
Summary
“Kahit ano’ng gawin kong pagmamando sa sarili ko, hindi kita magawang kalimutan. Hindi ko magawang magalit sa `yo nang m...
PROLOGUE
“WHAT did you say?”
Gustong maghurumentado ng utak ni Zuriel Andreau. Tatlong araw pa lamang ang lumipas magmula ng makumpirma niya ang pagtatraydor sa kanya ng kanyang matalik na kaibigan na si Jake at kasosyo sa negosyo na isang Computer and Service company doon sa New York—na mabilis nilang napalago. Wala siyang kamalay-malay na unti-unti na palang ninanakaw noon ang pinaghirapan niyang kompanya. Ibinigay niya roon ang buong tiwala niya. Ni hindi siya nagdalawang isip na bigyan iyon ng power of attorney at access sa lahat ng bagay para sa mga panahong ipinagtutulakan siya ng kaibigan na magliwaliw at ipasyal ang kanyang girlfriend. Subalit hindi niya akalain na ang lahat pala ng iyon ay parte lamang ng planong agawin sa kanya ang lahat ng pinaghirapan niya sa loob ng apat na taon. Hindi niya lubos akalain na ganoon kagahaman sa salapi si Jake.
Oo nga’t noon pa man ay alam na niyang mataas ang ambisyon nito sa buhay subalit dahil masyado siyang tiwala sa pagkakaibigan nila ay ni hindi sumagi sa isip niya na magtatraydor iyon sa kanya.
At ngayon, heto naman si Eunice sa kanyang harapan, sa loob ng kanyang opisinang malapit na ring mawala sa kanya. She was claiming her freedom!
“I said I need space.” Ani Eunice sa tonong hindi nababagabag.
“I don’t understand! Was this relationship choked you up?” Naihampas niya ang mga kamay sa ibabaw ng mesa.
The woman just rolled her eyes. Tila wala itong balak magpaliwanag. At taliwas iyon sa nakasanayan na niyang attitude nito.
Matagal na ang relasyon nila. Almost three years. Kaya’t alam na alam na niya ang timpla ng kasintahan. Pero ang ipinapakita nito sa kanyang kawalang pakialam at ka-insensitive sa mga inilalabas ng bibig nito ay talagang bago sa kanya.
Nang umalis siya ng Pilipinas, apat na taon na ang lumipas, dala ng matinding sama ng loob sa kanyang German father ay nagdesisyon siyang mamuhay na mag-isa. Hindi kasi niya matanggap na hindi siya pinakinggan ng kanyang ama sa pagtutol na mag-asawa itong muli.
Oo nga’t matagal ng namayapa ang kanyang ina. Elementary pa lamang siya ay sila na lamang ng kanyang ama ang magkasama. Hindi rin naman niya sana binabalak na humadlang sa kaligayahan ng kanyang ama kung nagkataon lamang na tamang babae ang pinili nito. Oo nga’t Pilipina rin iyon, tulad ng kanyang namayapang ina—isa sa mga criteria ng babaeng nais makasama ng kanyang ama sa pang-habambuhay—subalit taglay ng babaeng iyon ang ugali na kailanman ay hindi niya magugustuhan. Ang pagiging oportunista. Hindi sa hinuhusgahan niya ang madrasta pero iyon ang napupuna niya sa napakaluhong babae na wala ng ginawa kundi humingi ng kung anu-ano sa kanyang ama. Araw-araw nalang iyon kung mag-shopping maski hindi naman kailangan. Halos doon na yata iyon sa salon at spa tumitira dahil sa pagpapaganda at pagliligo ng luho sa sarili.
At dahil nagmana siya ng katigasan ng ulo sa kanyang ama, sa edad na bente-kwatro, pinili niyang mamuhay mag-isa roon sa New York. Nagtayo siya ng sariling business at nakisosyo sa kanya ang kanyang bestfriend noong highschool na aksidenteng natagpuan niyang naroroon din pala sa bansa. Naging napakaganda ng kanilang team work until Jake introduced Eunice to him.
Canadian-Filipina ang dalaga at siya naman ay German-Filipino. Magkalahi sila kaya naging magaan kaagad ang loob niya rito. Sikat na modelo ito doon din sa New York. Agad na nagpakita ng interes sa kanya ang dalaga sa una pa lamang nilang pagkikita.
Hindi lang career niya ang naging masigla kundi maski ang kanyang lovelife. Eunice is gorgeous, very sweet and loving. Kaya naman hindi naging mahirap sa kanya na mahulog at umibig rito. Ang dating bahay-trabaho na ruta niya ay nadagdagan at naging napakakulay sa loob ng tatlong taon. Pero bakit ngayon, ang lahat ng magagandang bagay ay tila nagiging bangungot?
“Tell me, may iba ka na ba? Kaya gusto mo nang kumawala?” Nafu-frustrate na tanong ni Zuriel Andreau kay Eunice.
“Wala.” Malamig na tugon nito.
“Then why? Bakit gustong-gusto mong makawala sa akin?”
“Come on, Zuriel! This is a liberated country. Alam mo naman siguro ang kalakaran dito sa America? Once the other part was satiated, its about time to end the relationship.”
“At nagsasawa ka na?” madilim ang mukhang tanong niya.
“Oo.” Walang gatol na tugon nito. And it slices his heart, slowly! “One morning I woke up and I found myself falling out of love for you. Hindi ko lang masabi dahil ayokong saktan ka.”
“At sa palagay mo, hindi mo ako sinasaktan ngayon?”
Bakit may pakiramdam siya na gustong sumabog ng dibdib niya sa sakit at sama ng loob?
“There’s no better way I can escape the truth. Kaya nga sinasabi ko na ngayon. Ayoko na!”
At tumayo na si Eunice. She was ready to leave. Inabot niya ang isang braso nito para pigilan.
“Iyon lang ba talaga ang dahilan? O kaya gusto mo ng kumawala ay dahil wala na rin sa akin ang lahat?”
Hinaklit nito ang sariling braso mula sa kanya. At ang hindi niya inaasahan ay ang tuluyang pagkadurog niya sa mismong harapan nito.
“Fine! Ayokong malugmok na kagaya mo! Oo, isa sa mga dahilan ko ay ang pagkawala ng negosyo mo sayo at nang lahat ng meron ka na pinaghirapan mo. Ayokong kumalat ang balita na girlfriend ako ng isang looser . It will wreck my image. Sikat ako, Zuriel. Pinag-uusapan ng buong bansa ang tungkol sa buhay ko. At kahihiyan para sa akin ang mabalitaan ng lahat ang kaugnayan ko sayo. Ano? Okay na? Pwede mo na ba akong palayain?”
Natigilan siya. Daig pa niya ang binigwasan sa sikmura matapos marinig mula sa bibig ng kasintahan ang katotohanang iyon. At ni hindi iyon alintana ni Eunice. Parang hanging dinaanan lamang siya nito palabas ng opisina.
Masakit! Sobrang sakit! Pakiramdam niya, niluray-luray nito ang puso niya. Buong-akala pa naman niya, seryoso ang dalaga sa kanya dahil tumagal ang relasyon nila ng tatlong taon. Mahal na mahal niya ito ng higit pa sa kanyang sarili. Nang piliin niyang iwan ang kanyang ama, sinabi niya sa sarili na wala siyang ibang aasikasuhin kundi ang pagpapayaman para ipakita sa ama na kaya niyang umasenso maski walang tulong nito. At pagdating ng araw na nalimas na ng asawa nito ang kayamanan nito ay ipapamukha niya sa ama ang pagkakamali ng ginoo. Hinding-hindi siya tutulad rito na magmamahal ng maling babae.
Pero kinain niya ang mga salitang iyon ngayong makilala niya ang tunay na kulay ni Eunice. Ibinigay niya ang buong puso niya rito at nangakong ito na ang una at huling babaeng mamahalin niya. And now that he was in the legal age of twenty-eight, he was ready to proposed a marriage to her. Kung hindi lamang sana nangyari ang ganitong sunod-sunod na problema.
Ni wala sa hinagap niya na ang pagkawala ng kanyang ari-arian ang magiging dahilan ng pagbitiw rin nito sa kanya.
Zuriel Andreau’s cellphone rang.
Wala sa loob na kinuha niya iyon at sinagot ang tawag ng di tinitingnan kung sino ang caller.
“Hello hijo?” Nanginginig ang boses ng nasa kabilang linya. Kilala niya ang boses na iyon.
Agad na inilayo niya ang cellphone sa tenga at tiningnan ang caller ID. Overseas call iyon.
“Yaya Merci? Bakit po kayo napatawag?” nagtatakang tanong niya?
Ang ginang ang nag-alaga sa kanya at magpahanggang ngayon ay nananatiling kasambahay ng kanyang ama. Loyal ito sa pamilya at siya ring lubos na pinagkakatiwalaan nila. Parang kapamilya na ang turing nila rito at ganoon rin naman ito sa kanila.
“Ang Daddy mo, hijo. May sakit ang daddy mo! Umuwi ka na dito, anak.” Hurumentadong saad nito.
Kaagad na binalot siya ng pag-aalala para sa ama. Maski masama ang loob niya rito, nananatili naman ang pagmamahal niya rito, pero hindi niya nais na ipakita iyon sa ama. Mas nangibabaw ang pagiging matigas niya.
“Bakit ako po ang tinawagan niyo? Hindi ba’t nandyan naman ang asawa niya? Sa palagay ko, hindi naman niya ako kailangan.”
“Wala na siya, hijo. Matapos limasin ng walanghiyang babaeng iyon ang lahat ng pwedeng mahuthot sa daddy mo ay iniwan na ang iyong ama. Ang tita Laura mo na lamang ang tanging tumulong sa iyong ama para dalhin siya sa ospital ng mga baliw, dahil alam mo namang nasa ibang bansa na ang iba niyo pang kamag-anak.”
“Ano po?!” Gimbal na tanong niya. Parang naririndi siya sa magkahalong pag-aalala at pagtataka sa mga sinasabi ng kanyang dating tagapag-alaga. Oo at may bahagi roon na inaasahan niyang mangyayari, ang pagkalimas ng kayamanan ng ama. Naisip pa nga niyang umaayon sa inaasahan niya ang nangyayari. Subalit ang huling bahagi ang labis na nagpabagabag sa kanya.
Ang tita Laura niya na tinutukoy nito ay isang psychiatrist. Si Doktora Laura Enriquez. Pinsan iyon ng kanyang namayapang ina.
“Nabaliw ang daddy mo dahil sa pag-iwan sa kanya ng iyong madrasta. At walang kahit na sinong gustong tumulong. Hindi rin naman niya nagawang sabihin sayo ang nangyaring panghuhuthot ng iyong madrasta sa kayamanan ninyo dahil sa pride. Hindi yata niya kayang aminin sa mismong harapan mo na mali ang desisyon niya. Ang tanging natitira nalang sa inyo ay ang bahay at ang negosyo na wala ng ibang magpapatakbo. Pakiusap hijo, umuwi ka na! Kung hindi ka pa uuwi, baka pati ang mga iyon ay mawala na din.”
Tuluyan ng nahulog ang kanyang puso para sa kanyang ama habang naririnig naman niyang humahagulhol ng iyak ang ginang. At ngayon, ayaw man niyang tanggapin na pareho sila ng naging kapalaran ng kanyang ama ay wala siyang magagawa.
Makasarili siya! Inasahan niya ang hindi magandang pangyayari sa ama subalit kay bilis ng karma dahil sabay pa sila at pareho ng sinapit. Pareho silang niloko ng mga taong pinagkakatiwalaan nila!
Nagsisisi siya. Sana’y hindi na lamang siya nagmatigas. Sana’y nanatili na lamang siya sa tabi ng ama para naprotektahan niya ito sa babaeng walang ibang nais kundi saktan ito.
At sa ganitong napakahirap na sandali ng kanilang mga buhay, walang ibang pwedeng magdamayan kundi silang mag-ama. Wala na silang ibang pwedeng pagkatiwalaan kundi ang isa’t-isa.
