat araw ng buhay ko. That was the reason why even if Jarren was still a hundred percent stranger to me, I preferred to be with him. Kasi kapag kasama ko siya, hindi ko nararamdamang kaawa-awa ako. Hindi niya ipinaparamdam na may malaking kulang sa pagkatao ko." Mapait siyang ngumiti nang marinig ang pagsinghap ng kaibigan. "Now, if you don't want to insult me more, ‘wag mo nang ipagpilitan pang isama si Theresa."