“MAMA!!!”
Asar na napapadyak si Éclair habang nakasalampak sa couch. Buhay ang telebisyon pero wala roon ang kanyang atensyon. Mula roon ay nasa counter na naghahati sa kitchen at dining naman ang kanyang ina at nag-aayos ng almusal nila. Nakaalis na ang Papa niya, pumasok sa opisina sa kanilang laundry business. Sabado kasi, pay day. Ang Mama niya, minsan ay dumadalaw rin doon kapag tapos na ang obligasyon nito sa bahay.
Yes, wala silang katulong. Ang Mama niya ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Kahit may pampasweldo ay di sila kumuha ng katulong dahil gusto ng ina na ito ang personal na mag-aasikaso sa kanilang pamilya. Nag-iisa siyang pasaway na anak ng mga ito at nakakainis iyon. Wala siyang kapatid na mapag-trip-an kapag ganitong nabuburyong siya sa kanyang buhay dahil sa labis na kabagutan.
“O? Anong problema mo diyan? Paluto na ito. Sandali nalang.” Malakas na sambit ng ina mula sa kusina.
“Mama! Wala akong magawa!” Tili niya at ipinadyak na naman ang mga paa.
“Wala kang magawa?” Mataas ang tono ng kanyang ina. “Aba, e kadami-daming pwedeng gawin. Maglinis ka.”
“Ayokong maglinis, nakakapagod.”
Dinig niya ang pagpalatak ng kanyang Mama.
“Magluto ka, tulungan mo ako dito. Maglaba ka. Tamang-tama, magpapalit ako ng mga kurtina, maglaba ka.”
“Eeeeh!” Tili niya ulit. “Ang hirap-hirap nun! Nakakapagod! Ayoko nun.”
“Aba hoy! Torrance Éclair Arellano, reklamo ka ng reklamo na wala kang magawa, ngayong binibigyan ka ng gagawin, ayaw mo namang kumilos?”
Nakikini-kinita na ni Éclair kung paanong namemeywang ang kanyang ina roon sa likod ng counter. Hindi naman niya ito masisisi. Paano, umaandar na naman ang kanyang kabaliwan. Gusto niyang may gawin para patayin ang boredom but she was too lazy to do anything.
What is wrong with her?
Nah! May pagkakataon talaga sa kanyang buhay na nagiging ganoon ang takbo ng utak niya. Magulo ang sirkulasyon ng pagkatao niya. At kapag nasa ganito siyang phase ng buhay ay nafu-frustrate siya ng husto.
She had to do something.
“Halika na dito, kumain ka na.”
Patamad na tumayo si Éclair at dumeretso sa kusina. Sa stool sa harap ng counter siya naupo.
“Pengeng kape, Ma.”
Akmang ililipat ng kanyang ina sa dining table ang mga pagkain nang pigilan niya ito.
“Dito na tayo kumain. Tinatamad na akong maglakad.”
“Por dios, Éclair! Ang lapit-lapit lang ng dining, di ka pa maglakad?”
Kumuha ito ng tasa sa cup board, ibinaba sa harap niya. Inilapit ang mga garapon ng asukal, kape at creamer pati na rin ang termos sa kanya. Napakunot-noo siya.
“Di ba naghahanap ka ng magawa, ayan. Ipagtimpla mo ng kape ang sarili mo.”
“E, Ma, gusto ko ‘yung timpla mo. Masarap ‘yung timpla mo e.” Ngingisi-ngisi siya sa ina.
“Tigilan mo ako. Umaandar na naman ‘yang katamadan mo.” Inginuso nito ang dining table. “Doon tayo kakain. Dumali ka na ng pagtitimpla ng kape.”
And she was so lazy to do it for herself she left everything on the top of the counter, at pwersahang dinala ang sarili sa dining table.
Umabot siya ng tinidor at tumusok ng hotdog. Pinasiritan ng ketchup, saka tinusok ulit at pahalumbaba na kinagat. Kamuntik siyang mangudngod sa kanyang plato nang tabigin ng kanyang ina ang kamay na nakatukod sa kanyang baba.
“Mama naman e!” reklamo niya.
“Igalang mo ang pagkain, Éclair.” May babala sa boses nito.
Wala naman siyang choice kundi ayusin ang sarili. Nagagalit ang kanyang ina kapag ganoon na humahalumbaba siya sa harap ng hapag. Kabastusan daw yun sa grasyang nakahain. At totoo naman.
But she was too lazy to hold her head straight. Kaya nga binigyan niya ng bagong task sa buhay ang kanyang kamay. Baka nagsasawa na din iyon sa kaka-type sa keyboard ng kanyang laptop.
Oh yes. She is a writer. Isang bipolar writer na madalas inaatake ng mania para magsulat. Pero sa pagkakataong ito, na-traffic yata ang mania dahil di siya inaatake. Di siya makapagsulat. Walang pumasok sa isip niya. Ayaw din niyang magbasa. Ayaw niyang iedit ang natapos na nobela kahapon pa para mai-submit na iyon sa Shelves of Heart Publishing, kung saan siya eksklusibong manunulat, para magkapera na siya. Tinatamad siyang gawin iyon.
Hindi siya makapokus sa panonood ng telebisyon. Hindi niya gustong kumilos. Pero gusto niyang may gawin dahil nababagot siya. O diba? Sobrang gulo niya.
“O, kala ko magkakape ka?” Tanong pa ng ina na nagsimula na ding kumain.
“Tinatamad na akong magkape.” Patamad na tugon niya.
“Himala, tumanggi ka sa kape?” Tila nagtataka ito. Simangot ang sagot niya. “Nga pala, mamamalengke ako. Sumama ka para may pagkaabalahan ka.”
Dahil doon ay nabuhay ang kanyang dugo. Hindi siya sasama sa palengke. Pagbubuhatin lang siya ng ina ng kung anu-ano habang nagliliwaliw ito sa kung saan at pumipili ng kung anu-ano.
No, no, no!
Noes!
“Ah, Ma? May gagawin pala ako. Sisilip ako sa LiberTEA ngayon.” At dinali-dali niya ang kanyang pag-aalmusal.
“Bakit? Di ba may manager naman sa shop niyo?” Nagtatakang tanong ng ina. O mas tamang sabihin na nagdududa. Malakas din ang pakiramdam nito e. Parang siya.
“Ano kasi, may survey kami ngayon. Tsaka kailangan kong tumambay doon. Hindi ako makapagsulat. Yeah, tama. Kaya ako ganito kasi hindi ako makapagsulat. Kaya ako nabuburyong, walang pumasok sa utak ko. Tama. Magre-refresh muna ako sa LiberTEA.” Pagpapalusot pa niya.
“Pero mas gusto mo ang nagkukulong sa kwarto kapag nagsusulat ka.”
“E…” Napangiwi siya ng bahagya. “May outside garden naman. Tahimik din dun.” Pagpapalusot pa niya.
At mukhang nakalusot naman nga. Kilala ng ina kung gaano siya ka-weird. Pero kahit mahirap pakitunguhan ang kabaliwan niya ay nagagawa namang maka-recover ng kanyang ina sa lahat ng iyon.
LiberTEA is a quaint and dainty tea and coffee shop with outside garden seating where one can enjoy lunch or coffee with friends or a good book. May mga displayed books sa shelves na available for reading para sa mga costumers. Kapag Friday naman ay may local acoustic band na humaharana sa mga costumer. Pampa-relax ba. Siyempre ay weekend na kinabukasan. Pwedeng-pwede nang simulan ang pamamahinga ng mga nag-oopisina.
Buti nalang talaga, hindi siya naging empleyada ng kahit na anong opisina. Ayaw niya kasi na may oras kapag nagtatrabaho. Gusto niya, hawak niya ang oras niya. Ayaw niya din na inuutusan, gusto niya, kikilos lang siya sa paraang gusto niya.
Pero hindi sila ganoon kayaman para magbuhay dukesa. May minana siyang hindi kalakihang farm na nasa Batangas pero di naman niya iyon pinamahalaan dahil bukod sa wala siyang alam sa buhay sa bukid, wala siyang hilig sa mga kambing, baka at kabayo.
Hindi pa man siya ipinapanganak ay inilaan na ng mga magulang ng kanyang ina ang farm sa kanya. At hindi naman niya maatim na ipagbili iyon maski pa ibigsabihin noon na magiging napakayaman na niya. Dahil alam niyang mahalaga sa ina ang farm. Doon ito lumaki at nagkaisip. Kung hindi lang nito nakilala ang kanyang ama ay hindi nito iiwan ang buhay sa farm.
Kaya ang nangyari ay kumuha nalang sila ng mapapagkatiwalaang pwedeng magpatakbo ng farm. Ayaw niyang makialam sa farm dahil ano bang alam niya sa pagpapatakbo noon? Hindi siya pwedeng mag-reyna-reyna-han roon maski pa pagmamay-ari naman niya iyon. Baka tuluyan lang bumagsak ang kabuhayan ng farm sa mga kamay niya.
Once or twice every quarter ay umuuwi sila roon para silipin ang kondisyon ng farm. Kung kumikita pa ba iyon o nalulugi na. Kung may mga kailangan pagkagastusan at ayusin, na siyempre ay base na rin sa advice ng katiwala. Ano bang malay niya sa mga kailangan sa farm?
May sarili ring business ang pamilya niya roon sa siyudad. Therefore, hindi talaga sila dukha kahit iwan nila ang farm. Pero magiging boss pa din niya ang kanyang ama. Malamang na ito ang mag-uutos sa kanya kapag doon siya nagtrabaho. Kaya ipinaubaya nalang niya sa mabait niyang ginoo ang lahat-lahat. Besides, baka maburyong din ang ama niya kapag ito naman ang inagawan niya ng gagawin sa buhay.
Matapos maka-graduate ng kolehiyo, napagkasunduan nila ng dalawa pa niyang close second cousins na sina Bonbons at Sundae na magtayo ng coffee and tea shop. At dahil pare-pareho silang mga free-spirited at mahal ang pagiging malaya, LiberTEA ang ipinangalan nila sa kanilang business.
At okay para sa kanya ang napagkasunduan nila. Makakapag-reyna siya sa bagong negosyo. Tutal ay walang balak ang dalawa na personal na i-handle ang negosyo dahil may kanya-kanyang pinagkakaabalahan kaya pwedeng siya ang mag-reyna. Pero dahil isa siyang bipolar na ningas kugon, nag-hire din sila ng manager dahil ayaw na niyang maging manager ng LiberTEA. Sa dami ng nagsasalita sa utak niya, hindi niya alam kung ano ang uunahin, ang isulat ang mga boses sa utak o ang i-entertain ang mga costumer.
Pinili niya ang una. Kaya heto, dakilang tambay nalang siya ng LiberTEA for almost four years na nag-o-operate ang shop.
Okay lang naman yun sa dalawa nina Bonbons at Sundae. Sa pagiging tambay niya, para na din siyang hands-on sa negosyo nila.
O, di ba?
“Sige ha, Ma? Liligo lang ako.”
Dali-dali niyang nilaklak ang malamig na tubig at iniwan ang ina. Minsan, gusto niyang maawa sa ina dahil madalas itong maiwan mag-isa sa bahay. Kaya nga madalas niyang lansihin ang ama at umungot ng kapatid rito. Ewan lang niya kung nagbabalak na ngang bumuo ulit ang dalawa. Dapat lang, para may kaaliwan naman sila sa bahay.
‘Bakit hindi nalang ikaw ang magdala ng chikiting rito sa bahay?’ Minsan ay ganti ng kanyang ama sa pangungulit niya.
‘Bah? Bakit napunta sa akin ang spot light?’
‘E matanda na ako. Di na kaya ng tuhod ko. Ikaw, bata ka pa. Kelan mo balak palitan ang hinayupak na si Lance sa puso mo at nang makita ko na ng maliwanag ang magiging apo ko?’
Sinimangutan niya ang ama. Heto na naman ito sa panunukso sa kanya. College pa siya nang makipag-boyfriend kay Lance. Hindi naman sila nagtagal. Hindi nauwi sa inaasahan niya ang relasyon nila. Hindi na rin siya nag-isip pumasok ulit sa isang relasyon dahil…
Dahil hindi naman niya kailangan ng lalaki sa buhay niya. Aanhin niya ang lalaki kung hindi naman iyon makuntento sa isa? Maigi pa siya, kuntento sa sarili niya. Ah, siya nalang ang magmamahal sa sarili niya. Besides, being a narcissist isn’t bad at all.
At talaga namang kaibig-ibig ang kanyang sarili so yeah, she was already inlove with herself. Hindi na niya kailangan ng lalaking magmamahal sa kanya. Mahal siya ng pamilya niya at mahal niya ang sarili niya. Iyon ang mahalaga.
‘Pa, wag na kayong umasa. Bulok ang matres ko, hindi ito pwedeng lagyan ng sperm. At wala din akong balak humagilap ng lalaking magtatanim ng punla sa akin. Hue-hue!’ Sinundan niya ng tawa ang sinabi.
Pero nahinto rin ang kaligayahan niya nang magseryoso ang kanyang ama.
‘Huwag mo akong takutin ng ganyan, anak. Pangarap ko pa ding ihatid ka sa altar.’
Nawalan na siya ng imik pagkatapos noon. Hindi na din niya makulit ang ama na bigyan siya ng kapatid dahil tuwina ay nababalik lang sa kanya ang lahat. Ayaw naman niyang parating saktan ang damdamin ng ginoo sa ideya niya sa buhay. Masaya naman siyang single forever at mukhang hindi iyon nauunawaan ng kanyang ama.
Sabagay, sino bang magulang ang hindi nangarap na makitang naka-settledown na ang anak nito?
“Ah! Makatambay nalang sa LiberTEA.”
Tama. Tatambay nalang siya sa tambayan niya bago pa siya dumating sa suicidal point ng kanyang buhay dahil sa labis na kabagutan.
PAPASOK palang si Éclair ay naririnig na niya ang kumosyon sa table na malapit sa counter. At ang mga nasasakdal, ang galit sa lalaki na si Sundae at ang isang gwapong-gwapong costumer.
Well, sad to say, hindi marunong maka-appreciate ng gwapo itong pinsan niya kaya malas ng lalaking ito dahil di ito palalagpasin ng pinsan niya sa anumang atraso nito rito.
Sa halip na umawat ay naupo lang sa isang silya sa mesang malapit sa panel wall si Éclair. Papanoodin muna niya ang mga kaganapan. Nasa isang tabi si Bonbons na tila di alam kung paano aawat sa dalawa.
Sa pula, sa puti!
Exciting ito! Tama nga pala ang desisyon niyang sa coffee and tea shop nalang nila siya magpunta. Nababawasan ang kaburyungan niya sa buhay dahil sa eksenang pinapanood niya ngayon.
Nakakaisip pa siya ng magandang plot para sa dalawa. Aba, akalain mo yun? May nagaganapan na ikatlong digmaang pandaigdig pero kwentong romansa ang naglalaro sa utak niya. Napangiti nalang sa sarili si Éclair. Hindi na din siya nakatiis. Lumapit na siya sa dalawa para maging mediator ng mga ito. Nakakahiya na din naman sa mga costumer na naroroon. Higit sa lahat, pansin niyang malapit nang mag-hyperventilate si Bonbons. Nakalimutan yata ni Sundae ang trauma ni Bonbons dahil masyado itong consumed ng inis nito.
“Why don’t you just date her, Sundae?”
Sabay na nagbaling ng atensyon sa kanya ang dalawang mandirigma. Parang namumukhaan niya ang lalaki. Madalas ito roon. Regular costumer ng LiberTEA. Sa pagiging tambay niya kasi roon ay halos makabisa na niya ang pagmumukha ng mga parokyano nila. Pumasok na sa loob si Bonbons at maski di nito direktang sabihin, alam niyang ipinaubaya na sa kanya nito ang digmaan sa pagitan ng mga war lords.
Ah, hahayaan muna niya si Bonbons. Kapag kasi ganoon ang estado nito, mas gusto nitong mapag-isa hanggang sa maging normal na ulit ang estado ng emosyon nito.
“What?” gilalas na sambit ni Sundae sa kanya. “Are you out of your mind? Hindi ko ide-date ang…” Tiningnan nito mula ulo hanggang paa ang gwapong nilalang. “Ah, nevermind.”
“I’m Rickson.” Sabi ng lalaki.
“Anong pakialam ko?!” gigil na singhal rito ni Sundae.
“Hindi ko naman sayo sinasabi, sa kanya.” Sabay turo nito sa dako ni Éclair. “Hi, Miss. Pwedeng malaman ang pangalan mo?”
Napangiwi si Éclair. Mali yatang pumagitna pa siya sa dalawa. Dahil tila mas nag-init ang bumbunan ng kanyang pinsan dahil sa ginawang pamamahiya rito ng lalaki.
Nagsimula na namang magbatuhan ng salita ang dalawa sa tabi niya.
“Hey, cous? Easy-han mo lang kasi.” Saway niya sa pinsan. “Costumer pa rin iyan, ‘no. Masisira ang reputation ng LiberTEA kung ganyan ka. Ano ka ba? Kailangan mong pagbayaran ang rudeness na ginawa mo sa ating beloved costumer.” Nakangisi si Éclair habang kinikindatan si Sundae.
Nanlalaki naman ang mga mata nito sa pagsaway sa kanya. Binibigyan siya ng warning look pero wala siyang pakialam. She was enjoying it. Masaya din pala iyon. Magpapaampon na nga siya kay Aphrodite para mabigyan din siya ng pana at palaso.
And then, word fight activated once more. Pumagitna siya sa dalawa. Hinila niya palayo si Sundae kay Rickson at binulungan.
“Gusto mong masira ang reputation ng LiberTEA? Parokyano natin yan. Paano kung siraan niya sa iba ang coffee and tea shop natin? Malulugi tayo. Masisira ang apat na taong pinaghirapan natin para lumago ang negosyo natin.” Pangungumbinsi pa niya rito.
Tila nilimi naman nito ang mga sinabi niya. Pagkuway…
“Letse ka, Éclair!” Asar na sikmat nito sa kanya. “Ginagawa mo talaga ang lahat para makasira ako sa usapan. News flash! Hindi mo masisira ang paninindigan ko.” Sarkastikong ngumiti sa kanya ang pinsan.
Nangunot naman ang noo ni Éclair . “Anong sinasabi mo diyan?”
Sundae impatiently rolled her eyes. “The deal.”
Just the two words at nalinawan ang isip ni Éclair.
Naniniwala silang magpipinsan na hindi nila kailangan ng lalaki para lumigaya ang kanilang mga buhay. They had all they need in life. Money. Career. Family. And because they believe that all men in this generation are chauvinist pigs, dominant brutes and were pain in the ass bastards—pwera sa kanyang ama dahil nasa ex-generation naman ito— ipinangako nilang hindi sila magmamahal ng lalaki, kailanman.
They were free-goers and independents. Hindi nila kailanman gugustuhing may isang lalaking kokontrol sa kanilang buhay dahil lang pinangibabaw nila ang sigaw ng kanilang mga damdamin. Being free and independent were just mind over heart things. May kanya-kanya din silang karanasan na nagpatibay ng paniniwala nilang iyon. Kaya minsan magkalabasan sila ng himutok patungkol sa mga lalaki ay nabuo ang kanilang deal.
Ang sumira sa kasunduan ay magbabayad ng malaki.
Pare-pareho silang may mga inherited property na nasa probinsya. Ang kanya ay nasa Batangas. Ang farm na minana niya sa ng kanyang nasirang grandparents sa mother side. Ang sinumang lumabag sa kasunduan, magiging kabayaran ang inherited property. At paghahatian ng dalawang natira ang nasabing property. Yes, ipinusta niya ang kanyang mana dahil ganoon siya kakumpiyansa na hindi na ulit magpapatuloy ng lalaki sa buhay.
“Praning ka talaga!” Natatawang palatak ni Éclair. “Ide-date mo lang siya para makabayad ka sa atraso mo sa kanya at nang tumigil na kayo pareho sa kaguluhan niyo, okay? Ide-date mo lang. Hindi ko sinabing mahalin mo.” Napunit ang malapad na ngiti ni Éclair. “Pwera nalang kung type mo?” Nanunuksong ngisi ang ibinigay niya sa pinsan.
Kung anu-ano pang angal at reklamo ang sinabi ni Sundae pero sa pahuli naman ay napapayag din ni Éclair ang pinsan. Besides, iyon lang ang pinakamabisang paraan para mapahinto ang mga ito sa kaguluhan.