“WHAT’S with the face?” untag ni Lilith kay Chantal.
Masaya naman talaga si Chantal para sa kaibigang si Lilith dahil sa wakas ay mababawasan na din ang mga baliw sa mundo ng mga single. Hindi nga lang iyon halata sa kanya dahil kanina pa siyang nakasambakol ang mukha habang sayang-saya naman ang huli sa pagfi-fit ng gown na susuotin nito sa engagement party.
Kasalukuyan silang naroroon sa isa sa mga boutique na sakop ng Villafuerte Garments—ang napapanahong pinakasikat na garments company—para i-fit ang mga gown na idinesenyo ng kanilang online friend na si Ellisejade Imperial. Lead designer ito ng kompanya. Sa internet lang sila nagkakila-kilalang tatlo noong college days nila, subalit nang mag-eyeball ay mabilis na nagkapalagayang loob. Naging instant barkada sila mapa-online man o real life. Hindi na nakapagtataka iyon dahil pare-pareho silang magaling makipagkaibigan. Sa katunayan, masyadong malawak ang circle of friends nila.
Nitong nakaraan ay dumalo sila ni Lilith sa fashion show na ini-organize ng kompanya ay nabuo ang dare nilang magkakaibigan. At ang dare na iyon ang dahilan ng pagsisintir niya ngayon.
Kung makikita ang kasiyahan sa mukha nina Ellisejade, lalo na kay Lilith, siya naman ay kabaligtaran.
“You don’t like the details?” si Ellisejade na halatang nadismaya.
Paanong hindi? Pang-international ang mga design nito at talagang pinupuri ng marami habang siya naman ay tila di nasisiyahan. To think na kaibigan siya nito.
“I like it, Ellise dear.” Aniyang tinunghayan ang sarili sa kabi-kabilang mga salamin na naroroon sa kabuuan ng boutique.
Suot pa rin niya ang gown na susuotin sa engagement party ni Lilith.
“Pero?” tanong muli ng kaibigan na halatang humihingi ng eksplinasyon.
“Pero mas gusto kong suotin yung gown ni Lilith!” malakas na bulalas niya.
Saglit na natigilan ang mga ito. Pagkuway bumulalas ng malakas na tawa. Nayamot naman siyang lalo.
“Anong joke?” asar na sumalampak siya sa nakitang single couch roon.
She’s dead serious but they just laugh at her misery. Their crazy! Maigi pa yatang i-suggest niyang magpatingin na ang mga ito. Palagay niya’y may kulang na turnilyo ang utak ng mga kaibigan. At tutal naman, sa edad na bente-otso ay isa na siyang head psychiatric nurse sa isang mental hospital, mas magiging mabilis ang pag-admit sa mga ito.
Hindi nga niya maunawaan ang sarili kung bakit sa dinami-dami ng magagandang kurso, ang pag-aalaga pa sa mga nasisiraan ng bait ang napili niyang pag-aralan. Noon naman kasi ay naging maganda lang sa kanyang pandinig ang pagiging psychology student kaya’t iyon ang kinuha niya. Na-naenjoy naman niya iyon hanggang sa hindi niya namalayang ga-graduate na pala siya.
Galing siya sa mayamang pamilya ng mga Villacorte na may-ari ng Villacorte Laboratories Inc. Nag-iisa siyang anak na babae kaya’t ang lahat ng naisin niya ay nakukuha niya. At kung tutuusin, ang mahabang panahon niyang pagtatrabaho ay maituturing na lamang na isa sa mga luho niya. Hindi siya nagtatrabaho para sa sweldo dahil nasa kalahati lang ng monthly allowance niya ang kinikita niya sa pagtatrabaho. Wala nalang kasi talaga siyang maisip gawin sa buhay kaya’t ang pakikipagtitigan at pakikipag-usap sa mga baliw ang kanyang naging libangan. Siguro, ipinanganak na rin talaga siyang kulang rin ng isang turnilyo sa ulo kung kaya’t nag-eenjoy siyang makasalamuha ang mga baliw nilang pasyente.
“Nagtanong ka pa.” tugon naman ni Ellisejade na sumunod sa kanya. Sumunod na rin si Lilith sa kanila na suot pa rin ang gown nito. Lalo lamang siyang nakadama ng pagngingitngit. “Ikaw ba ang bride at gusto mong sayo ang gown ni Lilith?”
“Iyan kasing si Zuriel Andreau, ang arte-arte. Ako sana ang magsusuot ng gown na iyan kung pumayag na siyang mapasaakin. Naunahan tuloy ako ni Lilith.” Masama ang loob na himutok ni Chantal.
“Duh?!” Lilith rolled her eyes. “Chantal Yvonne Villacorte, wake up! Hanggang ngayon umaasa ka pa rin kay Zuriel Andreau? Tsk. Sinabi ko naman sayo eh. Huwag mo akong hahamunin. You won’t win. Kita mo? Natalo kita.”
Bagay talaga rito ang pangalan nito. Lilith sounds ‘maliit’. At totoong maliit naman ito kumpara sa kanila ni Ellisejade. Kung hindi niya lang ito kaibigan, malamang na natiris na niya itong kanina pa. Ipagduldulan ba naman sa pagmumukha niya ang masakit niyang pagkatalo?
Nagkaroon sila ng ‘dare’ ni Lilith na kung sino ang mauuna sa kanilang dalawa na maging boyfriend sa taon na iyon, ang mga lalaking natitipuhan nila, ito ang magmamay-ari ng finally dress sa latest fashion event ng Villafuerte Garments na idinesenyo ni Ellisejade. For free! Dahil ang magbabayad ng gown ay ang matatalo. Wala namang kaso sa kanya kung gumastos siya ng malaki dahil hindi naman siya gipit sa pera. Labis-labis pa nga ang laman ng mga ATM’s niya para sa mga luho at kapritso niya.
Ang hindi lang matanggap-tanggap ng kanyang damdamin ay sa mahigit isang daang beses niyang pagyayaya ng date kay Zuriel Andreua Schmitz—anak ng isa sa mga pasyente nilang German roon sa Wonderful Life Mental Hospital—ay di man lang siya napaunlakan nito maski minsan. Masakit na sa ego niya, masakit pa sa dibdib. Higit sa lahat, maski papaano ay masakit rin sa bulsa. Dahil butas ang bulsa niya sa gown na pagbabayaran niya sa Villafuerte garments.
Nakakahiya man sa kagandahan niya, pero aaminin niyang oo, siya itong naghahabol at nagyayaya ng date sa playboy na binata. At dahil inborn na naman siyang makapal ang mukha, hindi na siya nahihiyang gawin ang bagay na iyon. After all, time to time, she used to tell herself that it was just for their bet. Playboy ang lalaking gusto na niya sa unang pagkakita niya pa lamang rito, at inaasahan niyang madali niya itong makukuha.
She likes Zuriel Andreau very much that she’s willing to accept everything about him. Wala sa kanya kung nabaliw ang ama nito o maging ang pagiging playboy nito. Saka nalang niya pag-iisipan ang pagpapatino rito kapag nahulog na ito sa makamandag niyang ganda.
Subalit may antidote yata ang binata kaya’t hindi niya mabihag-bihag. Naiinis siyang isipin na halos lahat ng dalagang empleyado ng WLMH na nagpapa-cute rito ay pinapatulan nito samantalang siya ay hindi. Ano bang meron sa mga iyon na wala sa kanya?
“Fine! Whatever!” naiinis na sikmat niya saka akmang tatayo.
“Saan ka pupunta?” nagtatakang tanong ni Ellisejade.
“I’m going to change my dress. Tapos na naman ang fitting. Papasok na ako sa trabaho. Baka biglang bumisita si ‘manong pogi’ at di ko siya makita.”
“Hayst! I salute you, Chantal. Wala ka talagang balak na tantanan si Zuriel Andreau maski tapos na ang dare at alam mong talo ka na?”
“Hindi ko talaga siya tatantanan hangga’t di ko siya napapa-oo. Wala yatang nakakaligtas sa kagandahan ko.”
“Mukhang iba na iyan ah? Hindi ka nalang nacha-challenge sa pag-ignore niya sayo. I must say, totohanan na iyang ginagawa mo.” Pang-aasar ni Lilith.
“Kelan ba ako tumanggi? I like him. I really do.” Deretsahang saad niya. “Kung hindi ko siya gusto, hindi ko siya pagtyatyagaan ng ganito.”
“But I supposed it was just for our dare?” “
“Ang alam ko naman, pinili mo siya kasi, siya ang trip mo noon pa man. As in trip lang. At inaasar mo lang siya kasi nakakainis ang pagiging playboy niya. Na ang tingin niya sa mga babae doon sa mental ay mga laruan. You just want to give him a dose of his own medicine, right?”
“Well,” she shrugged then smiled widely unto them. “You supposed it all wrong.”
‘Nakasinghot ako ng masamang hangin kaya naapektuhan ang utak, baga at pati puso ko.’
Nagkasulyapan ang dalawa at base sa palitan ng tingin ng mga ito, naiintindihan na ng mga ito ang ibig niyang sabihin. She decided to go back to the fitting room.
“May kakilala akong romance writer. Gusto mo bang ipasulat natin ang love story niyo ni Zuriel?”
Bigla ang naging pagpihit ni Chantal. Namimilog ang mga matang binalikan niya ang nagsalitang si Ellisejade.
“Totoo? Sige ipasulat mo. Teka, kami ba ang magkakatuluyan sa kwento?”
Ellisejade rolled her eyes. “Malamang! Romance novel nga, hindi tragic novel.”
“Naninigurado lang. Baka maisipan mong ipagawang tragic ang story namin sa halip na romance. Kung mangyari yun, ipapa-ban ko ang novel na iyan sa market.”
Sa pagkagulat niya’y bumunghalit ng tawa ang nasa isang tabi na si Lilith. Pinagtaasan nga niya ito ng kilay. Nang lingunin niya si Ellisejade ay natatawa na din ito na tila nagpipigil.
“Ano na namang joke? Bakit kayo lang ang nakaka-gets?”
Sa palagay niya, sa hitsura ng dalawa ay nais namang magpaliwanag, kundangan at di lamang maawat ang mga ito sa pagtawa.
“Sorry.” Ani Lilith ng sumama na ang tingin niya sa mga ito. “Hindi kasi ako maka-get over sa tanong mo na kung kayo ba ang magkakatuluyan sa novel ninyo.” Tumawa na naman ito at parang gusto niyang mapahiya. Nabigla kasi siya sa sinabi ni Ellisejade kaya kung ano nalang ang lumabas sa bibig niya sa sobrang excitement. “At ikaw naman Ellise, pinatulan talaga ang ka-aningan ni Chantal eh nahahawa na ito sa mga pasyente nito.”
“Yeah right.” Sang-ayon ng dalaga na pinipigil na ang sarili sa pagtawa.
“Duh? Mga kaibigan ko ba talaga kayo? Makita niyo, kapag naaning din kayo sa mga future husband niyo, hindi ko kayo gagamutin. Magsama-sama na tayong tatlo sa mental.”
Engage to be married na din kasi si Ellisejade at nakakadagdag iyon sa frustration niya dahil napapag-iwanan siya ng mga kaibigan.
Muli ay narinig niyang pinagtatawanan na naman ng dalawa ang kamiserablehan niya. Tinalikuran na niya ang dalawa. This time ay wala nang makakaawat sa kanyang dumiretso sa fitting room.
“Tanggapin mo na. Tatanda ka ng dalaga.”
“Ilang taon ka na palang sumisinta kay Zuriel ah? Within two years, ang alam namin, nang-aasar ka lang. Totohanan na pala.”
“Two years na nga pala ano? My God! Twenty eight ka na, Chantal. Two years nalang at mawawala ka na sa kalendaryo. I doubt kung makuha mo si Zuriel in two more years. Wala ka nang pag-asa!”
“Wakompake!” Hindi na siya nakatiis sa pang-aasar ng mga kaibigan at sinigawan ang mga ito.
Kung iniisip ng mga ito na masisindak siya sa mga pinagsasasabi ng mga iyon, pwes, nagkakamali sila. Mas lalo pa ngang tumindi ang pagnanais niyang ipagpatuloy ang nasimulan.
‘I won’t give up on you my handsome guy.’
Maski ng sa paglabas niya nang fitting room ay inaasar pa din siya ng mga kaibigan.
“Labas tayo minsan ha, Chantal. Isama mo ang Andreau mo.” Pahabol ni Lilith.
“Baka hindi matuloy. Malabo ang gusto mo, Lilith.”
“Ay oo nga ‘no?”
“Pagnakuha ko si Zuriel Andreau, akin ang lahat ng kayamanan niyo.” Pahiyaw na saad niya bago nilagpasan ang dalawa sa receiving area ng boutique.
“Sige nga?!”
“Give me three months more.” Sa inis ay hamon niya.
“Kapag di mo siya nakuha within three months, sa amin na ang laman ng savings account mo.” Si Ellisejade.
“So, it’s a dare?”
“Bakit di ka makasagot? Takot kang matalo ano?”
“It’s a dare.” Wala sa loob na patianod niya sa mga kaibigan, matigil lang ang mga ito. Tutal di naman alam ng mga ito na dalawa ang savings account niya. Yung kaunti lang ang laman at pang lakwatsa ang ibibigay niya. Malamang kasi na matalo siya.
“Ayan ha? Naka-record ang usapan nating ito. May pinanghahawakan na tayo, Ellise.”
She rolled her eyes. “Whatever.” Saka nilagpasan ang dalawa. Malamang kasi na maubusan siya ng dugo sa mga ito dahil hina-high blood talaga siya sa asaran nilang iyon.
“HELLO manong na pogi!”
Malapad ang ngiti ni Chantal ng sa pagbaling niya ay mukha ni Zuriel Andreau ang nabungadan niya. Manong na pogi ang tawag niya rito nung una niya itong makaharap. He smiled, back then. Mukhang nagustuhan nito iyon. Nagdesisyon siya noon na iyon ang parating itatawag sa binata. Pero kinalaunan ay kinairitahan na yata nito ang tawag na iyon. Inisip nito marahil na pang-asar niya lang iyon dahil sinabihan niya itong feeling gwapo minsang dineadma siya ng binata.
“Pinakukuha ni Dra. Enriquez ang psychological report ni Daddy.” Tugon nitong ni hindi man lang gumanti ng bati sa kanya.
Si Dra. Enriquez ang assigned psychiatrist sa Daddy ni Zuriel Andreau at sa pagkakaalam pa niya’y malapit na kamag-anak ng mag-ama. Pinsan iyon ng ina ng binata, ngunit kapag ganoong nasa ospital ay nagiging pormal ang tawagan ng mga ito.
“Okay, wait.” Tugon niyang saglit na tumalikod rito at naghalungkay ng mga files. “Kamusta ang daddy mo?” tanong niya habang iniaabot ang kailangan nito.
Pinagtaasan siya ng kilay ni Zuriel. “Hindi ba’t kung mayroong mas higit na nakakaalam sa ating dalawa ng bagay na iyan, ikaw iyon?”
“Oo nga ‘noh?” nakangising saad niya. “Wala lang akong masabi. Bakit ba kasi parang bad mood ka ngayon? Hindi ka man lang mag-smile sa magandang babaeng tulad ko.”
There, she saw a little smile broke into the side of his lips. Aakalain niya sanang tabingi ang ibinigay nitong ngiti pero naisip niyang baka kaya ganoon ay dahil pinipigilan lamang nito ang sarili na ipakita sa kanyang pinagbigyan siya ng binata.
“There you go. Dapat lagi kang naka-smile. Mas bagay na sayo ang alias na handsome guy kung ganyang ngumingiti ka.”
Ibinaba niya ang file na hinihingi nito sa upper desk na pumapagitan sa kanila.
“I didn’t smile at you.” Tanggi nito
“You did.” Pagpupumilit niya.
“I did n—.”
“Hi Zuriel!” bati ng isang psychiatric nurse na dumaan sa harap nila.
“Hello, gorgeous.” Ngiting-ngiting tugon nito.
Nayamot siyang matunghayan na ngini-ngitian at ginagantihan nito ng bati ang iba samantalang siya ay hindi. At tinawag pa nitong gorgeous?!
‘Duh!? Malay mo naman, nakalimutan niya ang pangalan ni Marcia kaya gorgeous ang itinawag. Sa dami ba naman ng naging babae ng mokong na iyan dito, hindi na nakapagtataka iyon.’
Kinonsola nalang niya ang sarili at pilit ipinakitang hindi siya naaapektuhan sa ginagawa nito. Ngunit bigla siyang nataranta ng talikuran na siya nitong basta, bitbit ang hiningi nito sa kanya.
“Andreau-baby, wait!”
He turned to her with a dark face. Hindi na nakapagtataka iyon. Kapag tinatawag niya ito na may kakabit na sweet nothings ay ganoon ang nagiging hitsura nito.
“What now, Yvonne?”
At ito lang din ang taong tumatawag sa kanya sa second name niya.
“Kelan tayo magde-date?”
Umiling-iling si Zuriel Andreau. “Malala na ang kabaliwan mo, Yvonne. Mas malala ka pa sa mga pasyente rito.”
“Sayo lang naman ako naaaning eh.” Hirit pa niya.
“Corny.”
“Nagsasabi lang ako ng totoo, baby ko. Bakit ikaw, ang damot mong magpakita ng feelings mo sa akin?”
“I don’t have feelings for you.”
“Ouch! Masakit yun!”
Totoong nasaktan siya sa pandederetso nito sa kanya pero ipinahayag niya ang mga salita ng nakangiti. Hindi naman niya papayagang makasilip ito ng tagumpay laban sa kanya. No way! She’ll going to win him, no matter what. Hindi pa yata nangyaring sumuko siya sa kahit na anong bagay na nagustuhan niya.
“Gustong-gusto mo talagang sinasaktan ang damdamin ko ‘no?” Ngumuso siya pagkuway ngumiti. “You ouch me!” pakwelang dagdag niya na sinadyang gawing mali ang grammar.
“I was just being sensible, Yvonne.” He said, ready to leave. Naantala lang talaga ito dahil sa mga pinaggagagawa niya.
‘Sensible-lin mo ang mukha mo. Akala mo yata, hindi ko alam na sinasadya mong saktan ako para tigilan na kita.’
“Anyway, ngayon lang ako nakakita ng nasasaktan na, nakatawa pa. Tell me, paano ko magugustuhan ang weird na katulad mo?” He made a ‘tsk’ sound and threw his head back and forth as if he was about to laugh. “Back down, Yvonne. Hindi mo matatagalan ang pangungulit at pamba-bluff mong iyan sa akin. Hindi mo ako makakayang tagalan. And no one will ever do.”
Bluff? Iniisip talaga nito na bluff lang ang lahat ng ginagawa niya?
“Nagawa ko nga in two years, and I can stand another two years or even a decade if so. Kung yun lang ang paraan para sagutin mo na ako, maghihintay ako.” Seryoso ng saad niya.
Totoong lahat ang sinabi niya. Malakas din ang loob niyang sabihin iyon, hindi dahil hindi niya kayang pakitunguhan ang sariling damdamin kundi dahil gusto niyang maging totoo rito at sa kanyang sarili. She would not fool herself out of her cowardice. And she knew she had to work hard to get what she likes. Kung hindi niya paghihirapang makuha ang lalaking mahal niya, hindi rin ito mapupunta sa kanya.
Napansin niyang natigilan ito. Pero saglit na saglit lang iyon, dahil naging iritable na ang ekspresyon nito.
“Stop those mushy lines of yours! I won’t buy it!”
“Mr. Schmits?” untag rito ng isa pang nurse. Bumaling naman ito roon.
“Yes?”
“Dra. Enriquez is waiting for you in her office.”
“Alright. Papunta na nga ako doon. But someone draw me back.” Nilingon siya ni Zuriel na tila naninisi. Pero nginitian niya lang ito ng nakakaloko.
Umiling-iling ulit si Zuriel na tila nangungunsumi saka sumama na sa nurse.
Gusto niyang pukpukin ang sarili, mali na naman ang strategy niya! Paano ba niya ito mapapaamo? At sa lahat naman ng playboy, ito lang yata ang na-encounter niyang masungit. Sa kanya lang masungit. Dahil sa ibang babae ay palangiti ito. Ano bang meron sa iba na wala sa kanya? Dalawang taon na niyang paulit-ulit na itinatanong iyon sa sarili pero wala naman siyang mahanap na sagot? Wala naman kasi siyang makitang mali sa kanya. O baka akala lang niya iyon?
“What else should I do to have you, Zuriel Andreau?’
Napahalumbaba tuloy siya sa upper desk na naroroon sa harapan niya habang minamasdan ang papalayong binata.