NAGISING si Rysia sa maingay na pagwawala ng doorbell. Napabangon tuloy siya. Sino ba itong gunggong na balak pa yatang sirain ang doorbell niya?
Ah! Baka `yong mga bata sa katabing unit. Makukulit ang mga `yon pero nakakatuwa naman.
Bumalik si Rysia sa paghiga. Masama talaga ang pakiramdam niya. Parang binibiyak ang ulo niya dahil sa lagnat at sipon. Pero kapag naaalala niya ang mga ganap sa kanila ni Matthew kahapon, nakakalimutan na niya ang iniinda. Sulit na sulit naman kasi naka-tsansing siya sa binata. Inihatid pa siya nito pauwi. Hindi niya `yon ini-expect dahil ang balak niya ay magpa-cute lang. Salamat talaga sa ulan. Sana umulan ulit kapag pumasok na siya sa school.
Kaya naman niyang pumasok maski may lagnat at sipon. Gusto niyang pumasok kasi gusto niya ulit makita si Matthew. Kailangan niyang makita ang kanyang vitamins.
Pero itong si Becky, kulang na lang itali siya sa kama o i-padlock sa unit niya, `wag lang siyang makaalis.
“Tigil-tigilan mo muna `yang kabaliwan mo sa Matthew na iyon. Kahit isang araw lang. Hindi magugunaw ang mundo kung di mo man siya makita sa buong 24hours.”
Kung alam lang ni Becky, si Matthew lang ang kumukompleto ng buong 24 hours niya.
Muli na namang nag-ingay ang walanghiyang doorbell. Napilitan na tuloy siyang bumangon. Baka nga talagang may tao sa labas. Itinawag siguro ni Becky sa Mama na may sakit siya.
“Ang Beckyang `yon talaga. Nasabi ko nang `wag nang sasabihin.” bubulong-bulong na reklamo niya sa sarili.
Magmula nang maka-adapt siya sa pag-i-independent living, ipinasya niyang hindi na masyadong abalahin ang ina kung hindi sobra-sobrang importante. As in matter of life and death.
Tutal hindi naman iyon pumapalya sa pagsustento sa mga bills niya at allowance. Mukhang doon ibinabawi ng ina ang lahat ng kakulangan nito sa kanya. At okay na din. Kahit malungkot mag-isa, masaya naman siya kapag nakikita si Matthew.
“Sandali lang!” sigaw niya sa kung sinong nanggagahasa sa kanyang doorbell. Pumitik ang kanyang sintido pero pinilit niyang balewalain.
Kapag `yong mga bata talaga sa kabila, pagkukukutusan niya ng very very light.
“Ano bang--”
Natigil sa tangkang pagwa-warla si Rysia nang bumungad sa kanya ang isang kamila-milagrong tagpo.
Isang guwapong nilalang na hulog ng langit pero puno ng pag-aalala ang mga mata ang bumungad sa kanya. Dumeretso ang isang palad nito sa noo at leeg niya.
Gusto niyang himatayin sa mga bisig nito. Para makatsansing ulit.
Oh, shit!
Napatakip siya ng mukha gamit ang dalawang kamay.
“Bakit nandito ka? Ni hindi man lang ako nakapaghilamos! Nakakahiya ang hitsura ko.” Mangiyakngiyak na reklamo ni Rysia sa bagong dating.
Isang tawa ang narinig niya bago nito marahang inalis ang mga kamay niya na nakatakip sa mukha.
“Nilalagnat ka daw, sabi ng kaibigan mong janitress. Ang init mo nga.”
Ikaw nga diyan ang super hottie eh!
“Si Becky?”
Alanganing tumango ito.
Ang babaeng `yon! Hindi man lang siya inabisuhang may surprise medicine palang papupuntahin sa unit niya.
Hindi niya tuloy alam kung matutuwa o maiinis kay Becky. Dinatnan siya ni Matthew na hindi ready ang kadiyoshan niya.
“Ah!!! Nakakahiya!” Tili niyang nagtakip na naman ng mukha.
Pero bigla ding lumipat ang isang kamay sa kanyang sintido. Pumipitik na iyon dahil sa kanyang pagtili. Mahilo-hilo na din siya na hindi niya mawari pero binalewala niya ang pagsama ng pakiramdam.
Sa ngalan ng paglandi!
“Puwede bang pumasok?” tanong nitong inalalayan pa siya sa kanyang braso.
“Ah, oo. Sige, pasok ka.” paunlak na niya. Ayaw na niyang itili ulit ang kahihiyan at talagang pumipitik ang kanyang sintido.
Gusto pa niyang makasama si Matthew ng mas matagal. Kailangan niya itong ientertain kahit anong mangyari.
Pumasok nga si Matthew pero kasabay niya ito dahil inalalayan na din siyang maupo sa bumungad na couch. Thanks to her beloved Bestfriend. Malinis ang unit niya dahil ayaw talaga ni Becky ng makalat. Ito ang naglilinis ng mga bagay na di na niya naililigpit. Katwiran niya, gagamitin din naman niya, bakit pa niya ililigpit?
Okay. Katwirang baluktot `yon.
“Mataas ang lagnat mo, ah. Dapat hindi ka na bumabangon. Teka, kumain ka na ba?” sabi nito bago pa sila parehong makaupo sa couch.
“Sinong magbubukas sa `yo ng pinto kung hindi ako babangon? E' sa paraan ng pagdodoorbell mo, parang may emergency.” Wala sa loob na sagot-tanong niya.
Windang kasi talaga siya at hindi inaasahan na dadalawin siya ni Matthew. Langit talaga.
Narinig niyang bahagya itong natawa habang napapakamot sa batok. “Oo nga naman.”
Parang gusto niyang bawiin ang sinabi. Ang walang pakundangan kasi ng dating niya. Baka ma-turn off. Pero wala na. Nasabi na niya. Panindigan na lang.
“Ah, kumain ka na ba? Uminom ka na ng gamot?” tanong ulit nito na naghanap ang mga mata.
Tumigil iyon sa medicine cabinet na nasa kitchen. Actually, ang kitchen niya, kasunod lang ng sala. Kitang-kita doon ang kaganapan sa buhay kusinera niya. Which is, epic fail, dahil wala siyang masyadong alam sa kusina. Puro pamprito at instant lang ang laman ng storage cabinet niya.
“Oo, kanina. Teka, ano bang gusto mong inumin? Coffee? Juice?”
Nang umakma siyang tatayo ay pinigilan siya ni Matthew.
“Nagpunta ako dito para alamin ang kondisyon mo, hindi para dumayo ng merienda.” seryosong sabi nito sa kanya.
Hindi niya alam kung alin ang nagpaganda ng pakiramdam niya. Ang humor ng sinabi ni Matthew? O ang hindi man directly pero obvious na concern ng binata.
And he was really concern about her. Kailan pa? Bakit? Anong engkanto ang nakapambiktima rito at agad-agad, nagkaroon ito ng pakialam sa kanya?
“Alright. Nag-o-offer ka na agad ng home service, hindi ka pa nga nakakapag-board exam, Doc.” Napapangiting sabi niya sabay abot ng digital thermometer na nasa ibabaw ng side table.
Ibinigay niya iyon kay Matthew na napatawa din pero agad na nangunot ang noo sa pagtataka.
“`Di ba, mag-home service ka nga. So, i-check mo na ang temperature ko.” paliwanag naman niya.
“Ah, yeah.” Nakangiting kinuha nito ang digital thermometer. Pinindot at saka itinapat sa may tainga niya.
Ang totoo, kaya naman niyang gawin `yon mag-isa. Pero yamang nandito na din naman ang kanyang vitamins at willing maging nurse/doctor, e 'di lulubos-lubusin na niya.
“39.2” Madilim ang mukha na anunsiyo nito pagkakita sa digital result ng body temperature.
Gusto niya tuloy mag-alala. Hindi dahil sa result kundi dahil sa madilim na ekspresyon ng guwapo nitong mukha. Para kasing naaasar ito na ewan.
May ginawa ba siya? O may nasabi na hindi nito gusto? Nahalata ba nito kaagad na plano niyang mang-abuso?
“Anong oras ka huling uminom ng gamot?” seryoso pa ding tanong nito.
Sasagot sana siya nang maramdamang nangangati ang ilong. Ayaw niyang mag-sneeze kasi baka makabawas lalo sa ganda niya. Pero hindi niya mapigilan. At ilang beses iyong naulit.
Hindi na siya makatingin ng deretso kay Matthew nang abutan siya ng tissue. Nakakahiya na talaga! Ngayon palang siya napapansin ni Matthew at gusto niya sanang magmukhang perfect sa mga paningin nito. Pero anong nangyayari? Palagi na lang effect fail. Kahapon, mukha siyang basang sisiw. Ngayon naman, naka-losyang look siya.
Hindi na nga siya maganda nang mabungaran nito tapos, puro pagbahin pa ang ginagawa niya.
“I am asking you, Rys.” giit ni Matthew pagkuwan.
“Ah, kanina lang. Mahigit isang oras na siguro.” sagot na lang niya habang inaayos ang sarili.
Pasimple niyang nahagod ang mahaba at tuwid na buhok. Baka kasi magulo `yon. Hindi pa siya nakakapanalamin.
“At hindi bumababa ang body temperature mo.” sabi nito. Hindi iyon patanong kundi tono na siguradong-sigurado.
Tumayo si Matthew, lumapit at nagsaliksik sa medicine cabinet niya. Pinagtitingnan ang mga gamot.
“Mahinang klase ng paracetamol ang ginagamit mo. Pati anti-histamine. Magpalit tayo ng brand.” sabi ng binata na ipinagsho-shoot sa basurahan ang mga gamot na ni-ran sack nito sa medicine cabinet niya.
Pabuntong-hininga na binalingan siya ni Matthew. Hindi naman niya alam kung paano haharap dito. Naco-conscious siya sa kanyang hitsura. Bakit kasi kung kailan siya nilalapitan ni Matthew, saka naman siya hindi mukhang maganda?
“May kukunin ako sa ibaba. Dito ka lang. Mabilis lang ako.” sa nagmamadaling tinig ay sabi ni Matthew at lumabas ng unit niya.
Sinilip sandali ni Rysia ang pintuan. Nang makita na wala na si Matthew, dali-dali siyang pumasok sa silid at nag-ayos ng sarili. Kahit halos magdilim ang kanyang tingin, pinilit niyang ayusan ang sarili. Napa-kilay goals pa siya. Nagpalit din ng mas magandang suot ang dalaga. Maong shorts at boxer top. `Yong nakaka-sexy ang hakab ng tela sa katawan. Kailangan niyang ibawi ang sarili. Kailangan niyang maging maganda sa pagbabalik ni Matthew.
BUMALIK din si Rysia sa sala matapos ayusin ang sarili. Kahit pakiramdam niya, tatakasan na siya ng katinuan sa sama ng pakiramdam, pinilit pa din niyang magmukhang maayos. Mahirap na. Baka ma-turn off na talaga si Matthew sa kanya.
Humilig siya sa couch at nag-cross legs. Sa ganda at kinis ng kanyang hita, siguro naman, bawing-bawi na siya ngayon sa losyang look niya kanina.
Lantad na lantad ang kahabaan at kakinisan ng mga iyon na alaga niya sa mamahaling lotion at moisturizer na binebenta sa kanya ni Becky. Ewan, kung saan ito umaangkat. Pero certified original and effective. 'Yon naman ang mahalaga kaya hindi na din siya masyadong nag-usisa pa sa kaibigan.
Narinig niya ang pagbukas ng pinto. Siguradong pumasok na si Matthew sa loob. Hindi naman siya kumilos. Kunwari, wafakels. Bibigyan niya naman ng kaunting dignidad ang sarili.
“Sorry, natagalan ako. Hinanap ko pa `yong travelled medicine kit--”
Nahinto si Matthew sa pagsasalita at ramdam niyang lumipad ang mga mata nito, particularly sa kanyang mga hita. Kitang-kita niya kung paano ito napalunok sabay tikhim at iwas ng tingin.
Dumeretso si Matthew sa counter top na naghahati sa sala at kitchen. Doon nito ipinagkakalat ang mga gamot na bitbit nito at chineck, isa-isa.
Napangiti siya sa sarili. Mukhang may effect naman pala ang ginawa niya. Hindi nasayang ang effort maski feeling niya, ang pag-aayos kanina ang pinakamahirap niyang ginawa sa buong buhay. Masama na nga kasi ang pakiramdam niya, nakukuha pa niyang lumandi.
Pero kailangan kasi talaga eh.
“Nagbihis ka pala. Mas okay `yong pajama kanina. Baka mapulmonya ka pa niyan sa suot mo.” sabi nitong hindi tumitingin sa kanya.
Gustong umarko ng kilay ni Rysia. Did he really mean it? Na mas okay ang pajama kaysa short shorts niya?
Weh? 'Di nga?
Mukha namang nag-enjoy ito sa pagsilay sa hita niya kanina. Or it was just her who felt the heat coming from his gaze? Even from that very short moment, she felt that. `Yong parang mainit na palad ang mga mata nitong lumapat sa kanya.
“Nakakahiya naman kasi sa binatang bisita. Parang nag-i-scrap ang binibisita.” sabi na lang niya.
Natawa na si Matthew. Sa paglapit nito sa kanya, may dala nang tubig at isang paracetamol.
“Inumin mo muna. Safe `yan kahit walang laman ang tiyan. Pero dapat ka pa ding kumain.” anito habang iniaabot sa kanya ang hawak.
Agad kinuha ni Rysia ang gamot at tubig. At mabait na ininom ang mga `yon. Sawang-sawa na talaga siya sa gamot, sa totoo lang. Pero dahil si Matthew ang nagpapainom sa kanya, she wholeheartedly take the medicine.
“Kapag hindi pa din humupa ang lagnat mo hanggang mamayang hapon, magpa-check up ka na.” sabi nito nang kunin sa kanya ang baso.
“Ano ka ba? Konting lagnat at sipon lang ito. Makukuha 'to sa tubig at pahinga.”
Nakuha pa niyang ngumiti kahit parang gustong magdilim ng mga paningin niya. Pilit nilabanan ni Rysia ang sama ng pakiramdam. Kailangang ientertain pa niya si Matthew. Gusto pa niya itong makasama at makausap ng matagal.
“Lahat ng malalalang sakit, sa simpleng sintomas nagsisimula. Huwag mo nang hintaying lumala...”
Pinipilit niyang intindihin ang mga sinasabi ni Matthew pero talagang gusto nang mag-black out ng ulirat niya. Napahawak siya sa sintido nang magsunod-sunod ang pagkirot noon. Ayaw niyang isarado ang mga mata dahil gusto pa niyang magpakasasa sa kagwapuhan ni Matthew pero talagang hindi na niya kaya.
Naghagilap ang isang kamay ni Rysia ng mahahanapan ng suporta. She wanted to remain her cool pero...
“Rys! What's wrong?” Ang nawiwindang na boses ni Matthew ang kanyang naririnig habang nakikipaglaban sa pagpikit ng mga mata at pagsama ng pakiramdam.
“Ayoko pang matulog...”
But she went black out. Pero bago iyon, naramdaman niya ang maiinit at matitigas na brasong humapit sa kanyang baywang at pumaikot sa kanyang likuran.