NAKAPANGALUMBABA sa isang mesa si Éclair habang ang mga mata ay nakatutok sa pintuan. Naghihintay na may dumating na interesante. Mali yata ang desisyon niyang tumambay roon sa LiberTEA dahil heto at inaatake na naman siya ng boredom. Maliban sa nabungarang eksena nina Rickson at Sundae kanina ay wala na siyang makitang interesante sa loob ng lugar na iyon. Hindi pa din lumalabas si Bonbon sa opisina ng shop, malamang na hindi pa tapos i-composed ang sarili. Hindi naman niya ito mapuntahan dahil sa lahat ng ayaw nito ay ‘yung guluhin ito habang nagbubuo ng sarili.
Palagay niya, hindi healthy para kay Bonbons ang ganoon kasi dapat hinahayaan nito ang sarili na alalayan ng mga taong nagmamahal rito kapag nasa ganoon itong estado.
Pero sino ba siya para makialam? Kanya-kanya ang tao ng paraan para maka-cope up.
“Tsss!”
Bumuga siya ng hangin. Walang matinong magawa. Kanina pa palapit-lapit sa kanya si Violet, ang kanilang hired manager. Panaka-naka itong nagbubukas ng conversation sa kanya pero tinatamad siyang makipag-usap, she just smiled to her. Nakahalata naman ang babae kaya nilubayan din siya.
“Ano ba ‘yan? Walang magawa!” reklamo niya sa sarili. Pero alam naman niyang napakadaming pwedeng gawin sa shop lalo at dumadami na ang costumer.
Papatayo na si Éclair para tapusin na ang kanyang buhay… este ang kanyang boredom nang may pumasok na matangkad at pagkagwapo-gwapong anghel na walang pakpak. Napaupo siya muli habang hindi nilulubayan ang lalaking dumeretso sa pila.
Oh. My. God!
He looks so dashing in his gray V-neck cotton shirt and jeans to pair it. Dahil medyo hapit ang shirt sa katawan ay pansin na pansin niya kung gaano ka-well-built ang katawang itinatago ng telang iyon. He has a pair of broad shoulders and long big arms. Tila ba kay sarap magpayakap sa mga iyon. Sandali itong bumaling sa harapan niya at nahigit niya ang hininga. Sandali lang itong napasulyap sa kanya pero ang sandaling iyon ay mabilis na nagparehistro sa kanyang utak ng lahat ng natatanging detalye na meron ang gwapo nitong mukha.
Dark eyebrows, long thick eyelashes, pair of twinkling chocolate brown eyes, straight nose, thin moist red lips, prominent square jaw and beautifully tanned skin. Pero may ilang gatla sa noo nito na out of place sa napakagandang tanawin.
Pansin niya na halos lahat ng naroroon ay humagis ang atensyon sa kakarating pa lamang. Oh, he had that rare charisma that no one can’t resist of noticing him. Ganoon ka effortless ang aura nito na tipong tumapak lang ito sa isang lugar at makukuha na nito ang atensyon ng lahat.
Why, he is so handsome for his own good. Maging ang manager na si Violet ay inagawan ang kahera ng trabaho niyon. Tila ninanakaw ang magandang pagkakataon na makaharap ng mas malapitan ang bagong dating.
Bigla tuloy siyang kinubabawan ng mania. Dali-daling tumayo siya at pumasok sa loob. Nilapitan niya si Violet.
“Ako sa next costumer.” Aniya rito.
“Ms. Éclair?” Tila di ito makapaniwalang mananakaw rito ang isang gintong pagkakataon patungo sa isang napakagandang pangarap.
Ah, hell she cares. The man was so attractive she couldn’t resist the urge of knowing his name. At hindi siya makakapayag na mauunahan siya ni Violet sa pagtuklas sa pangalan ng kasamba-sambang nilalang. Yes, kailangan niyang makilala ang lalaki dahil pwede niya itong pagpantasyahan—este—magamit sa mga sinusulat niya.
“What?” Taas-kilay na tanong niya.
“Wala po.” Lulugo-lugo itong umalis ng kaha at ipinaubaya sa kanya ang trabaho ng kahera.
Nang makaalis ang costumer na humaharang sa breath taking view ay mabilis na nagplaster siya ng malapad na ngiti.
“Hi Sir, good morning!”
Kunot-noo pa rin ang gwapong nilalang habang nagpapalipat-lipat ang tingin nito sa kanya at kay Violet. Pero kung anuman ang nasa isip nito ay hindi na nito inilabas pa. Sa halip, tumuloy na ito sa pag-order.
“And your name, Sir?” tanong pa niya. Sinusulatan kasi ng pangalan ang cup ng bawat orders.
“Vincent.”
Oh! Vincent… sounds aristocratic. Domineering and…
“Whole name, Sir?” kunway balewalang tanong niya habang nagpa-punch ng pangalan nito sa POS. Hindi naman kailangan ng buong pangalan pero pagkakataon na niya para malaman ang buong pangalan nito. Might as well, grab it.
“Ha?”
Lalong nagulo ang mga kunot sa noo nito. At parang nais niyang abutin iyon ng sariling palad para alisin ang mga out of place na linya.
“Whole name po, Sir.” Napapakagat-labi siya.
Ang gwapo-gwapo nito. At ang bango-bango!
“Vincent Del Vega.”
Wow ha! Del Vega? Sounds expensive!
Nang hindi pa rin naaalis ang gatla sa noo nito ay tuluyan niyang hindi napigilan ang sarili. Her hand automatically reaches for it and gentle wipe away those lines on his forehead. Saka siya pabalewalang bumaling sa pagpa-punch sa POS at sinabi ang bill nito.
Tila nagulat ang lalaki at sandaling nawalan nang imik pero dumukot rin naman ng wallet. Inabutan siya ng isanlibong buo.
Muli ay may lumipad na ipis na nagpapanggap na butterfly sa kanyang utak. Matapos makakuha ng sapat na panukli ay hinarap niya ito. Hindi nito isinasahod ang kamay para sa sukli kaya inagaw niya ang atensyon nito.
“Sir? Sukli niyo po.”
Karaniwan sa mga costumers ay hinahayaang ibaba ng kahera sa counter ang sukli at dun binibilang sa harapan nito. Pero hinding-hindi siya makakapayag na palagpasin ang pagkakataon na maka-tsansing rito. Inabot niya ang isang kamay nito at sapilitang isinahod sa harapan niya. Iniisa-isang bilangin ang sukli hanggang sa kahuli-hulihang sentimo. At sa pinakahuling barya na inilagay niya sa palad nito at sinadya niyang mapadaop ang kanyang palad sa malaking palad nito. Siya na rin ang nag-ikom noon at sa dalawang kamay niya ay ibinalot ang nakaikom na kamay nito.
“Baka malaglag, Sir. Ingatan mo ang paghawak.” Ngingisi-ngisi siya.
Binalingan naman niya ang resibo nito at nang akma na niyang ilalagay sa kamay nito ay nauna na itong kunin iyon sa kanya. Natakot yatang matsansingan ulit. Natawa nalang siya sa kanyang sarili.
“Take a sit muna. Iko-call out nalang ang order mo.”
Tiim-bagang itong tumalikod sa kanya. Hawak ang duplicate reciept ay hinarap niya ang kahera.
“Ikaw na dito.” Binigyan pa niya ng magandang ngiti ang kasunod na costumer na ipinaubaya na niya sa kahera.
Pumasok si Éclair sa loob at hinarap ang mga crew na gumagawa ng orders.
“Medyo i-delay niyo ng konti ang paggawa ng order ni Vincent Del Vega, ha? Mga 15 minutes.” Idinikit ang resibo sa clip board para siguradong hindi agad gagawin ang order.
Karaniwan, five minutes to ten minutes lang ang pag-aasikaso ng mga orders. Pinakamatagal na ang ten minutes kapag sobrang daming costumer. Pero may tipaklong sa loob ng kanyang utak na humihirit pa ng five minutes.
“Ma’am?” Tila nagtataka ang mga mukha ng mga crew.
“Just do what I say, okay? Sige na, baka mainip na ‘yung ibang costumers.”
Tinalikuran niya ang mga ito at tuloy sa paglabas. Hinanap niya ang gwapong costumer na si Vincent at natagpuan sa outside garden hawak ang isang libro.
‘Hmm… Book lover din pala ang isang ito.’
Tamang-tama. Wide reader siya at marami siyang pwedeng buksan na topic rito. Fifteen minutes lang ang meron siya para makilala ang magiging hero ng bagong project ng henyo niyang utak pang-romansa. Walang sandali na dapat aksayahin!
She smiled to herself. Buti nalang, hindi kaagad siya umalis ng LiberTEA, kundi ay hindi masasayaran ng magaganda niyang mga mata ang napakagwapong nilalang na ito.
Hindi siya man-hater na kagaya ni Sundae. She admired men for being so handsome and charismatics. Pero hanggang pag-admire lang ang limitasyon niya. At siyempre, dahil na rin iyon sa pagiging romance writer niya. Nabubuhay ang career niya sa fictions. Pero alam rin naman niyang paghiwalayin ang fictions at reyalidad. Sa mga nobela lang may mga prince charming na mapagmahal. Sa tunay na buhay ay wala. Puro mga manloloko, dominante, arogante at nakakainis!
“Hi! Mind if I join you?” Bitbit ang isang libro ay lumapit siya sa mesa nito.
Sandali itong nag-angat ng tingin. Nagkaroon na naman ng gatla sa noo nito at parang nais na naman niyang palisin ang mga iyon kung hindi lamang siya nakakapagpigil. Naupo siya maski di siya inaanyayahan na maupo na. Noon palang nagsalita si Vincent.
“No, not at all.” Anitong ibinalik ang atensyon sa pagbabasa.
Mga ilang segundo din siyang tahimik na kunwari ay lulong sa binabasang libro pero ang mga mata niya ay halos lumuwa sa pagsilip sa gwapong seryosong nilalang sa kanyang harapan.
Shit! Why, she can’t take her eyes off him?
Anong gayuma ang inihagis nito sa kanya at ganoon katindi ang pagnanais niyang lumapit rito?
But mind her. Hindi siya matatahimik na hindi napapalamon ang kanyang curiousity. Kaya hayun siya ngayon at nakikipagdigmaan sa sarili kung paanong magbubukas ng conversation.
Bigla siyang tumawa. Nagkukunwari na may nakakatawa sa binabasa niya para makuha ang atensyon nito. At di naman siya nabigo dahil bumaling ito sa kanya. Nakatiim-bagang. Paano, naistorbo niya ito malamang sa pakikipagkomperensiya nito sa libro.
“Sorry, nakakatawa lang kasi talaga itong binabasa ko.” Aniya na kunway natatawa pa din.
Umigkas ang kilay ni Vincent. “You have a great talent, ha?”
Natigilan siya. Oh my! Alam ba nito? Alam ba nito na siya ang author ng hawak niyang elite edition na nobela?
Oo, karamihan ng mga libro sa shelves ay mga published books niya. Yung ibang complimentary niya, inilalagak niya sa shop.
“Uh… hindi naman.” Pa-demure na iniipit niya ang ilang hibla ng buhok sa likod ng tenga. “Past time ko lang ang magsu—”
“Magbasa ng nakabaliktad ang libro?” putol nito sa sinasabi niya. Twitching the side of his lips like he was pointing to the book na hawak niya.
Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng isang baldeng tinunaw na yelo habang sinusulyapan ang hawak na libro. Tabingi na ang ngiti niya rito, pagkatapos.
“Ah, yes. Hobby ko ‘yun.”
Darn! Wala naman siyang ibang choice kundi panindigan ang kanyang katangahan. At malalaman pa ba nito kung nauunawaan niya ang laman ng libro habang nakabaligtad iyon? Siyempre, hindi. Kabisado niya ang takbo ng istorya sa sariling nobela kaya kahit on the spot na mag-quiz sila ngayon patungkol sa hawak niya, kaya niyang i-perfect.
“You should try reading this. Magaling ang author na ito. Si Aivien Raye. Magaling na, maganda pa. Sexy pa. Tsaka matalino siya. Ah, she had everything. Idol ko ‘yan e.” Pangbi-build up niya sa sarili rito. Iniurong pa ang hawak na libro sa harap nito.
Umiling-iling lang ito at nagpokus na ulit sa binabasa. “No, thanks. I’m not into novel.”
Ouch!
Ang sakit naman ma-reject!
Pero susuko ba siya?
Hindi!
Nang sa palagay ni Éclair ay nagpasya na naman itong manahimik sa sarili nitong mundo kaniig ang hawak na libro ay nagsimula ulit siyang dumaldal. Sandaling sinilip ang wrist watch. May 12 minutes nalang siya. Oh my God! Time is gold to procrastinate!
“Ahm… may survey chuchu nga pala kami. At kaya talaga ako lumapit ay para sa survey interview. Mabilis lang naman ito.”
‘Mga isang oras. Hehehe.’
Wala naman talaga silang survey. May comment box sila sa cashiers area at doon pwedeng maghulog ng mga written comments and complains na di naman gaanong pinapansin ng mga costumers. Pero dahil trip niyang mangulit at ito ang minalas na natiyempuhan niya, naggawa-gawaan nalang siya ng survey kuno. Hindi naman siguro makakaabala rito ang twelve minutes interview.
‘Para sa ekonomiya!’
Ang kapal talaga ng mukha niya.
“First time kong maging costumer rito. So I think hindi ako ang dapat na i-interview mo. Ni hindi ko pa nga natitikman ang produkto niyo.” Magalang na pagtanggi ng lalaki.
“Naku! Hindi ka magsisisi. May halong pagmamahal ang mga inumin rito. Pati na din ang mga desserts. Tsaka, we serve with love kaya siguradong babalik ka rito. Ang ganda nitong garden seating, di ba? Very relaxing ang ambiance. Tahimik at—”
“Oo nga. Tahimik rito kanina.” Umigkas na naman ang isang gilid ng labi nito at himig may sarkasmo na.
Antipatiko!
Obviously, siya ang pinatatamaan nito sa mga salitang iyon. Hindi man nito direktang sinabi pero parang pinaaalis na siya nito sa harapan nito dahil halata namang ginugulo niya ang pananahimik nito.
Pero hindi siya susuko. Siya, si Torrance Éclair Arellano. Atapang a-tao, hindi a-takbo!
“Ahm? Ituloy na natin ang interview?” Segue nalang niya.
Hindi siya aalis sa tabi nito, no matter what. Makapal ang mukha niya at gagamitin na niya ang kakapalan noon ngayon. Ngumiti siya rito ng matamis.
“Ayoko.” Bumuntong-hininga si Vincent. “Wala naman akong maisasagot sa itatanong mo dahil first time ko nga dito. At nasaan na ba ang order ko?” Sandali itong sumilip sa relong pambisig. “Six minutes na, wala pa din?” Nagsusungit na ang tono. Halos magdikit na ang mga kilay nito sa pagkakasalubong ng mga iyon.
Napangiwi siya. Baka umalis naman kasi ito kaagad kapag nakuha ang order.
Oh, noes!
“Madami kasing costumer, Sir. Ten minutes ang pinakamatagal na serving time. Pero ipapa-follow up ko na.”
Para naman hindi nito mahalata na talagang sinasabotahe niya ang order nito ay tinawag niya ang nasa di kalayuang si Dean. Isa ito sa mga crew ng shop na kasalukuyang naglilinis ng mesa.
“Yes, Ms. Éclair?” tanong ni Dean pagkalapit sa kanila.
“Paki-follow up mo ang order ni…” Bumaling siya kay Vincent. “Sir? Ano nga ulit pangalan mo?” Kunwari ay nakalimutan niya ang pangalan ng kaharap.
Kunwari lang. Pero ang totoo, nakahulma na sa kanyang utak ang buo nitong pangalan. Para naman hindi nito isipin na talagang pinag-interesan niyang alamin ang pangalan nito.
“Vincent.” Nakaigkas ang kilay na tugon nito. Madilim na din ang gwapong mukha.
Pero ang pogi-pogi pa din nito para sa kanya. He even looks so delicious to eat!
‘Pa-order ng isang Vincent meal. Take out. Hehehehe.’
“Yes, Vincent nga pala.” Bumaling siya ulit kay Dean. “Paki-follow up mo ang order ni Sir Vincent.”
Kinindatan niya si Dean. Nagbabakasakaling maunawaan nito ang ibigsabihin ng warning sa kindat na iyon. Pero kumunot lang din ang noo nito at umalis na.
Bumalik naman ang atensyon niya kay Vincent na nagpapakasasa na ulit sa pagbabasa.
“Sir, simulan na natin?” Hinugot niya ang cellphone sa bulsa ng kanyang colored shorts. Isinet ang voice recorder.
“Wala akong maisasagot sa tanong mo.” Pabalewalang saad nito na di man lang siya tinitingnan.
“Whole name, Sir?” Hindi niya din pinansin ang pagtutol nito.
Kahit anong tanggi nito ay di ito mananalo sa kanya. Wala yata siyang ginusto na di niya nakuha. By hook or by crook.
“Ilang beses mo nang itinanong sa akin iyan.”
Halata namang naiinis ito sa kanya pero heto at tumutugon pa din ito. At iyon ang nasisilip niyang pag-asa para ipagpatuloy ang ginagawa.
“Age, Sir?” Patuloy niya sa pagtatanong na pwersahang hinabi ng kanyang matalas na utak.
Malakas na bumuntong-hininga si Vincent. “Twenty-seven.” Napipilitang tugon nito. Mukhang sumuko na ang kumag. Pumapayag na ito sa kasinungalingang interview niya!
“Excuse me, Ms. Éclair. Sabi po ni Oya, ang instruction niyo daw sa order ni Sir ay—”
Mabilis na kumilos si Éclair para tapalan ang bunganga ni Dean. Ibubuko pa siya nito kay Vincent!
“Ah, yes. Oo. Okay na. Sabihin mo, unahin nila ‘yung kay Vincent na order. Kahit napakadami pang pila na order, unahin na yung kay Vincent. Okay? Good. Go ahead.”
At ipinihit niya si Dean para makalayas na ito roon. Istorbo ito sa masamang plano niya sa buhay. Kakamot-kamot sa ulo si Dean nang lumayo sa kanila.
Muli niyang hinarap si Vincent.
“Favorite color?” Pagpapatuloy niya sa interview.
“None.”
Kumunot ang noo niya. Wala itong paboritong kulay?
“Favorite dish?”
Noon na bumaling si Vincent sa kanya. Itinupi ang hawak na libro at ipinatong sa mesa.
“Sige, status nalang.” Parang ‘none’ din kasi ang isasagot nito sa nakaraang tanong.
Nag-igkasan ang mga kilay nito.
“O sige, mobile number nalang.”
“Akala ko ba, survey ito patungkol dito sa shop mo? Aren’t you going to ask me about your shop’s service? My rate about it?”
“Ah, yes.” She playfully smiled at him. “If you were going to rate LiberTEA service from 1 to 5. Where will we stand?”
Tumiim ang tingin nito sa kanya. Lalo naman siyang napangiti. Why, he is so gwapogi talaga! Kahit habambuhay silang magtitigan ay okay lang. Napakadaming eksena na naglalaro sa utak niya at ilalagay niya iyon sa kanyang nobela mamaya.
“Zero.” Mariing tugon ni Vincent.
“Ha?” Napakurap-kurap pa siya nang paunti-unting lumalapit ang mukha nito sa kanya.
“Zero ang rate ko sa service niyo. Below poor service.”
Noon siya dumistansya ng kaunti rito. Obviously, inilapit nito ang mukha para mas marinig at maunawaan niya ang sinasabi nito. Pero kabaligtaran ang nangyayari. Dahil wala na siyang ibang nauunawaan sa mga sandaling iyon kundi kung gaano kagandang lalaki ng nilalang na ito. At tuluyan siyang mababaliw kung hindi pa siya aagwat mula rito.
“Ang tagal ninyong mag-serve ng order. Paano pang may nagtyatyagang magpunta rito kung ganito kasuklam-suklam ang service niyo rito?”
Aray naman…
Tumingin siya sa wristwatch.
‘Patay kang Éclair ka. Masesermonan ka nung dalawa.’
“Madami kasing costumer, Sir kaya matagal magawa ang—”
“Sir Vincent?” Siyang pagdating ni Dean at ibinaba ang order ni Vincent sa harap nito.
“Thank you.” Magalang na tumango lang si Dean rito at umalis na.
“See? Nine minutes palang naman, Sir o? Ten minutes ang pinakamatagal na holding time namin.” Idinuldol niya sa mukha nito ang kanyang wristwatch.
Pokerfaced lang naman si Vincent.
“Ah, Sir…” Malambing na baling niya kay Vincent. “Ganito nalang po, Sir. Kung hindi po kayo na-satisfied, bigyan nalang po namin kayo ng discount sa mga susunod na pagpunta niyo rito.”
Kumunot lang ang noo nito.
“100% discount sa lahat ng variants na bibilhin niyo rito sa LiberTEA for a month. Yun e kung hindi take out. Basta sabihin mo lang sa kahera ang napakaganda kong pangalan at okay na. How was that, Sir?”
“At para saan naman ang panlilibre mo sa akin? For a month?”
“Well,” Malapad na ngumiti siya kay Vincent. “It is just my way of showing my apology. Sinadya ko kasi talagang ma-delay ng konting-konti lang naman…” Iniangat niya ang kamay at sumenyas ng maliit na pagitan ang thumb at forefinger sa harap nito. “…ang order mo. Para naman ma-interview kita. Sorry, ha? Peace!” At iniharap niya ang isang kamay na nakatayo ang middle at fore finger.
Tumayo na siya para iwan roon si Vincent. Pero bago iyon ay malapad na ngumiti muna siya sa nakakunot-noo pa ding lalaki.
“May you have a nice day, Mr. Del Vega. Don’t forget my name, Éclair. Okay? Para ma-claim mo ang freebies mo for a month.”
Kinindatan niya ito saka tuluyang iniwan roon. Habang naglalakad palayo ay naipagdasal niyang sana ay hindi nito maisipang mag-complain kay Violet dahil sa daldal ng manager nila, malamang na isumbong siya noon sa dalawang pinsan. Baka patalsikin na siya ng dalawa sa pagiging part-owner ng LiberTEA. Or worst, ipa-ban siya ng dalawa sa shop, habambuhay.
Waaah! Paborito pa naman niyang tambayan ang shop. Tsaka baka di na niya makita si Vincent ulit.
Napangiti siyang muli sa sarili nang maalala ang kanyang kalokohan. Itinapik-tapik sa palad ang cellphone. May mas maganda siyang ideya para mas ma-reach ang supladong lalaki.
‘Gagawa ako ng maraming-maraming supladong lalaki sa mga nobela ko. Harhar!’