GOOD THING, Imee came prepared. Nagdala siya ng mga pasigurong maaayos na damit kapag umaalis siya bukod sa normal get-up niyang pantalon at long sleeves o kaya naman ay collared shirt. Isinuot niya rin ang kanyang flat sandals dahil sa tangkad niya na tamang tama lang para sa isang babae ay hindi niya na kailangang mag-takong.
Bumalik siya sa harap ng full-length mirror at sinuklay niya rin ang kanyang mahabang buhok na natural lang ang pagkakulot. Malugod na tiningnan niya ang kanyang repleksyon sa salamin. She finds herself beautiful. Iyon rin ang kadalasang sinasabi sa kanya ng ibang tao pati na rin ng ibang kalalakihang nagpapahayag sa kanya ng paghanga. Pero hindi niya naman kailangan ang mga papuring iyon dahil alam niyang maganda siya at hindi niya na kailangang may magsabi sa kanya ng ganoon…lalo na kung manggagaling lamang sa isang lalaki.
Nang matapos niyang magsuklay ay kinuha na ni Imee ang kanyang sling bag at nilagay niya doon ang kanyang recorder, cellphone, at notepad. Isinabit niya rin sa leeg ang strap ng DSLR camera na dala niya. Wala siyang mahatak na photographer dahil busy ang mga ito sa ibang assignments kaya siya na rin ang kukuha ng mga larawang kailangan niya.
Nang masigurong dala niya na lahat ng kailangan niya ay lumabas na siya ng kanyang silid. Gaya ng sabi ni Yvonne, mag-iikot ikot na muna siya sa lugar pero hindi niya susundin ang huling sinabi nito. Mag-iikot ikot na lang siya doon para kumuha na lang ng mga larawan na kailangan niya.
Nang marating ni Imee ang hagdan ay napahanga siya sa ganda ng hotel kung titingnan iyon mula sa ikalawang palapag. Ngayon niya lang napansin kung gaano ka-bongga ang hagdan na lalong nakadadag sa eleganteng hitsura ng lobby. Gamit ang kanyang DSLR camera ay kinunan niya ng larawan ang lobby mula sa ikalawang palapag.
Nang makakuha ng ilang shots ay agad na tiningnan niya ang mga nakunan niya habang bumababa ng hagdan. Napansin niyang hindi gaanong maganda ang kuha ng isa sa mga larawan kaya napagpasyahan niyang kumuha pa ng ilang shots. Pero habang inaadjust niya ang lente ng kanyang camera ay natigilan siya nang may mahagip ang lente na isang napakagandang subject. Ay hindi, guwapo pala.
Nakita niya ang isang pamilyar na lalaking papasok ng hotel at hindi niya mapagkakailang napakaguwapo nito sa lente ng kanyang camera. She had seen Marco Vijandre before but it was the first time that she had a chance to look at him long enough to study his face. Ginalaw niya ang kanyang camera upang masundan ang bawat galaw nito.
Hindi makakalimutan ni Imee ang kagaspangan ng ugaling ipinakita nito sa kanya nang una niya itong makita pero ngayong napagmamasdan niya ang guwapong mukha nito mula sa lente ng kanyang camera ay parang nabura na ang maling impresyon niya rito.
Tamang tama lang ang kapal ng kilay nito, tamang tama rin ang tangos ng ilong at ang pang-itaas na labi nito ay may kanipisan kumpara sa pang-ibabang labi pero bumagay naman iyon sa prominenteng panga nito at sa lalaking lalaking dating nito. She hated men with full lips because for her, it was so feminine.
Sa kabuuan, pasado sa kanya ang mukha nito pero may isang tanging bahagi ito ng mukha na talagang nakakuha ng kanyang atensyon. It was his beautiful set of piercing black eyes. May karakter ang mga mata nito na para bang matutunaw ang kung sinumang titigan nito. Kaya ganoon na lamang ang paglagabog ng kanyang dibdib sa kaba nang tumingin ito sa direksyon niya.
At bagama’t nakikita niya lamang ito mula sa lente ng kanyang camera ay naramdaman niya ang intensidad ng titig nito na lalong nakapagpabilis ng kanyang puso. Kahit may kalayuan ay parang nanuot sa kaibuturan ng kanyang pagkatao ang paraan nito ng pagtitig.
She knew she was acting and feeling strange. Buti na lang at may lumapit at kumausap kay Marco kaya naalis ang atensyon nito sa kanya. Ibinaba niya ang kanyang camera at huminga nang malalim para kalmahin ang nagulo niyang puso.
Hindi rin alam ni Imee kung bakit natigilan siya nang makita niya si Marco dahil hindi naman iyon ang unang beses niyang nakita ito. Hindi si Imee ang tipo ng taong basta basta na lamang pumupuri sa isang guwapong nilalang dahil si Aaron Carter lamang ang batayan ng ka-guwapuhan para sa kanya.
Pero ngayon, sa unang pagkakataon sa buhay niya ay hindi niya naisip ihalintulad ang lalaki sa kanyang ultimate crush dahil hindi naman ito nararapat ihalintulad sa iba. Patuloy na sinundan niya ng tingin si Marco.
Ogling at someone is not in her nature but she just can’t help staring at Marco. May tangkad itong hula niya ay nasa anim na talampakan, maganda ang pangagatawan na halatang alaga sa ehersisyo at may awra itong hindi maipagwawalang bahala dahil sa nag-uumapaw na sex appeal. Iyon bang tipong kahit pa nasa gitna ito ng napakaraming tao ay mapapansin talaga ito.
He need not to do something to catch attention. Kahit na nakatayo lang ito ay para bang may gravity na humihila kay Imee para tingnan ang lalaki. It was a gravity she never knew existed and she couldn’t explain.
Basta, hindi niya maalis-alis ang tingin niya rito hanggang sa nakita niyang papalapit ito sa kanya nang matapos nitong makipag-usap sa isang lalaking kausap nito kanina.
Marco looked straight at her and the pull of attraction she was feeling just grew stronger. Lalong lumalakas ang kabog ng dibdib ni Imee at gusto niya nang magpatangay sa atraksyong iyon.
Natagpuan na lang niya ang sariling bumababa sa hagdan habang hindi pa rin bumibitiw sa pagtitig kay Marco. Dahil lunod ang sarili sa pagtingin niya sa binata ay hindi na niya napansin na nalaktawan niya ang isang baitang ng hagdanan. Inaasahan niya na ang kanyang pagbagsak pero bigla na lamang may humapit sa kanyang baywang upang mapigilan ang kanyang pagbagsak. Napasubsob siya sa malapad ng dibdib ng isang lalaki at nang mag-angat siya ng tingin ay sumikdo ang puso niya nang makitang si Marco ang sumalo sa kanya.
Pero mali yata ang pag-angat niya ng tingin dahil muling nagtama ang kanilang mga mata. Katulad ng reaksyon niya kanina sa mga titig nito ay parang nanghina ang kanyang tuhod kaya lalo tuloy napasandal siya sa binata.
Siguro ay naramdaman nito ang bigat ng kanyang katawan kaya naramdaman niyang maingat na inalalayan ang kanyang likod upang hindi siya tuluyang matumba. Naramdaman niya ang init ng palad nito sa kanyang likod na nanulay sa himaymay ng kanyang katawan. Lalo pang nanghina ang kanyang tuhod nang mataman siya nitong pinagmasdan. Oh God!
“Puwede bang tumayo ka na nang maayos, Miss?” anito sa kanya.
Biglang bumagsak ang balikat ni Imee nang sabihin nito iyon. Akala niya kasi ay walang hanggan na ang paghihinang ng kanilang mga mata pero hindi pala. Tumayo siya nang tuwid at inayos ang sarili. Bahagya rin siyang humakbang palayo rito dahil napakabilis ng tibok ng puso niya.
“I’m sorry,” mahinang wika niya.
“Palibahasa kasi ay kung saan saan ka tumitingin,” iritadong wika nito.
Parang biglang bumalik tuloy ang pangit na impresyon niya rito dahil bigla na lamang itong nagsungit. Pero ganoon pa man, kinontrol niya ang inis dahil nakakahiya naman kung susungitan niya ito sa sarili nitong hotel at sa harap ng maraming tao.
“Pasensya na. Hindi ko lang napansin na nalagpasan ko na pala ang isang baitang ng hagdan.” Tumaas ang isang sulok ng labi nito.
“Bawal ang tatanga-tanga rito dahil marami kang naaabalang tao.”
Pero bago pa man humulagpos ang kontrol niya ay walang sabi-sabing tinalikuran na siya nito at pumanhik ng hagdan.
Napaawang na lamang ang mga labi ni Imee habang pinagmamasdan ang papalayong pigura ni Marco at naikuyom niya ang palad sa sobrang inis. Sayang, pinuri niya pa man din ang ka-guwapuhan nito pero masama pala talaga ang ugali nito. She was really offended by what he said. Kahit pa si Marco Vijandre ito at ito ang may-ari ng hotel ay wala itong karapatang mang-insulto ng isang tao.
Bakit ba kasi tumingin-tingin pa siya sa kumag na iyon?! Kasi guwapo pala siya!
My gulay!
Pinagalitan niya ang kanyang sarili nang sagutin niya rin sa kanyang isip ang katanungan niyang iyon. Pati tuloy sarili niya ay kinaiinisan niya.
What is the meaning of this?!