HinovelDownload the book in the application

CHAPTER 2

“PST! Beckya!”

Hindi lumilingon si Becky kaya nilapitan na ito ni Rysia. Kasalukuyan kasing nagwawalis ang kaibigan sa pathway ng Lover's Lane. At nakita naman niyang paparating si Matthew. Ewan ba kung bakit iyon napadpad roon. Sigurado siyang wala itong babae ngayon. Puspusan yata sa pag-aaral kaya hindi nambababae.

Oo, alam din niya na mahilig sa babae si Matthew. Pero mga hindi naman nagtatagal kaya hindi na din siya nababahala. At kapag siya na ang naka-entra sa puso nito, sisiguraduhin niyang wala na itong kawala sa mga galamay niya.

Anyways...

“Rebecca Dalisay!” Kinalabit na niya ang braso ng kaibigan.

Ah, oo nga pala. Tinanggap na ni Becky ang suggestion niyang subukang mag-apply sa maintenance ng university nila. Susubukan daw nito ng isang buwan. Kapag nagustuhan nito, e'di go!

At oo, sa condo na din niya pinatuloy ang kaibigan tutal wala naman itong matutuluyan doon. Nasa probinsya ang pamilya nito at todo tipid para malaki ang pera na maiuuwi.

“Ano na naman? Nagtatrabaho ako. Kapag nakita akong nakikipagtsismisan ng supervisor ko, baka masesante ako, agad-agad!”

“Hep! Mamaya ka na magreklamo. Malapit na si Matthew.” Halos matarantang bulong niya sa kaibigan.

“O, tapos?”

“Itulak mo ako.” Nagmamadaling bulong niya sa kaibigan. Malapit na kasi si Matthew. Isang dipa na lang. Baka hindi sumakto

“Ha?”

“Itulak mo ako kapag malapit--”

Itinulak nga siya ni Becky maski takang-taka ang kaibigan. Pero wala pa si Matthew sa tapat nila kaya bumalik ulit siya sa pwesto niya.

“Gagah! Kapag nasa tapat ko na.”

“Okay.” sabay tulak ulit sa kanya.

Palibhasa sanay sa mabibigat na gawain kaya malakas ang pwersa ni Becky. Malakas din ang pagkakatulak sa kanya. At kasabay niyang humagis ang librong hawak, papunta kay Matthew. Ganoon na lang ang takot ni Rysia nang makitang dumeretso sa guwapong mukha ng binata ang makapal niyang libro. Baka mapingasan ang kagwapuhan nito, patay na talaga siya!

“Naku, Matthew, sorry. Sorry!”

Hindi siya magkandaugaga kung paanong sisipatin ang mukha nito. Kung nasaktan ba ito. O galit ba ito? Sa kanya ba o sa libro?

Ako dapat `yong tumilapon papunta kay Matty ko eh! Mali-mali naman ang tantiya ni Beckya!

Speaking of Becky.

Ayon! Parang walang nangyari na itinuloy ang pagwawalis.

“Okay na ako, Miss.” seryosong sabi nito.

Pero panay pa din ang haplos ni Rysia sa pisngi ni Matthew na natamaan ng libro. Kawawa naman kasi ang kagwapuhan nito. Namula na ang pisngi.

“Sorry talaga. Hindi ko naman sinasadya.” paulit-ulit niyang sabi.

“Okay na nga ako, Rysia.”

Nahinto siya sa paghaplos sa pisngi ni Matthew. At lumipad ang mga mata sa mata nitong nakatitig din sa kanya. Sa pagkagulantang pa ng puso ni Rysia ay bigla na naman itong ngumiti.

“K-Kilala mo ako?” kandautal na tanong niya.

“Yes, ikaw `yong Fine Arts student na nagkalat sa area namin, three years ago, `di ba? Ikaw din `yong palaging present sa mga gig ko sa The Hub. At madalas ka ding tumambay sa area namin na mga medicine students”

Sheeet! Natatandaan niya ako! Mahal na niya ako, bes!

Parang luka-luka ang puso ni Rysia na hindi magkaintindihan sa pagdidiwang. Oo, assumera na kung assumera pero three years `yon at naaalala pa din siya ni Matthew. Tapos, napapansin na din pala nito na palagi siyang nanonood sa gig nito. Wala man `yong malalim na ibigsabihin, pero gusto niyang paligayahin ang sarili. Kaya sige na, pagbigyan na.

“Ah, he-he-he.” tunog ng pilit niyang tawa at iniipit ang ilang hibla ng buhok pabalik sa tainga.

“Hindi ko sinasadya. Nagbibiruan kasi kami no'ng kaibigan ko.” Nilingon niya si Becky na malayo na.

“Kaibigan mo `yong janitress?”

Parang may spring sa leeg na sunod-sunod siyang tumango. Ngumiti na naman si Matthew. At nabaliw na naman ang puso niya sa ngiti nito.

“I see.” sabi ng guwapong binata. Kapag naging doktor na ito, kailangang lagi siyang may sakit para lagi siyang maging pasyente ni Doc. Matty.

Patuloy pa din ang pagtitig ni Rysia kay Matthew habang naglalaro sa utak ang kung anu-anong pangarap sa buhay na kasama si Matthew.

Minsan lang siya magkaroon ng ginintuang pagkakataon na matitigan sa malapitan ang binata. Pati na din ang makapag-daydream sa tabi nito. Sasayangin pa ba niya?

“Saan ka pala pupunta? Tatambay?” tanong pa ulit ng lalaki.

Basta na lang tumuro si Rysia sa kung saan.

“Diyan lang. Mag-i-sketch.”

“Okay. So, kailangan ko na ding umalis. See you, when I see you, Rys.”

Rys? God! May endearment na siya sa `kin.

Kinikilig na ngumiti at tumango ulit siya sa binata. Nang tumalikod na ito, pakiramdam niya, nagkorteng puso ang mga ulap sa itaas. Pati mga dahon at puno sa paligid. Ang buong mundo ay naging korteng puso na sa paningin ni Rysia, habang inihahatid ng tanaw ang binata.

Impit na napatili siya at tinakbo ang kinaroroonan ni Becky.

“Rebecca Dalisay! OMG! Mahal na niya ako, Rebecca Dalisay!”

Wala nang pakialam si Rysia kung pinagtitinginan sila ng ibang estudyante. Ang mahalaga, mailabas niya ang pagka-hyper na nararamdaman ng kanyang puso.

“Teka nga, teka Rysiang luka-luka!” Kandaugaga sa pagkawala si Becky mula sa kanya.

Paano, kulang na lang, mapunit ang uniform nito sa paglambitin niya.

“Bruha! Mahal na niya ako!” Parang nasa langit na sabi ni Rysia.

“Teka, bakit? Paano?” Nalilito namang tanong ni Becky.

“Natatandaan niya ako from three years ago! Tapos may endearment pa siya sa akin. Rys! Tinawag niya akong Rys.”

“O, tapos?” Pambabasag nito sa kaligayahan niya.

Tinampal nga niya ito sa braso. Nagkamot naman ito sa batok na parang nai-stress sa kanya.

“May endearment din ako sa `yo, `di ba? Si Rysiang bipolar. Ibigsabihin ba, in love din ako sa `yo?”

Nginisihan ni Rysia ang kaibigan. Hindi naman siya naaasar kay Becky kapag tinatawag siya nitong bipolar. Kasi bukod sa totoo, uso na ngayon ang mga bipolar. Lalo na sa mga artist na tulad niya.

“Ibang level naman ng love `yong sa `yo. Bff kita e.” sagot niya sa kaibigan.

“That's the point. Hindi porke binigyan ka ng petname no'ng tao, mahal ka na niya.” Napapitik sa hangin si Becky. “Tama. Petname nga `yon. Petname niya sa `yo, hindi endearment.”

At itinuloy na ni Becky ang naudlot na pagwawalis. Kahit kailan talaga, panira ng mood itong BFF niya. Maano ba iyong ayunan na lang siya sa kabaliwan niya? Minsan lang siya magpakagaga.

Oo, maayos naman ang utak niya. Alam niyang walang ibang ibig sabihin ang ganap kanina. Pero gusto lang naman niyang mag-ilusyon at paligayahin ang sarili sa isang assumption. Though alam niya na mali iyon, pero ganoon kasi ang paraan niya para hindi malamon ng depression. Tatlong taon na ba naman siyang ume-effort kay Matthew. At ngayong may improvement na, ngayong nag-e-exist na siya sa mga paningin ng binata, dapat talaga, itodo na niya ang effort.

Kailangang mapasakanya si Matthew. Obsessed na kung obsessed, pero gagawin niya ang lahat para maging boyfriend si Matthew Zane San Victorio.

KANINA pa nakatambay si Rysia sa regular niyang pwesto doon sa area na malapit sa medical department. Nanghahaba na ang leeg niya kakatingin kung nagawi na ba sa area na `yon si Matthew. Pero wala. Waka talaga ang binata. Nasaan kaya ito? Wala na ito sa loob ng University? Baka nasa ospital kung saan man ito nagpa-praktis sa pagiging doktor.

Ah, ewan. Last year na din ni Matthew ngayon sa Medical Proper. At graduating na din siya sa kurso niya.

Magkaiba sila ng field kaya pagkatapos ng graduation, malabo pa sa patak ng ulan sa disyerto ang chance na magkakasama ulit sila ng binata.

Pabuntong-hininga na tumayo na si Rysia at nagsimulang iwan ang area na `yon. For less than a month, aalis na siya ng school. Mawawala na din ang kanyang energizer araw-araw. Dapat na din niya sigurong tanggapin na hanggang pangarap lang niya si Matthew Zane San Victorio.

Hayst!

“Miss, saan `yong admin office dito?”

Napalingon si Rysia sa babaeng nagtatanong. Palagay niya, upcoming first year ito. Bukas na kasi ang University nila para mag-tour ng mga upcoming students. Kaya naglipana sa paligid ang mga senior highschool from different schools.

“Ah... Dito lang `yan sa...”

Ibinigay niya ang direksiyon sa babae na mukhang nalilito pa din. Napabuntong-hininga si Rysia.

“Sige, samahan na lang kita.”

Wala na naman siyang klase. Bakanteng oras. At nakokonsensiya siya na kaya naman niyang iextend pa ang tulong pero hindi niya gagawin. Kung maligaw pa ito, kawawa naman. Nagawa nga niyang mag-aksaya ng oras para sa wala, bakit hindi sa pagtulong sa kapwa?

“Thank you, Miss!” sabi nang babae pagkarating nila sa admin building.

“Welcome. Magto-tour ka ba?” Nakangiting tugon niya.

Kahit paano, nabawasan ang kanyang iniindang kalungkutan. Hindi niya nakita si Matthew. Hindi din buo ang araw niya. Wala siyang vitamins kaya nakakatugloy talaga ang pakiramdam.

“Yes. Pero deretso muna kami sa representative na nagpunta sa school namin last Tuesday.”

“Ah, sige. Enjoy sa tour.”

“Salamat. Bakit Ang bait mo?”

Nahinto sa akmang paglayo si Rysia. Medyo nanibago kasi siya sa tanong na iyon. Ang simple lang naman ng ginawa niyang pagtulong tapos may ganoon nang tanong.

“Ang mamaldita no'ng mga napagtanungan ko kanina.” parang paliwanag ng babae.

“Investment,” nakangiting sagot niya.

“Ha?”

“Investment ang tawag do'n. Malay mo, isang araw, kailanganin ko din ang tulong mo. E 'di hindi ka magdadalawang-isip na tulungan ako.” Nakangiting sabi niya.

Tumawa naman ang babae saka nagpaalam na papasok na sa building. Si Rysia ay tumalikod na at naglakad ulit sa walang patutunguhan. Tugloy na tugloy ang pakiramdam niya at basta na lang sumalampak sa isang concrete bench na nadaanan.

Ilang beses siyang napabuntong-hininga. Makulimlim ang langit. Ilang araw nang ganoon, at dati naman, hindi niya pinapansin ang panahon. Pero ngayong makulimlim din ang mood niya habang nakatingala sa langit, paanong hindi pa niya mapapansin? Tapos, nandito pa nga siya sa open field.

Matthew! Nasaan ka na? Nami-miss na kita! Uwaah!

Gusto nang maglupasay ng puso ni Rysia. Hindi mabubuo ang araw niya na hindi nasisilayan si Matthew. Hindi kasi siya sanay na hindi ito nakikita kahit isang beses lang sa isang araw. Ganito ba ka-down ang pakiramdam kapag walang Matthew sa buhay niya?

Gusto niya tuloy umiyak. Mukhang pinapraktis na siya ng tadhana. Dapat na daw siyang magsanay na walang Matthew sa buhay niya. Kasi, in the end, hindi naman talaga ito magiging kanya.

At mukhang inaasar talaga siya ng panahon. Makulimlim palang tapos biglang may paisa-isang patak ng ulan na bumabagsak sa kanyang mukha at braso. Kung hindi ba naman siya luka-luka, isinahod pa niya ang palad para siguraduhing patak iyon ng ulan. At bago pa siya makabwelo sa pagtayo, bumuhos na nga ang malakas na ulan.

Nakakaasar ha? Ang layo pa naman ng covered court. Malayo na din ang admin building. Kung bakit ba naman doon pa niya naisip na sumalampak, alam na nga niyang makulimlim.

Tinamad nang tumayo si Rysia tutal, basa na din naman siya. Sige, ibuhos na ng langit lahat ng gusto nitong ibuhos. Sabay na lang silanh umiyak.

Pero biglang huminto ang langit sa pag-iyak.

Hindi. Hindi iyon huminto dahil malakas pa din ang buhos ng ulan. Sadyang hindi lang siya nababasa.

At nanlaki ang mga mata ni Rysia nang mapatingala. May guwapong nilalang na nagpapayong sa kanya!

“Investment ko ito. Para kapag dumating ang araw na wala din akong payong, hindi ka magdadalawang isip na pasukubin ako.”

Download stories to your phone and read it anytime.
Download Free