“TULALA ka na naman diyan, Chantal? Baka kailangan mo na ding magpatingin.”
Napalingon si Chantal sa nakakalokong nagsalitang si Doc. Drake. Psychiatrist din ito roon. Sa una pa lang araw ng pagkakakilala nila sa mental hospital na iyon, trip na talaga siya nitong asar-asarin. It was two years ago. Nauna lang ito ng ilang buwan ng makilala niya si Zuriel Andreau. Minsan nga ay napagkakamalan na silang may relasyon. Marami ang naiinggit sa kanya na kababaihan na katrabaho nila dahil sa closeness nila ni Drake. Madami kasi ang nagkakagusto at nagpapapansin sa binata. At hindi na iyon nakapagtataka dahil gwapo, sweet at mabait naman ito. Pero maski ganoon ay di niya makuhang tuluyang mahulog ang loob rito.
Siguro may pagkakataon na muntik na. Muntik lang dahil nakilala niya ang gwapo at playboy na masungit na si Zuriel Andreau.
Pure friendship lang talaga ang meron sa pagitan nila ni Drake. Minsan nga ay nasabihan pa siya ni Ellisejade na duling daw siya dahil pakalat-kalat na nga sa harapan niya si Drake pero si Zuriel Andreau pa ang hinahabol niya.
Nagpart-time model sa Villanueva Garments si Drake noong nasa huling taon ito sa college kaya’t kilala ni Ellisejade. Close din ang dalawa. Kaya naman naging madali sa kanya ang maka-close ito.
Pinagtaasan niya ng kilay si Drake. “Nagsisimula ka na namang bruho ka. Ako na naman ang nakita mo.”
Pinagtawanan ni Drake ang naging reaksyon niya. Maski ito ang isa sa mga pinakamagagaling na psychiatrist doon at head psychiatric nurse lang naman siya, hindi siya naiilang na taray-tarayan ito.
“Ikaw naman kasi.” Lumapit ito sa upper desk na kinukubabawan niyang kanina pa. “Kanina pang nakaalis iyong lalaking puntirya mo, hanggang ngayon nakatulala ka pa din diyan. Mapapanis ka lamang kakahintay sa kanyang dumaan. Mamaya pa ang labas niya sa office ni Dra. Enriquez.”
“Hmp! Paano mo naman nalaman?” dumistansya siya at nagkunwaring busy sa pagso-sort ng mga files.
“Nanggaling ako doon, ngayon lang. Maraming idini-discuss si Dra. sa kanya.”
“Weh?” tiningnan niyang maigi si Drake. Baka kasi pinagtitrip-an na naman siya nito. Dadaan na pala si Zuriel Andreau pero sasabihin nito sa kanyang wala pa. Madalas nitong gawin iyon sa kanya kaya’t ngayo’y nagsisigurado siya.
“Oo nga.” Tumingin ito sa kung saan pagkuway hinagip ang kanyang braso. Babawiin sana niya iyon ng mahulaan kung anong pakay nito. Sinisilip nito ang kanyang wrist watch. “Lunch na agad? Halika? Kain muna tayo.” Anyaya nito.
Binawi niya ang sariling braso. “Mamaya na ako. Walang tatao dito sa nurse station. Pinauna ko silang mag-lunch.” Ang tinutukoy niya ay ang iba pang mga nurse.
“Andyan pa sina Bessy.” Anito. “Bessy, come here.”
Lumapit naman nga ang tinatawag. “Yes, Doc?”
“Dito ka muna. Kakain lang kami.”
Ngumiti ng makahulugan si Bessy. “Sure Doc.”
“Pero—”
“Let’s go.” Deretsong pumasok ito sa nurse station at hinila siya palabas.
“Mamaya na nga ako magla-lunch—”
“Excuse me.”
Nagulat si Chantal ng may isa pang kamay na humawak rin sa kabilang braso niya at tila pinipigilan siyang umalis. At ang mas ikinagulat niya ay ang timbre ng boses na permanente na yatang huminto sa kanyang pandinig. Tila paulit-ulit na naririnig niya ang tinig ng nagsalita. Marahil ay dahil hindi agad na-process ng utak niya na tama ang kanyang hinala. Nang lingunin niya ito ay saka pa lang nag-sink in sa utak niyang hindi siya nagkamali sa pagtukoy sa pamilyar na boses na iyon. Subalit ang mas higit niyang ipinagtataka ay kung bakit siya pinipigilan nito.
Napangiti siya ng malapad ng mapansing seryoso na naman ang mukha nito habang nakatitig kay Drake. Yes. Kay Drake ito matiim na nakatitig at hindi sa kanya. Kung hindi lang permanenteng nagsusungit sa kanya si Zuriel Andreau, at para bang ayaw na ayaw nitong madidikit ang pangalan nito sa kanya, iisipin niyang nangangamoy selos ito base sa iniaakto nito ngayon.
“Baby! Nandyan ka pala.” Malapad ang ngiting bati niya sa binata.
“Can I talk to Ms. Villacorte for a while?” tanong nito kay Drake na tila ba hindi siya narinig.
Nagkibit-balikat si Drake pero hindi pa din siya binibitiwan. Hinablot naman niya ang braso mula rito.
“Baby, hindi mo kailangang magpaalam kay Doc. Drake. Hindi naman niya ako alipin. Halika na. Saan mo ba gustong mag-usap tayo? Sa ilalim ng puno? Tara dun sa labas.” Walang habas na litanya niya saka hinila si Zuriel Andreau palayo roon. Nagpatianod naman sa kanya ang huli.
“Madaya ka, Chantal. Kapag ako ang nagyayaya sayo, andami mong palusot.” Narinig niyang pahabol ni Drake.
Nilingon niya ito at tinapunan ng nagbabantang tingin. “Hindi pa tayo tapos, Doc. Humanda ka sa pagbabalik ko! Magbabayad ka sa mga ginagawa mong panti-trip saken!” Banta niya.
Pinagtawanan lang naman siya nito. “Huwag kang masyadong maingay. Naririnig niyang tino-two time mo siya. Sa akin, okay lang na may kahati sayo, ewan ko lang sa kanya.”
Drake grinned widely and it gave her a nasty impression. Para kasing ipinaparating nito kay Zuriel Andreau na may relasyon sila.
Binalak tuloy niyang bumalik kay Drake at ng matadyakan niya ang magaling na lalaki. Trip na trip kasi talaga nitong basagin ang pagpapa-cute niya kay Zuriel Andreau. Subalit ang tangka niyang pagbalik kay Drake ay napigilan ng marinig ang mahina ngunit mariing tinig ni Zuriel Andreau.
“Chantal Yvonne Villacorte!”
She looked up on him and gave him a questioning look. Kapag ganoong tinatawag na siya nito sa buo niyang pangalan, nangangahulugan iyon na nagde-demand itong unahin niya itong intindihin.
“You still have business with me, Yvonne. So, could you please focus in it, first?”
“O-okay.” Nalilitong sagot niya.
Nagpatiuna na itong maglakad palabas. Patakbong hinabol niya ito at sa malawak na lawn ng WLMH na niya ito inabutan. Maraming nagkalat na mga pasyente roon at inaasiste ng mga designated nurse ng mga iyon.
“Baby, huwag kang maniwala kay Doc. Drake ha? Malala kasi ang saltik nun sa ulo.”
Nilingon siya ni Zuriel Andreau habang nakaigkas ang isang kilay. “As if I care?”
“Eh bakit mo pala ako inagaw sa kanya?”
“Inagaw?” he laughed mockingly. “Suko na talaga ako sa kaaningan mo, Yvonne.”
Nanghaba ang nguso niya. Naaasar na kasi siyang talaga. O mas tamang sabihin na napahiya siya. Masyado naman nga kasi siyang ilusyonada.
“Ano palang ginagawa natin dito?” yamot ng tanong niya saka inilibot ang paningin sa paligid.
Nang mahagip ng paningin niya ang isang puno ng acacia ay nagpatiuna siyang lumapit roon upang maupo sa may lilim. Nakakapagod namang makipagbatuhan ng salita kay Zuriel Andreau ng nakatayo. Mas maigi na yung nakaupo siya para kung sakaling manlambot ang mga tuhod niya sa kakatitig sa gwapong mukha nito ay hindi nito basta-basta mapapansin.
“I want to talk to you.”
“About what?”
“About…” saglit itong tumahimik na tila nag-iisip. “My dad.” Lumapit si Zuriel Andreau sa kanya at naupo na rin.
“And what is it?” salubong ang kilay na tanong niya. Hindi ba’t kung gusto man nitong makipag-usap ng patungkol sa kondisyon ng ama nito ay dapat lang na sa doctor noon ito makipag-usap?
Nang hindi kaagad tumugon si Zuriel Andreau ay napilitan siyang lingunin ito. Mabilis itong nagbawi ng tingin ngunit hinding-hindi siya maaaring magkamali sa natunghayan niya. Huling-huli niyang nakatitig ito sa kanya. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataong tuksuhin ito. Iyon kasi ang kauna-unahang pagkakataon na tinitigan siya nito ng husto.
“Bakit ganyan ka makatingin? Nagagandahan ka sa akin, ano?”
“Oo.”
Her eyes open wide. It’s a first again. At hindi na naman siya makapaniwala. “Totoo? Eeehhh!” Tili niya.
Ano kayang nakain nito at nagbago ito ng pakikitungo sa kanya? Baka naman may masamang ispiritu na bumaba sa tuktok nito. Ah hindi. Malamang na sumuko na ito at gusto na ring sakyan ang panglalanding ginagawa niya rito.
“Tumahimik ka nga!” angil ni Zuriel Andreau sa kanya.
Napangiwi si Chantal. Nagkamali yata siya ng akala. Balik na naman kasi ito sa pagsusungit sa kanya.
“Baka isipin ng mga nasa paligid, hina-harass kita.” Dagdag pa ng binata.
Nginisihan naman niya ito. “Pwede mo rin yung gawin saken. Hindi ako papalag. Promise!”
“Huwag ka nang umasa. And anyway, binabawi ko na din ang sinabi ko. Hindi na ako nagagandahan sayo.”
Sumimangot siya.
“Ayan! Maganda ka na ulit.” Nang-aasar na sabi nito.
“Sinasabi mo bang maganda lang ako kapag nakasimangot? Sige, sisimangot nalang ako palagi.” Isinambakol niya ang mukha at pinapanghaba pa ang nguso. Tumawa naman ng malakas si Zuriel Andreau.
“Mas maganda ka kapag nagtataray kesa kapag hantarang ipinagsisigawan sa buong mental ang pagkagusto mo sa akin.”
“So, inshort, ayaw mo sa akin kasi maingay ako.”
“Ayaw ko kapag maingay ka.” He corrected. “And, about my dad—”
“He’s recovering well. Alam kong alam mo na iyan dahil regular ka namang dumadalaw sa daddy mo. Worth it ang ibinayad niyo sa amin sa loob ng dalawang taon. At ang ibabayad niyo pa. Teka. Mamaya na natin siya pag-usapan. Gusto kong pag-usapan ang tungkol sa sarili ko.” Putol niya sa pagbabagong-paksa ni Zuriel Andreau. “Alam mo kasi, alam ko namang gusto mo din—
“Ssshhh! Ang ingay mo na naman!” saway nitong isinangga sa labi niya ang hintuturo nito. Kinagat nga niya iyon.
“Ouch!” angal nitong mabilis na binawi ang daliri.
“Ayan ang napapala ng mga pumipigil sa pagsasalita ko.” Lumabi pa siya sa binata.
“May sa labrador ka ba?”
“Wala akong lahing ganon. Chiwawa ako. Cute daw kasi.” Pang-aasar pa niya.
“Tsss.” Tinapunan siya nito ng masamang tingin. Kapag ganoon na ang nangyayari, ibigsabihin ay sumusuko na ito sa pakikipagtalo sa kanya. Palagi naman silang ganoon. Kahit kailan ay hindi ito nanalo sa pakikipagbatuhan ng salita sa kanya.
“Alam ko naman ang gusto mo. You want me to shower you praises, right?”
“Well, likewise.” She smiled sweetly unto him.
“Masama ka palang purihin, umaabuso ka masyado.”
“Bakit ba kasi ang sungit mo sa akin samantalang ang bait-bait mo sa ibang babae?” sa puntong iyon ay totoo na ang mga lumalabas sa bibig niya, maging ang naghihinampong tono niya.
“Kasi normal sila, ikaw hindi.”
“Ganon?”
Ngiti ang isinagot ni Zuriel Andreau. Tumaas ang gilid ng isang labi niya. Naging tabingi tuloy ang pagngiti niya.
“Thank you for the wonderful answer.” Sarkastikong saad ni Chantal saka inirapan ito. “Ano na nga yung itatanong mo tungkol sa daddy mo? Dalian mo. Nagugutom na ako, baka ikaw ang lamunin ko kapag hindi na ako nakatiis ng gutom ko.”
Zuriel Andreau sighed. Ang buong akala niya ay magsisimula na itong magtanong pero nagulat siya ng maramdamang tumayo ang binata.
“Let’s go.”
Nangunot ang noo ni Chantal.
“Saan?”
“Sa pinakamalapit na restaurant dito.”
“Bakit?”
Ito naman ang nangunot ang noo. “Magla-lunch. Sabi mo kasi nagugutom ka na.”
“Sabi mo may itatanong ka tungkol kay Daddy?”
“Daddy?”
“I mean, your dad. Daddy din kasi ang tawag ko sa kanya.”
“Bakit?” Nag-isang linya na ang mga kilay ni Zuriel Andreau at nagtatakang binalingan siya.
“Wala lang, practice lang. Just in case sagutin mo na ang pagsinta ko sayo, ang iyo ay magiging akin at ang akin ay magiging iyo rin. Kasama na ang mga parents natin, di ba?”
Saglit na natigilan ito. Pagkuway bumuntong-hininga. Sa tuwing magkakaharap sila nito, parating hindi mabilang na mga buntong-hininga ang pinapakawalan ni Zuriel Andreau. Paanong hindi? Wala na kasi siyang ginawa kundi dagdagan ang bilang ng mga puting buhok nito dahil sa kunsumisyon sa pakikipag-usap sa kanya. Ganon pa man, nagpapasalamat siya na pinagtyatyagaan pa din siyang kausapin ng binata.
“I don’t know how to handle you, Yvonne. Baka kung gumaling man si Daddy, ako naman ang pumalit sa kanya dito sa mental.” Narinig niyang sumusukong saad ng binata.
“Edi mas mabuti. Mas madalas na tayong magkikita. Twenty-four hours a day, seven days a week. Hindi na kasi ako uuwi sa bahay. Dito na ako titira, kasama mo.”
“Arrrggh!”
Naisabunot nito ang isang kamay sa sariling buhok habang ang isa naman ay itinatampal sa sariling noo. Dobleng pagkayamot na ang ibigsabihin ng kilos nitong iyon.
“Tulong!!! Nagwawala ang bagong pasyente!” sigaw niya. Mabilis na naitakip ni Zuriel Andreau ang isang kamay nito sa bibig niya upang patigilin siya.
“Stop that, Yvonne. Kelan ka ba titino?” Nayayamot na namang saway nito sa kanya. Pinakawalan nito ang bibig niya.
“Matino pa ako, Zuriel Andreau.”
“Really? Hindi ko ma-imagine ang mas malalang version mo. Ikaw ang dapat na nagpapa-admit dito. Mas malala ka pa sa mga pasyente rito eh.”
Ngiti lamang ang isinagot niya sa binata pagkuway tumayo na din.
“Halika na nga. Ililibre mo pa ako ng lunch kung ayaw mong ipa-admit kita dito. Ang mukhang baliw na ito ang mas paniniwalaan nila kesa mukhang normal na tulad mo. Besides, alam kong maraming magdidiwang na kabaro ko kapag na-admit ka.” Pahayag niya.
Tila natakot ang loko. Nagpatiuna pa itong naglakad palayo. Naiiling na hinabol naman niya si Zuriel Andreau. Nang maabutan ay umabrisiete siya sa binata.
“Get off me, Yvonne!” angil nito sa kanya.
“Ayoko nga.”
Hindi nalang ito nagsalita. Alam nitong maski anong tutol nito ay hindi siya bibitiw. Sa mga ganoong bagay lang siya nananalo kay Zuriel Andreau. Pero ang paibigin ito ang pinakamahirap na niyang mapagtagumpayan.