Six months later…
NAKAPANGALUMBABA si Imee sa kanyang desk habang nag-iisip ng gagawin. Isa siyang reporter sa The Press at kasalukuyang wala siyang ginagawa dahil nagawa niya na ang mga artikulong kailangan niyang isulat nang mas maaga pa sa deadline niya. Efficient- iyon ang maaaring ilarawan kay Imee dahil dedikado ito sa trabaho at professional siya sa ginagawa niya dahil buong pusong minahal niya na ang pagsusulat mula pa nang kunin niya ang kursong Journalism sa kolehiyo.
Iyon nga lang ay wala na siyang magawa noong mga sandaling iyon dahil hindi pa rin siya binibigyan ng panibagong assignment. Kaya imbes na tumunganga na lang siya ay binuksan niya ang browser at nag-search ng tungkol sa isa pa niyang mahal bukod sa pagsusulat—si Aaron Carter.
Bente otso na siya pero hindi pa rin niya matigil ang pagka-crush niya kay Aaron Carter na isang singer na sumikat noong mga panahong nasa high school pa lamang siya. Sinasabayan niya ang mga kanta nito sa radyo noon at ito ang naging unang crush niya. Hindi na ito aktibo sa showbiz kaya pinagpiyesta niya na lamang niya ang kanyang mga mata sa lumang picture nitong nakita niya sa internet.
Ewan niya ba kung bakit sa dinami-dami na ng guwapong celebrity ngayon ay si Aaron Carter pa rin ang batayan niya ng ka-guwapuhan. Palagi nga siyang tinutukso ng kaibigan niyang si Yvonne dahil masyado talaga siyang loyal na fan girl nito.
And speaking of her friend Yvonne, she saw her walk to her. Kakagaling lang nito sa opisina nito bilang Editor-In-Chief kasunod ang asawa nitong siyang may-ari at publisher ng The Press na si Terrence Abueva. Dating managing editor si Yvonne pero ito na ang pumalit bilang editor-in-chief nang mapilitang mag-resign ang dati nilang E.I.C na si Mr. Tarroza dahil sa isang vehicular accident na kinasangkutan nito ilang buwan na rin ang nakakaraan.
“Hi Imee, kamusta na?” bati sa kanya ni Terrence.
“Okay lang naman. Ikaw?”
Kahit amo niya si Terrence ay mabait ito sa kanya dahil kaibigan siya ni Yvonne at minsan na nila itong nakasama sa opisina nang magpanggap itong isang baguhang writer.
“Great.” Nakangiting sinulyapan nito ang asawa nito na ginantihan rin ito ng ngiti. “Lalo pa at nakita ko na ang asawa ko matapos ng tatlong araw na business trip ko, I’m doing great.”
Hindi siya normal na kinikilig sa mga ka-kornyhan na hatid ng pag-ibig pero hindi niya talaga mapigilang mapangiti kina Yvonne at Terrence. It was the way he looked at her that really convinced her that he loved Yvonne. They really looked cute together. Limang buwang kasal pa lamang ang mga ito at mukhang pinaninindigan ng mga ito ang pagiging bagong kasal sa sobrang ka-sweetan nito sa bawat sa isa’t isa.
“Ano ba ‘yan?! Tatlong araw lang kayong hindi nagkita. O.A mo naman, Terrence.”
Natawa ang dalawa sa sinabi niya. Sanay na ang dalawa sa ka-bitteran niya sa buhay kaya hindi na lang siya pinapatulan ng mga ito.
“E bakit ba? Na-miss niya ako, eh. Mag-asawa ka na kasi para ma-feel mo ang nararamdaman ko,” nakangising wika ni Yvonne. Napangiwi siya sa sinabi nito na ikinahalakhak na naman ng dalawa.
“Eeew. Ayoko nga. Ayokong magpaka-tanga sa pag-ibig,”
“Why don’t you go with us tonight? Bibisitahin namin ang Bistro Guwapo Beach Club sa Pristine Residences mamayang gabi. Hindi kasi kami nakadalo noong opening nito noong isang linggo dahil pare-parehas kaming busy ng mga kaibigan ko. Malay mo, magbago ang pananaw mong ‘yan sa pag-ibig mamayang gabi,” mungkahi ni Terrence.
Minsan na rin siyang nakapunta sa Bistro Guwapo dahil minsan na rin siyang isinama doon nila Yvonne. At ngayon ngang binuksan na ang Bistro Guwapo sa loob ng premyadong residential towers na Pristine Residences sa Parañaque ay gusto na naman siyang kaladkarin ng mga ito dahil batid niyang nais ng dalawang makahanap siya ng boyfriend para matapos na daw ang ka-bitteran niya sa buhay.
“Oo nga, sama ka sa amin. Bagong branch, bagong mga guwapo,” excited na wika ni Yvonne pero agad rin namang umayos ito dahil siniko ito ng asawang si Terrence.
“Ayoko. Marami akong gagawin mamayang gabi,” pagsisinungaling niya pero alam niyang hindi iyon bumenta kay Yvonne.
Nagkibit-balikat na lamang si Terrence saka nagpaalam na ito sa kanilang dalawa ni Yvonne. Akala niya ay titigil na sa pangungulit ang huli dahil wala ang asawa nitong katuwang nito sa pang-aasar sa kanya pero nagkamali siya nang hinila nito ang isang swivel chair mula sa kung saan at ipinuwesto rito iyon sa tabi niya. Hindi na siya nagtaka nang umupo ito doon at nagsalita. Alam niyang bored na ito sa dami ng kailangang i-edit nito kaya ngayong nakahanap ito ng kukulitin ay alam niyang hindi nito papalampasin iyon.
“Wala kang gagawin. Tapos mo na lahat ng pinagagawa ko sa’yo kaya sumama ka na mamaya,” anito.
“Ayoko. Busy ako.” Hindi si Imee ang tipo ng babaeng gumigimik at hindi siya komportable sa mga club dahil wala siyang social life. Minsan ay napipilitan lang siyang sumama kapag walang humpay ang pamimilit ni Yvonne.” Muling tinuon niya ang kanyang pansin sa kanyang desktop.
“At anong pinagkakabalahan mo? Ang pag-search diyan kay….”
“Aaron Carter,” inis na dugtong niya.
Hindi niya ma-gets kung bakit hindi kilala ni Yvonne ang singer samantalang nabuhay sila sa parehas na dekada.
“Whatever.” Nagkibit-balikat ito. “I’m just saying that you should meet real people to have a real love life. Hindi iyong pinaglipasan na ng panahon ang pagka-crush mo sa diyan kay Aaron Carter.” Inirapan niya ito.
“Puwede ba? Walang pakialamanan ng trip?” Ito naman ang nagkaroon ng pagkakataon para inirapan siya.
“Ang lakas mong makapayo sa akin noon na maghanap ng boyfriend pero ikaw wala pa. Masaya na ako ngayon at hindi naman ako papayag na hindi ka sumaya,” anito.
Kung may isang bagay na naging dahilan upang magtagal ang pagkakaibigan nila ni Yvonne ay tunay itong nagmamalasakit sa kanya. Para bang ito na ang naging kapatid niya mula nang magtrabaho siya sa Maynila.
“Masaya na akong masaya ka.” Nagdududang pinagmasdan siya nito.
“Ikinakasaya mo na ba ang pagtingin-tingin ng larawan ng iniidolo mo diyan sa computer?”
Napabuntung-hininga ito na parang frustrated na ito sa kanya. Masaya naman siya sa buhay niya at hindi niya kailangan ng love life. Alam ni Yvonne ang paniniwala niya sa pag-ibig. Oo at natutuwa rin siya sa konsepto ng pag-ibig pero hindi niya lang talaga ma-imagine iyon para sa kanya.
She had been heartbroken twice because of her first boyfriend and her father. Nagkaroon ng nobyo si Imee noong senior year niya sa high school.
Akala niya ay nagkatotoo ang mga fairytale na nababasa niya noon dahil masaya siya kasama niya ang nobyo niyang si Karlo. Kahit nasa murang edad pa lamang siya ay pinangarap niyang makasama na si Karlo hanggang sa pagtanda nila tulad ng Mama at Papa niya. For her, her parents’ love story was perfect.
They were each other’s first. Kahit matanda na ang mga ito ay patuloy pa rin ang pagmamahalan ng mga ito at hiniling niya na sana balang araw ay magkaroon din siya ng ganoon ka-perpektong pag-ibig. Pero ika nga, nobody’s perfect, ganoon din ang relasyon ng kanyang mga magulang.
Noong magko-kolehiyo na siya ay nagkaroon ng sigalot ng kanyang mga magulang dahil nalaman ng kanyang ina na nagkaroon ng anak sa labas ang kanyang ama na wala man lang itong ka-ide-ideya. Parang gumuho ang paniniwala ni Imee sa pag-ibig dahil nabuwag ng isang pagkakamali ang minsang matatag na pag-iibigan ng kanyang mga magulang. At ang masakit pa ay nalaman niyang si Karlo ang anak sa labas ng kanyang ama.
It was like getting heartbroken twice at the same time. Mula nga noon ay pinangako niya na sa kanyang sarili na hindi na siya muling iibig dahil hindi niya na kayang masaktan pa. She needed to be strong and she can live alone without the help of any man.
Mula nang mamatay ang kanyang ina sa sakit nito sa puso apat na taon na ang nakakaraan ay mag-isa na si Imee sa buhay at nakakaya niya naman iyon. Wala na rin siyang naging balita sa kanyang ama at sa kapatid niyang si Karlo sa loob ng isang dekada na yata. She’s perfectly fine with herself and she’ll leave it that way.
“Ayoko ngang mag-clubbing.” pangungumbinsi niya.
“Sige na kasi! Ngayon lang naman ulit! Saka nandoon si Marco Vijandre.” Nang lingunin niya si Yvonne ay may kakaibang kislap sa mga mata nito na hindi niya nagustuhan kaya inirapan niya na naman ito.
“O, anong pakialam ko sa reptilyang ‘yun?” mataray na wika niya.
Minsang nakita na ni Imee si Marco Vijandre nang minsang magtungo siya sa Bistro Guwapo kasama sina Yvonne at hindi niya nagustuhan ang kagaspangan ng ugali nito. Reptilya ang tawag niya rito dahil malamig ang pakikitungo nito sa kanya noon kahit maayos naman ang pag-approach niya rito. Kung hindi lang siya pinigilan noon ni Yvonne ay baka tinadyakan na niya iyon. Pero agad rin namang ipinaliwanang ni Yvonne ang pagsusungit ng binata sa kanya dahil noong mga panahong iyon ay nahihirapan daw ang binata sa pagkumbinsi sa mga memebers ng Bistro Guwapo na ipagbili ang franchise nito.
At ngayon nga ay obvious na nakuha na nito ang gusto nito dahil sa wakas ay naitayo na ang Bistro Guwapo sa Pristine Residences na pagmamay-ari rin nito. Kilalang arkitekto si Marco Vijandre sa bansa kaya kilala niya ito.
“Naku Yvonne, hindi ako sasama at kung puwede, huwag mo akong ipapares sa reptilyang iyon,” dagdag niya pa.
“At bakit naman? Walang sinumang babae sa Pilipinas ang hindi gugustuhing maipareha kay Marco dahil bukod sa mayaman ito, guwapo at---”
“At masama ang ugali niya,” sansala niya. “Hindi kami bagay dahil masama rin ang ugali ko. Kung may ipapareha ka sa akin, anghel ang hanapin mo para makabawi man lang ako sa kasamaang ikinalat ko rito sa lupa.” Malulutong na halakhak ang naging tugon ni Yvonne sa kanya.
“Hindi ka talaga magpapatalo, ah,” natatawang wika ni Yvonne. Pailing-iling na napatayo ito. “O sige na, hindi na kita pipiliting sumama.”
Agad na lumawak ang ngiti ni Imee dahil sa unang pagkakataon ay nakalusot siya kay Yvonne. Pero bago pa man ito umalis ay muli siyang binalingan nito na may parang kakaibang ngiting nakapaskil sa mga labi nito.
“Bakit?”
“Oo nga pala. Kung hindi ka sasama, bibigyan na lang kita ng trabaho,” anito.
Mukhang magandang ideya pa sa kanya ang magtrabaho kaysa pilitin siya nitong maghanap ng boyfriend.
“Sure, anything.”
“Tutal ikaw lang naman ang walang ginagawa rito, ikaw na lang kaya ang mag-review ng isang hotel sa Subic.”
Minsan kasi ay may mga hotel o resort na nagre-request para ireview at ilathala sa pahayagan bilang isang uri ng advertising strategy ng mga kompanyang iyon.
“Anong hotel ba?” Magandang ideya iyon para kay Imee dahil bukod sa makakapagtrabaho na siya ay makakapagpahinga pa siya.
“Vijandre Regency Suites,” malawak ang ngiting wika ni Yvonne.
Hindi niya na kailangang hulaan kung kanino iyon dahil isa lang naman ang lalaking kilala niyang nagmamay-ari ng ganoong apelyido. Napailing na lang siya nang hindi na siya binigyan ni Yvonne ng pagkakataon para makapag-protesta dahil agad na itong umalis sa harap niya. Hindi niya alam kung bakit parang may fascination nito sa pagpapareha sa kanya kay Marco Vijandre. Ano bang mayroon ang kumag na iyon?
Hindi niya alam kung anong pumasok sa isip niya dahil natagpuan niya na lamang ang sariling nagse-search sa internet tungkol kay Marco Vijandre at sa loob lang ng ilang saglit ay nakatingin na siya sa mga picture nitong naka-post sa facebook account nito.
"In all fairness, guwapo ang reptilya."