HinovelDownload the book in the application

3: Blackmail

By Michael Juha

getmybox@hotmail.com

fb: Michael Juha Full

-------------------------

Kinabukasan, maaga kong inantabayanan si Roselyn sa may gate at nang papasok na ito, inabot ko na naman sa kanya ang isang sulat, “Mamayang alas singko, magkita tayo sa may green house uli. Nandoon ang mga katropa ko at dapat ay magiging mabait ka dahil kung hindi… alam mo na. At oo nga pala, na-Xerox ko na ng marami ang sikretong sulat mo sa akin. -Michael.” Kalakip sa note kong iyon ay ang limang sample na xeroxed copy ng pinakatago-tagong sulat nya na binanggit ko.

Pinagmasdan ko ang reaksyon nya pagkatapos niyang basahin iyon. kitang-kita sa mukha na mangiyak-ngiyak siya, nagdadabog at nagtatakbo palayo. Ngiting-aso naman ang iginanti ko.

Eksaktong alas 5:00 ng hapon, naroon na sa green house ang lahat ng mga ka-tropa. Hinintay naming si Roselyn kung saan ay napagkasunduan naming ipakilala ko siya bilang girlfriend ko.

Lumipas ang alas 5:10, wala pa ring Roselyn na dumating. Medyo kinabahan na ako, at unti-unti nang gumapang ang init ng ulo. “Talagang kinakalaban yata ako ng babaeng iyon ah. Kapag hindi ka sumipot, sige, makikita mo ang hinahanap mo!” ang sigaw ng utak ko.

“Nasaan na Jak Mikey iyang ipinagmamalaki mong girlfriend?” ang tanong ni Lance.

“Wait lang, nand’yan lang yan. May dinaanan lang siguro.”

Eksaktong alas 5:15, dumating din si Roselyn. Abot-tainga naman ang ngiti ko. Habang papalapit na sya sa amin, sinadya kong salubungin siya upang palihim na bigyan ng instruction at matakpan ko ang magiging reaksyon nya kung sakaling mabigla man.

“Hi Roselyn!” ang pag-greet kong nakatalikod sa tropa. Binulungan ko kaagad sya, ang mga mata ko ay may pagbabanta. “Makilaro ka lang, at sundin ang mga sasabihin ko, ok?”

Kitang-kita ko ang lalong pagsungit ng mukha nya. Hindi sya kumibo.

“Ngumiti ka! Putsa…” ang bulong ko ulet, sabay dakma sa kamay niya.

Hinaltak nya ang kamay niya. Ngunit hinigpitan ko pa ang paghawak nito. Nang makita nya ang matalas kong tingin, hinayaan na lang nya ang kamay ko. Nagholding-hands kami habang papalapit sa grupo.

“O, mga Jakos, ipakilala ko sa inyo ang girlfriend ko, si Roselyn.” ang sambit ko.

Kitang-kita ko naman ang pagkabigla ni Roselyn na agad tinakpan ng isang kamay ang bibig na tila napa-oh-my-God sa sarili.

Napansin iyon ng mga ka-tropa. “Aba… nabigla yata si Roselyn Jak Mikey. Hindi yata totoong mag-syota kayo eh!” ang sambit ni Lance.

“Oo nga!” napansin ko rin iyon” dugtong ni Jason.

“Ah, iyon ba? Oo, nabigla nga yan dahil ang usapan lang naman namin ay isikreto ang lahat. E, kayo kasi, makulit eh.” Ang pangangatwiran ko. “Di ba magsyota naman talaga tayo, sweetheart?” Lingon ko naman kay Roselyn na hindi ipinahalata sa mga barkada ang pananakot na tingin ko.

Tumango lang si Roselyn, tila shocked pa rin.

“Upo tayo” ang sabi ko kay Roselyn.

Umupo ako sa damuhan at inilatag ko ang panyo ko sa tabi upang upuan ni Roselyn. Ngunit iniusog palayo iyon ni Roselyn bago umupo roon. Umusog na lang ako palapit sa kanya, sinadyang isinandal ang katawan ko sa katawan nya sabay bulong ng palihim, “Wag kang pumalagggg, tangina!”

“Roselyn, totoo bang magsyota na kayo ni Jak Mikey?” ang tanong ni Rayjohn.

Tiningnan ko si Roselyn, palihim na dinilatan ko siya.

“A, e… oo.” ang maiksi nyang tugon.

“Kailan mo pa siya sinagot?” ang pag-follow up pa rin ni Rayjohn.

“Kaninang umaga lang.” Ang pagsingit ko upang huwag magkamaling sumagot si Roselyn. “Di ba sweetheart?” sabay yapos ko naman sa kanya.

Bahagyang napahaltak si Roselyn nang dumampi ang braso ko sa bewang nya. Ngunit hinayaan nya rin ito. “Oo nga. K-kanina ko lang sinagot iyan. Ang kulit-kuliiiitttt kasi nitong barkada nyo!” Sabay kurot sa bewang ko na kunyari ay naglalambing lang sya. Ngunit pagkalakas-lakas na kurot ang ginawa niya na pakiwari ko ay natanggal ang balat ko sa sobrang lakas.

Syempre, hindi naman ako makasigaw ng galit kaya pinilit ko na lang ang sariling ngumiti.

“Ay naglambingan na. Ang sweet naman... nakakainggit!” ang sabi ni Jason.

“Oo nga eh! Napakalambing pala nitong si Roselyn” ang sagot ko naman habang tiniis ang sakit sa pagkurot nya.

“Ganyan kasi ako kapag nanggigigil eh!” dugtong naman ni Roselyn sabay kurot uli sa bewang ko na mas malakas pa at mas matagal kesa nauna.

Hindi ko pa rin magawang kumalas o magreklamo dahil sa takot na mabuking. Kaya’t todo ngiti pa rin ako kahit halos puputok na ang ulo ko sa sakit, ang mga mata ay maluha-luha. Upang tantanan nan i Roselyn ang pagkukurot sa akin, hinawakan ko ang ulo nya, kunyari ay hinahalik-halikan ang buhok ngunit binulungan ko, “Nakadalawa ka na ha!”

Ngunit hindi pinansin ni Roselyn ang pananakot ko. Bagkus nagsalita ito. “Itong barkada ninyo talaga o… bumulong pa sa akin na gustong-gusto raw niyang lambing-lambingin ko pa sya.” sabay lingon naman sa akin at bitiw ng isang ngiting-pilit, “Kaya heto pa o…” At kinurot nya ulet ang parte ba namang nauna nya ng kinurot.

Tawanan ang mga katropa. Ako naman ay tila nakakain ng isang baldeng siling labuyo, pakiwari ko’y umuusok ang aking dalawang tainga, mga mata ay maluha-luha.

“O ano, gusto mo pa ba ng lambingan, sweetheart?” ang nang-aasar na tanong ni Roselyn.

“O-okay na ako, sweetheart, hehe. T-tama na.”

“Kung ganoon, pwede na ba akong umuwi? Ayaw mo na kasing lambingin pa kita eh.”

“Ah, wala pa iyong halik ah! Di ba usapan na upang maniwala kami, dapat ay may halikan? Di ba mga Jakos?” ang sabi ni Lance.

“Oo nga!” ang pag sang-ayon naman ng iba pang mga barkada.

Sa pagkarinig sa sinabi ni Lance, hindi ko na pinansin pa ang reaksyon ni Roselyn. Bigla kong ini-lock ang mga kamay ko sa ulo nya at idinampi ang bibig ko sa bibig nya.

Sa pagkabigla, di magkamayaw sa kanyang pagpupumiglas si Roselyn. Bigla siyang tumayo. “Ano ba, Michael! Walang ganyanan!” ang sigaw nya.

Nag-init ang tainga ko sa pagsigaw nyang iyon. Tumayo rin ako at dinuro sya. “Ano ba ang gusto mo? Di ba magkasintahan tayo? Di ba mahal mo ako? Di ba isinulat mo pa nga sa likod ng litrato ko na mahal mo ako? Gusto mo bang ipakita ko sa kanila iyon? Ha?” ang sigaw ko ring pananakot sa kanya.

“Nasaan! Nasaan ang litrato?” ang sigaw ng mga ka-tropa.

“Mga Jakos, huwag munang maingay. Amin-amin lang ito, huwag kayong makialam.” Ang pakisuyo ko sa mga barkada.

Tumahimik naman ang grupo.

Hindi na magawang magsalita pa ni Roselyn. Alam niyang nasa tuktok ako ng galit. Nakita ko na lang ang mga luhang dumaloy sa kanyang pisngi. Yumuko sya, kinapa ang panyo sa bulsa at pinahid ang mga ito.

Hindi ko lubos maintindihan ang tunay na naramdaman sa nakitang pag-iyak niya. Tila tinablan ako ng awa. Nilapitan ko sya; niyakap. “Sorry na… Pasensya ka na sa akin. Please…?”

Doon ay hinayaan niya akong yumakap sa kanya. Hindi siya tumiwalag. Pinahid ng kamay ko ang mga luhang patuloy pa rin ang pagdaloy sa pisngi nya. Hanggang sa naalimpungatan ko na lang na idinampi ko ang mga labi ko sa mga labi nya. Hinayaan na rin niyang maglapat ang aming mga labi. Mapusok at ramdam ko ang pagpaparaya nya. Hindi ko lang alam kung iyon ay dahil sa takot nya sa akin, o talagang kagustuhan nya ang pagpaparayang iyon.

Nasa ganoon kaming sitwasyon nang biglang sumigaw ang mga ka-tropa. “Bravo! Bravo!”

Biglang kumalas ni Roselyn.

“Ngayon, naniniwala na talaga kaming magsyota kayo Jak Mikey! Panalo ka na sa pustahan!” ang dugtong ni Jason.

Sa pagkarinig sa sinabing iyon ni Jason, tila biglang nanumbalik ang tamang katinuan ni Roselyn. Agad syang tumalikod at nagtatakbong lumabas sa green house, umiiyak.

Nilingon ko si Jason. “Ba’t mo naman sinabi iyon, ‘tol? Syempre masasaktan iyon! Iisipin noon na pinagpupustahan lang natin sya, ano ka ba? Bad trip ka! Gamitin mo naman iyang utak mo!” ang paninisi ko kay Jason sabay talikod at habol kay Roselyn. “Roselyn, hintay!” ang sigaw ko.

Ngunit patuloy pa rin ang pagtakbo nya. Hindi rin ako huminto hanggang sa maabutan ko sya. Hinawakan ko sya sa kanyang balikat. Huminto kami, habol-habol ang paghinga.

“Pasensya na Roselyn… sorry.”

“Sorry? Ganoon lang iyon? Kung ano-anung kababuyan ang pinapagawa mo sa akin? Ganyan ba ang pagtingin mo sa akin? Isang bagay na pwedeng pagpustahan? Hindi! Hindi kita mapapatawad! Hindiiiii” at tuluyan na syang humagulgol at tumakbong palayo.

Hindi ko na rin sya hinabol pa. “Kung ayaw mo, ‘di huwag!” ang sigaw ng isip ko.

Bumalik ako sa tropa. Sinisi ko si Jason. “Ikaw kasi tol… Bad trip ka ah!”

“Sorry Jak Mikey. Sobrang excited kasi ako sa pagkakita sa inyong naghalikan eh! Kinikilig nga kami eh! Di ba mga ‘tol?” ang sagot niyang lumingon pa sa mga barkada.

“Oo nga Jak Mikey! Ang tindi mo!”

“Matindi nga... Sinira niyo naman ang diskarte ko!”

“Sorry talaga Jak Mikey…” ang sambit uli ni Jason.

“Ano pa ba ang magagawa ko? Sirang-sira na ang lahat.” ang sagot ko na lang.

“Di bale Jak Mikey. Panalo ka pa rin naman dahil napatunayan mong magsyota talaga kayo ni Roselyn eh.”

“Oo… isang araw na syota.” ang sagot ko.

“Paano iyan?” ang tanong ni Lance.

“Hayaan mo sya. Di ko naman mahal ang babaeng iyon. Niligawan ko lang dahil sa pustahan natin.” ang pagmamayabang ko pa.

Iyon ang simula ng lalong pagtindi ng cold war namin ni Roselyn. Mas lalo pa siyang umiiwas sa akin. Kapag nakikita niya ako halimbawa sa library, hindi na tutuloy sa pagreresearch iyan, o kaya’y hihintayin muna niya na makaalis ako atsaka pa papasok. Basta, gagawin niya ang lahat makaiwas lang sa akin. At dahil sa inasal nya, nawala na rin sa akin ang intensyong manghingi pa ng tawad.

Download stories to your phone and read it anytime.
Download Free