“TIME to drink your medicine, Sir.”
Nakangiting ibinaba ni Chantal ang tray ng mga gamot ni Mr. Schmitz sa ibabaw ng bed side table ng ginoo. Araw ng linggo at ikinaiinis niyang sa buong maghapon ay hindi man lang dumaan sa mental ang bruhong magdamag na laman ng isip niya ng nagdaang gabi. Rest day pa naman niya bukas. Paano kung bukas dumalaw si Zuriel Andreau? Ibig sabihin, dalawang araw din na hindi niya makikita ang energizer niya?
“Oh? What happened to daddy, hija?” narinig niyang may himig pang-aasar na tanong ng ginoo.
Noong malaman niya na ito ang ama ni Zuriel Andreau at base sa evaluation dati rito ni Doc. Enriquez na nangungulila ito sa anak ay tinatawag na din niya itong daddy. Nang paunti-unti nang bumabalik ang katinuan ng ginoo ay saka ito nagtanong sa kanya kung bakit niya ito tinatawag na daddy gayong wala daw itong anak na babae. Isa lang naman ang naging sagot niya.
‘Malapit niyo na po akong maging daughter in law. Paglabas niyo dito sa hospital, magpapakasal na kami ng anak niyo.’
Napakaraming beses nitong itinatanong sa kanya iyon, hanggang sa nang magkaroon na ng magandang development ang mahabang gamutan nito ay nakasanayan na nito na tinatawag niya ang ginoo sa ganoon.
Ngayon nga ay maayos na ang kondisyon ng ginoo. Siguro ay isa o dalawang linggo nalang at pupwede na itong lumabas. Depende sa magiging evaluation ng psychiatrist nito.
Saglit na binalingan niya ang ginoo habang kumukuha ng gamot sa tray. Nginitian niya si Mr. Schmitz pagkuway lumapit na rito.
“Eh kasi, magaling na po kayo. Kaya, dapat na po nating sanayin ang isa’t-isa na maging maayos yung pag-a-address ko sa inyo.” Aniya habang iniaabot sa ginoo ang gamot nito. “Inumin niyo na po.” Saka iniabot din ang baso ng tubig.
And he did as what she told him to do so. Panatag siyang mag-tagalog sa pakikipag-usap rito dahil maski may German blood ang ginoo ay matatas naman itong managalog.
“Hindi ka ba masaya na magaling na ako, hija?”
Patayo na siya ng marinig itong magsalita. Ngumiti siya muli pero sa pagkakataong iyon ang matipid na ngiti na lamang ang nagawa niyang ibigay rito.
“Based on your face, hindi ka nga masaya.”
Bumuntong-hininga siya. “Eh paano naman po kasi, ang ibig sabihin ng magaling na kayo, malapit na kayong lumabas ng mental hospital.” Hindi niya napigilan ang sarili na sabihin ang bagay na iyon sa ginoo.
Nangunot naman ang noo ni Mr. Schmitz. Tila nagtataka ito.
“So? It only means that you’ll going to marry my son, right? Aren’t you happy?”
Napangiwi siya.
‘Kung alam niyo lang, pangarap ko po talaga yun!’
Hindi niya inaaasahan na matatandaan pa nito ang sinabi niyang iyon. Kahit hindi ito i-evaluate ni Doc. Enriquez, sigurado na siyang magaling na ito. Nitong nakaraan kasi, kung makipag-usap ito sa kanya o sa kahit na kanino ay tila hindi ito nagkaroon ng sakit sa pag-iisip.
‘Mali po. Ang ibig sabihin ng magaling na kayo, hindi ko na makikita ang anak niyo.’
Tumikhim si Chantal upang alisin ang mga nakabarang salita sa kanyang lalamunan. “Ang totoo Sir, may kasalanan po ako sa inyo.”
“Ha?”
“The truth is, hindi naman po talaga kami magpapakasal ni Zuriel kapag gumaling kayo.”
Halatang gulat na gulat ang ginoo sa pagkatigalgal nito, nag-alala tuloy siya na baka magkaroon na naman ito ng mental stress at sa halip na gumaling ay bumalik ang sakit nito. Pabor sa kanya iyon. Pero hindi naman siya makasariling tao na hihilinging magkasakit ang isang tao para lang sa pansarili niyang kaligayahan. Kaya’t maagap siyang nagpaliwanag.
“Sir, I mean ako lang po talaga ang ilusyonada. Eh kasi naman po, lahat na yata ng babae dito, nagugustuhan niya, pero ako, hindi. Maganda naman po ako di ba? Mabait naman po ako, sexy din po ako at tsaka girlfriend material din naman po ako di ba?”
Sunod-sunod na tumango ang ginoo. Hindi niya alam kung nakabuti ba ang pagdaldal niya o mas pinalala niya pa ang nagawa niya. Kung bakit ba naman kapag si Zuriel Andreau na ang issue, hindi na siya nakakapag-isip ng matino. Pati tuloy trabaho niya ay nadadamay. Naturingan siyang psychiatric nurse pero hayun at sa halip na alagaan niya ang pasyente ay mukhang mai-stress pa niya ito.
“Ahm, magpahinga na po kayo Sir.”
Iniayos niya ang kama nito saka dahan-dahang pinahiga na rin ang ginoo.
“Baka may katarata na ang anak ko, hija. Hayaan mo at ipapa-check up ko siya paglabas ko.” himig nagbibirong saad ng ginoo.
Napangiti siya ng malapad. May sense of humor na ang ginoo na kausap. Sino ang mag-aakala na nakikipag-usap siya ngayon sa dating nabaliw?
“Kayo ha, marunong na din kayong magbiro. Dahil diyan, isu-suggest ko kay Dra. na palabasin kayo ng mas maaga.” Ganting biro niya. Tumawa naman ito.
“Sige po. Maiwan ko na kayo Sir.”
“Please hija. Call me the way you called me before. I still want you to be my daughter in law in the future.”
Ngumiti at tumango siya. “Ibig sabihin, kakampi ko kayo kay Zuriel Andreau?”
“Oo, anak. Pero sekreto lang natin yan.”
“Sige po.” Ngumiti siya ng malapad saka nagdesisyong iwan na ito.
“Naalala ko tuloy bigla ang nasira kong asawa. How I wish I could find a woman just like her.”
Napalingon siyang bigla sa ginoo dahil sa sinabi nito. Hindi ba’t kaya nga ito nakulong roon sa mental ay dahil sa babaeng napili nitong maging kapalit ng asawa?
“Sir—”
“Daddy.” He corrected her.
“Yeah, daddy. Huwag niyo munang isipin ang maghanap ng katulad ng mommy ni Zuriel kasi ayoko pong magkita pa ulit tayo dito.”
“Okay, okay.” Tumango-tango ang ginoo saka malapad na ngumiti. “I’ll consider your suggestion. Sige na at baka nasa lobby na ang anak ko. Salubungin mo siya para sa akin.”
Tumalima na siya. Inaasahan pa rin pala nito na dadalaw ang anak nito sa araw na iyon. Pero palagay niya’y imposible ang inaasahan ng ginoo. Tuwing araw ng linggo ay umaga lamang nagpupunta roon si Zuriel. Nang usisain niya ito minsan ay sinabi nitong busy ito sa take home works sa ganoong araw kaya’t dumadalaw na ito sa umaga para kung sakaling mababad ito sa paper works ay nagawa na naman nitong dumalaw sa ama.
Papasok na siya sa nurse station para i-turn over sa night shift ang mga iiwan niya nang mapansing naghihintay roon si Doc. Drake.
Ngiting-ngiti itong sinalubong siya. “Hi!” bati nito.
“Hello.” Nanghahaba ang nguso na ganting bati niya. Tumuloy siya sa pagpasok sa nurse station at sinimulang ayusin ang mga iiwan.
“What’s with the face?”
“Duty ka pala? Akala ko, rest day mo ang Saturday and Sunday?” balik-tanong niyang hindi sinagot ang nauna nitong tanong. Mukhang nasa mood na naman kasing mang-asar si Drake.
“Hindi. Napadaan lang talaga ako. May pinag-usapan lang kami ni Dra. Enriquez.” Paliwanag nito. Tumango-tango naman siya. “Malapit na daw lumabas si Mr. Schmitz.”
“And?” nababagot na saad-tanong niya.
“Bakit ba ang sungit mo yata ngayon? Meron ka?”
Napabiglang bumaling siya rito. “Kalalaki mong tao, magtatanong ka sa babae ng ganyan?”
Tumawa ito ng malakas. “Bakit? Babae ka ba?”
Handa nang ihambalos ni Chantal ang hawak na folder kay Drake ng mauna pa itong umilag bago niya maihambalos iyon rito. Napatawa na din siya sa naging awtomatikong reaksyon nito. “Alam na alam ang gagawing pag-ilag, ah?”
“Syempre, lagi mo ba naman akong hambalusin ng kahit anong hawak mo kapag naaasar ka na.”
“Ikaw naman kasi diyan eh. Wala ka nang ginawa kundi mang-asar.”
“I-date mo na kasi ako para di na kita kulitin.”
Inirapan nga niya si Drake. Dumating naman ang isang night duty nurse. Ipinaliwanag niya roon ang mga iiwan. Nang masiguradong wala siyang nakalimutang ipagbilin ay inabot na niya ang bag at lumapit sa log machine. Idiniit niya ang kanyang right thumb para makapag-log out.
“May lakad ka ba?”
Tanong ni Drake na nakasunod pala sa kanya habang naglalakad siya palabas. Apat ang pintuan ng ospital sa ground floor, dalawang fire exit, sa bandang kaliwa ng nurse station ang main entrance kung saan malapit ang lobby at sa bandang likuran naman ang exit.
“Mamaya ka na umuwi.” Habol pa nito.
Nilingon nga niya si Drake. Ngiting-ngiti naman ang loko. Base sa pagkakangiti nito ay gusto lang nitong mang-asar. “Gusto kong magpahinga ng mas maaga. Ano namang tatambayan ko dito?”
“Mag-date muna tayo.”
Humalukipkip si Chantal saka tiningnang maigi si Drake. He can’t be serious. Pinagti-trip-an lang siya nito base sa pagkakangiti nito. Humakbang palapit sa kanya ang binata at inabot ang isa niyang kamay.
“Sige na, please. Or kung pagod ka ngayon, kahit bukas. Tutal rest day—”
Naputol ang paglilitanya ni Drake ng may tumikhim sa likuran nito. Natatakpan ng malapad na katawan ng binata ang kung sinong tumikhim kaya’t di niya iyon agad napansin. Sumilip siya upang alamin kung sino iyon at laking gulat niya ng matunghayang naroroon pala si Zuriel Andreau. Saan ito dumaan at ni hindi niya napansing pumasok ito ng ospital? Bukod roon, bakit ito naroroon ng ganoong oras? Hindi ba’t kung dadalaw ito sa ama ay dapat na kanina pang umaga?
“Doc. Drake, sa palagay ko ay nagkamali ka ng taong aayain.” Narinig ni Chantal na saad ni Zuriel Andreau kay Drake.
Lumapit ito sa kanila at hinawakan ang braso niya saka tiningnan ng masama si Drake. Napilitan tuloy ang huli na bitiwan ang kamay niya. Sa pagtataka niya’y ngumiti pa si Drake sa ginawang iyon ni Zuriel Andreau.
“Sorry, wala kasing nabanggit sa akin si Chantal na kayo na pala.” Ani Drake na nakatingin sa braso niyang hawak pa rin ni Zuriel Andreau.
“Ha? Hindi, hindi kami ni Zuriel Andreau.” Tanggi niya.
Naramdaman niyang parang medyo dumiin ang pagkakahawak sa kanya ni Zuriel Andreau. Tiningala niya nga ito. At noon din, natuklasan niyang madilim na madilim na ang mukha ng binata. Tila ba hindi nito nagustuhan ang sinabi niya.
“Sige, mauna na ako sa inyo.” Pamamaalam ni Drake. Nang tumango na siya ay saka nagsimulang maglakad ang binata patungo sa parking area ng ospital.
“Naman, Zuriel! Bakit ba parang masama na naman ang mood mo? Pati si Drake, parang gusto mong lamunin ng buo.” Yamot na inagaw niya ang braso sa binata.
“Sorry.” Tila natatauhang hingi nito ng paumanhin at muling inabot ang braso niyang hinawakan nito kanina. Tila igigiya siya nito palabas.
“Ikaw naman kasi! Bakit ka ba pahawak ng pahawak sa doktor na iyon? Hindi ba’t panalo ka na nga?! Bakit makikipagmabutihan ka pa sa kanya? Ni hindi mo napansin na naroroon na ako sa lobby dahil busy ka sa pakikipagkulitan sa Drake na iyon!” pasigaw na saad ni Zuriel Andreau sa kanya.
“Bakit ka ba nagagalit? Hindi naman ako nakikipagmabutihan sa kanya!” ganti niya.
“At anong tawag mo doon sa nakita ko? Kung hindi pa ako dumating, malamang na sumama kang makipag-date sa kanya eh may usapan nga tayo.”
Natigilan si Chantal nang mabilis na ma-absorb ang sinabi ni Zuriel Andreau.
“May usapan tayo?” nagtatakang tanong ng dalaga.
“Pssh! Buti nalang pala at naisipan kong sunduin ka kundi ay makakalimutan mong ngayon ang simula ng three months na parusang date natin. Hindi ka man lang tumatawag.”
Kamuntik ng magdiwang ang puso ni Chantal kung hindi lang idinagdag ni Zuriel Andreau ang huling mga salita. Parusa nga pala para rito ang date nila. Kung ganoon ay huwag nalang silang mag-date.
‘At bakit ako ang kailangang tumawag? Kailangan ko ba talagang magpaka-cheap ng husto, Zuriel Andreau?’
Masamang-masama na talaga ang loob niya at hindi niya alam kung hanggang kailan pa niya maiha-handle ang damdamin. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya makatatagal na kaharap ito ng hindi lumalaglag ang luha niya.
“Mukhang napipilitan ka lang. Huwag na tayong mag-date.” Imbyernang deklara niya saka ito tinalikuran.
Pupunta sana siya sa parking area ng ospital para kunin ang kotseng iniregalo ng kanyang ama sa kanya noong maka-pasa siya sa liscensure exam ng maalalang coding nga pala ng sasakyan kaya’t bumalik siya. Magco-commute siya ngayon. Nakita niyang hindi pa din natitinag sa pagkakatayo si Zuriel Andreau habang nakamasid sa kanya.
Inirapan niya ito saka lumagpas roon.
“Saan ka pupunta?” narinig ni Chantal na pasigaw na tanong ni Zuriel Andreau. Hindi niya ito pinansin.
“Yvonne!”
Nagpatuloy pa din siya sa paglalakad palabas. Buwisit na buwisit talaga siya. Nakakapagod din palang manuyo sa lalaking wala namang pakialam sa damdamin niya. Maski ganoon na matutupad na ang hiling niyang maka-date si Zuriel Andreau, kung ganitong napipilitan naman ang binata, wala ring kaligayahan siyang makukuha.
“Fine!”
Nagulat si Chantal ng biglang sumulpot sa harapan niya si Zuriel Andreau habang naglalakad siya. Ni hindi niya naramdaman ang paghabol nito sa kanya.
“Nakakainis ka na! Akala ko bumalik ka kasi nagbago ang isip mo at sasama ka na sa akin.” Anito habang sumasabay sa paglalakad niya.
At kaya naman pala hindi natitinag sa pagkakatayo ang bruhong lalaki, inaakala pala nitong nagpapakipot lamang siya. Siya pa daw itong nakakainis? Kung naiinis ito, mas lalo naman siya.
“Umuwi ka na at uuwi na din ako. Kung bibisita ka naman sa daddy mo, magmadali ka at hanggang 6pm lang ang visiting hours.” Malamig na saad niya.
Nahinto ito sa pagsabay sa paglalakad niya. Dumeretso naman siya. Gusto na niyang maiyak. Kay tagal niyang hinintay na dumating ang araw na i-date siya nito. Pero ngayong dumating na iyon, tinatanggihan naman niya. Bakit ba hindi niya tatanggihan kung alam niyang hindi naman bukal sa loob nito? Sasaktan niya lang ang sarili kong sa paglabas nila, siya lang ang masaya sa kanilang dalawa. Hindi naman siya makasariling tao na tanging kaligayahan lang ang iisipin.
“I’m sorry. Sorry na.”
Chantal stopped walking when she feels his warm wide chest leaned in her back. Ramdam na ramdam at dinig na dinig niya ang maingay at nagkakagulong bagay sa loob ng dibdib nito. O baka naman ang ingay ay sa kanya talaga nanggagaling. Pakiwari niya’y tumigil sa pag-ikot ang mundo nang mga sandaling iyon na yakap-yakap siya ni Zuriel Andreau.
Totoo ba talaga iyon? Totoo ba talagang niyakap siya ni Zuriel Andreau habang bumubulong ito ng “sorry” sa puno ng kanyang tenga?
Nanlamig ang buo niyang katawan at tila ang init ng hininga ni Zuriel Andreau ay mabilis na dumaloy sa buong himaymay niya. Parang gusto na niyang himatayin ng mga sandaling iyon. O kung maaaring patigilin niya ang oras habambuhay, manatili lamang siya sa loob ng mga bisig nito ay gagawin niya.
Maski sinasabi ng utak niyang kumilos siya ay hindi kinayang sundin ng katawan niya. Baka kasi maputol ang napakasarap na sandaling iyon. Ayaw niyang maputol iyon! Hindi maaaring maputol iyon!
“Sorry na. Ikaw naman kasi, sinabi ko na sayong ayoko ng tinu-two time ako ng ka-date ko.”
Narinig niyang nagsalita itong muli. Kung hindi siya nagkakamali, tila naramdaman niyang dumampi ang labi nito sa may tutok niya. O kung hindi man ay baka inamoy nito ang buhok niya.
Bigla siyang na-conscious. Maghapon ba naman siyang naka-duty. Baka nag-amoy pawis na ang buhok niya.
“Sandali, Zuriel Andreau.”
Maski ayaw niyang masira ang pwesto nila ay napilitan siyang kumawala rito.
“Nag-sorry ka nga, nanisi ka naman.” Aniyang humalukipkip.
“Ano bang gusto mong gawin ko?!”
Hindi niya alam kung nabubwisit o nag-a-apologize ang mukha ng binata. Napatawa tuloy siya ng wala sa oras.
“Huwag ka ngang tumawa diyan!” sa pagkakataong iyon ay alam niyang nairita na si Zuriel Andreau.
“Hug mo ako para bati na tayo ulit.” Pang-aasar niya.
“Tss.”
“Okay, uuwi muna ako. Maliligo at magbibihis tapos kita nalang tayo mamaya sa kung saan mo man ako dadalhin.”
“Ano? Hindi ka sasama sa akin?” tila nagtatakang tanong nito.
Umarko ang mga kilay niya saka nakakalokong ngumiti. “Masyado ka namang nagmamadaling ilabas ako. Amoy pawis na yata yung buhok ko. Kailangan ko na munang maligo, ‘no?” tugon niya.
“Mabango pa ang buhok mo.” Balewalang komento nito.
Napangiti naman siya. Pasimpleng paraan lang naman talaga niya ang sinabing iyon upang alamin kung ano ang komento nito dahil may naramdaman siyang tila umaamoy o humahalik sa buhok niya kaninang yakap siya ng binata.
“Basta. Magpapaganda muna ako. First date natin, baka maumay ka agad.” Giit niya.
“Fine. Ihahatid na kita.”
“Oh…”
Pumalakpak ang tenga ni Chantal at kaagad na nagkaroon ng mga pakpak ang puso niya. Gusto na noong lumipad patungo kay Zuriel Andreau at makipaglingkasan sa binata sa labis na kaligayahan. Masarap pa lang maging date nito. Lalo na siguro ang maging nobya nito.