HinovelDownload the book in the application

Chapter 2

MAAAGA pa lamang ay naroon na si Imee sa Vijandre Regency Suites sa loob ng freeport zone sa Subic para sa kanyang trabaho at maikling bakasyon na rin. Tatlong araw kasi siyang mananatili doon para i-review ang hotel, mula sa accommodation, facilities, services pati maging sa mga pagkaing isini-serve sa hotel. Pero mula pagtuntong niya pa lamang sa lobby ng hotel ay wala na siyang maipipintas.

Well, hindi naman ito maituturing na five-star hotel kung wala lang. Mediterranean inspired iyon at mula sa disenyo at dekorasyon ng naturang hotel ay nagsusumigaw na ang karangyaan. Lalong naging bongga pa iyon dahil sa malaking chandelier na nasa lobby ng hotel na parang ba nahiya pa nang kaunti sa chandelier sa Manila Hotel. Well, hindi naman talaga mapagkakailang world class ang hotel na iyon dahil pagmamay-ari ito ng Vijandre Global Inc. na hindi naman basta-basta.

“Good Morning Ma’am, How may I help you?” nakangiting bati sa kanya ng isang magandang receptionist.

“Hi, I’m Imee Acosta from The Press. I’m here to review this hotel. Your manager had already set a reservation for The Press.”

Saglit na may tiningnan ang receptionist sa desktop sa harap nito at pagkalipas ng ilang minuto ay muli siyang binalingan. Siguro ay na-confirm na nito ang kanyang reservation na ginawa ng manager ng hotel noong kinumpirma niyang siya ang nagpunta para sa The Press.

“Here’s your room key.”

Ibinigay nito sa kanya ang susi ng magiging kuwarto niya at naglakad na siya patungo sa kuwartong naka-assign sa kanya. Maya-maya lang ay naroon na siya sa harap ng kuwartong nakatalaga para sa kanya. Excited na binuksan niya ang pinto at napanganga siya sa kanyang nakita. It was an executive suite based on the size of the room. It has intricately designed interiors. Mayroon itong airconditioning unit, 32” inch LCD cable television, isang king sized bed, mini bar, at whirlpool Jacuzzi bathroom.

Pero ang mas nakapamangha kay Imee ay ang napakagandang view ng Subic Bay na matatanaw mula sa balkonahe ng silid na iyon. Aware si Imee na mahal ang isang executive suite pero kung ganoon naman kaganda ang silid na iyon, siguradong sulit naman ang ibabayad ng kahit sinuman. Suwerte nga lang siya dahil hindi niya na kailangang magbayad dahil ang mismong Vijandre Regency Suites na ang nagbabayad noon para sa The Press.

Itinapon niya ang sarili sa napakalambot na kama. Kung mayroon mang ikinatutuwa niya sa trabaho niya ay ang mga pagkakataong ganoon na nakakapagbakasyon siya sa isang magandang lugar habang nagtatrabaho at libre pa. Niyakap ni Imee ang napakalambot ring unan.

Parang ba natutukso si Imee na matulog dahil napakasarap mahiga sa ganoon kalambot na kamang maaari niya pang maihalintulad sa ulap. Siguro ay magpapadala na siya sa tuksong iyon kung hindi lang niya narinig ang pagtunog ng kanyang cellphone. Bumangon siya at kinuha ang cellphone sa kanyang bag.

“O, Imee, nakarating ka na ba?” ani Yvonne sa kabilang linya.

“Oo, ang ganda pala rito. Salamat para sa assignment na ‘to,” aniya.

“Anong salamat? Hindi kita ipinadala diyan para sa trabaho.”

Kung katabi niya lamang ito ay siguradong inirapan na siya nito pero nagtaka naman siya sa sinabi nito.

“Anong hindi dahil sa trabaho?” Narinig niya ang paghinga nito nang malalim.

“Well, oo, mag-re-review ka ng hotel nila pero kaya ikaw ang pinili ko dahil pagkakataon na ‘yan para makapagbakasyon ka nang kaunti at makapaghanap ka ng boyfriend.” Napailing siya.

Hindi pa pala talaga nito sinusukuan ang krusada nitong sumunod na siya sa pag-aasawa nito.

“You haven’t given up yet?!” palatak niya. Narinig niya ang pagtawa nito sa kabilang linya.

“Ako nga, hindi mo ako sinukuan noon kaya’t bakit kita susukuan ngayon?”

Naalala niya ang mga panahong halos ipagtulakan niya na si Yvonne kay Terrence para lang magkaroon ito ng boyfriend. Nahirapan kasi noong muling magtiwala si Yvonne dahil sa panloloko ng ama nito.

Ngayon niya lang na-realize na parehas lang pala ang kalagayan nila noon. Iyon nga lang ay mas nahihirapan siya dahil hindi lang ama niya ang nawala sa kanya kundi pati na rin ang lalaking una at huli niyang minahal. Minsan kasi iniisip niya na kung sakaling hindi si Karlo ang anak ng ama niya sa labas, siguro ay mas mapapadali pa ang pagtanggap niya sa sitwasyon. Pero hindi, masyado talagang mapaglaro ang tadhana.

“Hay naku Yvonne, nagsasayang ka lang ng effort. Unless na lang kung maiharap mo sa akin si Aaron Carter ay baka magbago pa ang isip ko.”

Natawa na lang siya nang marinig niya ang sunud-sunod na pagrereklamo ni Yvonne sa kabilang linya.

“Ang lakas rin ng loob mong makapagpayo sa akin noon na piliing maging maligaya pero ikaw hindi mo magawa iyon sa sarili mo. Siguro ay nangyari ang mga nangyari noon dahil may mas maganda pang plano para sa’yo ang Diyos magtiwala ka lang.”

Gusto rin namang magtiwala ni Imee kaya lang kung talagang may magandang plano para sa kanya ay noon pa nito iyon ibinigay dahil masyado na siyang napaglipasan ng panahon.

Sa tagal nga ng mga panahong naghihintay siya ay parang lalo lang nadagdagan ang takot niyang sumubok ulit sa pag-ibig. Baka mamaya ay magkaroon na naman siya ng nobyo at sa huli ay matuklasan niyang kamag-anak niya ito. Huwag na lang. Mas makabubuti nang ganoon kaysa sa ilagay niya na naman ang sarili niya sa sitwasyong alam niyang masasaktan lamang siya sa huli.

“Huli na ako sa biyahe,” aniya.

“Hindi ka pa huli at kung mahuli ka man, huwag kang mag-alala. Mayaman ang napang-asawa ko kaya magpapakuha tayo ng bagong sasakyan para magkaroon ng biyahe para sa’yo,” biro nito na binuntunan nito ng tawa.

Pero kahit kalokohan lamang ang sinabi ni Yvonne ay naiintindihan niya ang sinabi nito. Hindi siya nito susukuan hanggang hindi niya rin mahanap ang tunay na kaligayahan na tulad ng ginawa niya para dito noon.

It really meant a lot to her that her friend is concerned about her happiness. Gusto niya rin naman ang hinihiling nito para sa kanya kaya lang talagang hindi pa siya handa. Napabuntung-hininga siya.

“Ewan ko sa’yo! Itutulog ko na lang ‘to.” Muling naupo siya sa malambot na kama.

“Hep! Hep! Bawal matulog!” sigaw ni Yvonne sa kabilang linya.

“Bakit ba?! Puwede bang magpahinga muna ako bago ko gawin ang trabaho ko?” Napakamot siya sa kanyang ulo.

“Hindi! Tumayo ka diyan at maglibot ka sa hotel na ‘yan! Maghanap ka na ng potential boyfriend mo!” Hindi siya sumagot. Sa halip ay unti-unti siyang nahiga sa kama.

Hindi naman malalaman ni Yvonne na hindi niya ito sinunod dahil wala rin naman iyon doon. Pero hindi pa man nagtatagal na naglapat ang likod ni Imee sa malambot na kama ay narinig niya ang pagsigaw ni Yvonne sa kabilang linya na animo’y nakikita nito ang ginagawa niya.

“Bumangon ka diyan!”

Sa gulat niya ay agad nga siyang napabangon.

“Paano mo nalamang humihiga ako?”

“Wala lang. Nase-sense ko lang. Alam ko kasing kapag ganyan ang usapan natin, bigla ka na lang tinatamad. Amazing ‘di ba? Sinusumpong ka kapag boyfriend ang usapan,” puno ng sarkasmong wika nito.

Naiimagine niya an ang frustrated na hitsura ni Yvonne kaya tumayo na siya. Alam niya kasing kahit wala ito sa tabi niya ay mangungulit lamang ito kapag hindi niya ito sinunod. Ganoon na nga siguro talaga ka-hopeless case ang pagiging bitter niya dahil halos ipagtulakan na siya ng kanyang bestfriend na magka-boyfriend.

“Oo na. Sige na, ibaba ko na.”

“Hep! Bago mo ibaba, siguraduhin mong magbibihis ka ah. If I know, nakapantalon at naka-puting longsleeves ka na naman na naka-tucked in sa pantalon mo at nilagyan mo ng manipis na belt.”

Napatingin siya sa kanyang damit na eksaktong inilarawan ni Yvonne. Iyon lang naman kasi ang lagi niyang suot dahil kailangan niyang magmukhang desente dahil reporter siya.

“O, e ano namang mali sa suot ko? Kailangan kong maging karespe-respeto sa suot ko. Reporter ako,” pangangatwiran niya.

“Bakit hindi ka ba magmumukhang karespe-respeto sa ibang damit? Hindi ko sinabing magsuot ka ng damit na makikita na ang kaluluwa mo. Sabi ko lang, mag-ayos ka naman.” Kung kasama niya si Yvonne, nakikini-kinita niya nang babatukan siya nito.

“Basta magbihis ka! Dios mio, Imee! Nasa Subic ka para mag-enjoy na rin, hindi ka pupunta sa isang prayer meeting.”

Napatingin siya sa sarili sa full-length mirror na naroon sa silid at maging siya ay gusto niya na ring batukan ang sarili niya sa nakita niyang hitsura niya. Haggardo Versoza na rin pala talaga ang beauty niya dahil sa haba ng biyahe niya kanina. Mukhang kailangan niya na nga talagang mag-ayos.

“Oo na!”

“Good. And another piece of advice my friend, kapag nakakita ka ng guwapo sunggaban mo na agad ha at---”

Ibinaba na ni Imee ang tawag bago pa man itong may masabing kung ano. Agad na kinuha niya ang kanyang maxi dress sa kanyang bag at agad na isinuot niya iyon.

Download stories to your phone and read it anytime.
Download Free