HinovelDownload the book in the application

PROLOGUE

BUMABA ng kama si Haji para kumuha ng tubig na maiinom sa kusina. Bigla siyang nakaramdam ng pagkauhaw sa kalagitnaan ng gabi. Sandali niyang binalingan ang tulog na tulog na girlfriend niyang si Selena. Napakaganda nito maski sa pagtulog. Napangiti na lang siya at banayad na hinaplos ang makinis na pisngi nito saka tuluyang lumabas ng silid.

Umuwi silang dalawa sa probinsya ng mga Dela Cerna para personal na ipamigay ang imbitasyon ng kanilang kasal sa mga kamag-anak ni Selena. Gusto rin nitong ipakilala siya sa mga iyon bago ang kasal. Siguro mga dalawa o tatlong araw sila roon dahil malawak-lawak rin ang angkan ng mga Dela Cerna. Unang gabi nila ngayon roon at ang dating silid ng fiancée ang ipinagamit sa kanila ng mga magulang ni Selena.

Bahagya niyang ipinagtaka na pumayag ang mga magulang nito na magsama sila sa iisang silid samantalang ultra conservative ang angkan ni Selena. Gusto pa nga niyang matawa na kulang ay ipagtulakan sila ng ina ni Selena na umalis kaninang kararating lang nila.

“Kami na ang mamimigay ng invitations, anak. Bumalik na kayo sa Maynila, Selena. Sige na. Para sa inyo rin iyan,” giit pa ng ina ng dalaga.

“Mommy, kararating lang namin. Tsaka gusto kong makilala na ng mga kamag-anak natin si Haji.” Pagpipilit naman ni Selena.

“Anak, makikilala rin nila ang mapapangasawa mo sa araw ng kasal.”

“Paano `yong mga hindi makakapunta?” katwiran ng dalaga.

Malayo rin naman nga ang Isabella. Malamang na marami ang hindi makaluwas sa Maynila para sa kasal nila.

“Basta! Basta umalis na kayo.” Muling pagtataboy ng ginang na ipinagtataka ni Haji. Para kasing aburido ito. May iniiwasan o may kinatatakutan?

“Two or three days lang kami rito tapos uuwi na kami.”

Walang nagawa ang ina ni Selena sa pagpipilit ng dalaga kundi ang pumayag. Tutal ay maggagabi na rin naman nang makarating sila roon.

Pagkababa ni Haji sa kusina ay agad na kumuha ng malamig na tubig sa fridge at nagsalin sa baso. Sandali siyang napabaling sa kanyang likuran nang maramdaman parang may nakatingin sa kanya. Pero sa pagbaling niya ay wala siyang ibang nakita kundi kadiliman. Ibinalik niya ang paningin sa baso at pitsel pero sa kanyang peripheral vision ay parang may nahagip siyang laylayan ng bestida. Dinig din niya ang kakaibang kaluskos at hindi niya iyon magawang balewalain kaya muli siyang napabaling. Pero kadiliman at katahimikan lang ng gabi ang nakikita at naririnig ni Haji.

Sandali pa at sa bubungan naman may kumalampag. Medyo luma na ang malaking bahay nina Selena pero halata namang matibay. Siguro ay inaatake lang siya ng imahinasyon dahil sa hilig niya sa mga horror movies. Ang lumang bahay pa namang iyon ay walang pinagkaiba sa mga napapanood niya.

Nasa aktong iinumin ni Haji ang tubig nang mabitiwan niya ang baso. Nagkulay-dugo kasi ang tubig sa pagkagulantang niya at para bang may mga matang nakatitig sa kanya mula sa baso. Pero hindi naman dugo ang kumalat sa sahig nang mabasag ang baso at tumapon ang laman noon. Malinis na tubig pa rin iyon sa pagtataka niya.

Kinakabahan man pero pinilit niyang isaisip na baka namamalikmata lang siya. Lilinisin na lang ni Haji ang nabasag na baso nang marinig niya ang malakas na pagpalahaw ni Selena mula sa silid na tinutulugan nila. Halos liparin ni Haji ang pag-akyat sa hagdan papunta sa silid nila. Pero ipinagtataka niyang naka-lock iyon. Bakit naka-lock samantalang natatandaan niyang bahagyang may siwang ang pinto nang bumaba siya ng silid?

“Selena! Buksan mo ito! Anong nangyayari diyan?” tawag niya sa fiancée na panay pa rin ang pagpalahaw.

“Huwag! Huwaaaag! Maawa ka sa akin! Huwagggg!”

Siyang paglapit ng mga magulang ni Selena. Nagtataka kung bakit kinakalampag niya ang pinto ng silid.

“Sino ang sumisigaw? Nasaan si Selena?” Natatarantang tanong ng ina ng dalaga.

“Nasa loob po. Bumaba lang ako sandali para uminom ng tubig—”

“Iniwan mo siya? Bakit mo siya inawan?!” Gimbal na sambit ng ginang na ipinagtaka ni Haji.

Nagsimula na ring kalampagin ng ama ni Selena ang pinto. Tumakbo ang ginang sa silid ng mga ito para kunin ang master key. Pero sa pagtataka ng mga ito ay hindi mabuksan ang pinto. Hindi lumusot ang susi sa keyhole. Patuloy naman sa pagsigaw si Selena sa loob. Humihingi ng tulong. Nagmamakaawa sa kung sinong kasama nito sa loob. Binabagyo na ng pag-aalala si Haji sa kung anong nangyayari sa loob. Gusto niyang sisihin ang sarili. Sana ay hindi niya iniwan ang fiancée ng mag-isa roon. Hindi sana ito napasok ng kung sino. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyari ritong masama.

Sabay na binalya ni Haji at ng ama ni Selena ang dahon ng pinto ng silid at nang tuluyan na iyong mabuksan ay ganoon na lang ang pagkagulantang ng binata.

Walang saplot si Selena na nakayupyop sa ibabaw ng kama. Nakasiksik sa headboard, nanginginig sa takot at umiiyak. Mabilis na dinaluhong niya ito. Walang ibang tao sa silid. Maliliit ang siwang ng mga bakal sa steel window. Saan dumaan ang kung sinong gumawa ng kahayupan sa kanyang girlfriend?

“Anong nangyari, mahal ko?” puno ng pag-aalalang niyakap niya ang dalaga na nanginginig pa rin sa takot.

Mahigpit ang kapit nito sa kumot na itinakip sa katawan.

“Dumating ba siya, anak? Anong ginawa niya sa `yo?” Umiiyak na rin ang Mommy ni Selena. Hindi niya maintindihan ang itinatanong ng ginang.

“Sino po? Sinong dumating?” Takang-tanong niya.

“Ang kampon ng demonyong iyon! Akala ko ay wala na siya. Matagal na siyang hindi nanggugulo rito.” Galit na singasing naman ng ginoo na naghalughog sa buong silid ng anak.

“Sabihin mo sa akin, Selena. Anong ginawa niya sa `yo, anak?”

Humihikbing yumakap si Selena sa ina nito. “Ni-rape niya ako, Mommy.”

Halos manlaki ang ulo ni Haji sa narinig. Base sa hitsura ng dalaga ng mapasukan nila, hindi na nga mahirap na isipin iyon. Pero parang ayaw pa rin niyang tanggapin. Matagal na iningatan niya si Selena. At ganoon din ang dalaga sa sarili. Gusto nitong malinis ito kapag iniharap niya sa altar. Pero mahalaga pa ba ang bagay na iyon ngayon?

Sa nakikita niyang panginginig ni Selena, alam ni Haji na mas na kailangan ng dalaga ang pang-unawa at pagdamay niya.

Inabot niya ang humahagulhol na dalaga saka niyakap nang mahigpit.

“Pagbabayaran niya ang ginawa niya sa `yo, mahal ko. Isinusumpa kong mabubulok siya sa kulungan.” Mabagsik na sambit ni Haji habang puno ng pagsuyo na hinahaplos ang buhok ni Selena.

Sunod-sunod naman ang pag-iling ni Selena. “Imposible iyon, Haji.” Hikbi nito.

Nagtaka siya sa sinabi nito. Ang ina nito ang nagpaliwanag.

“Hindi ordinaryong nilalang ang gumawa nito sa anak ko, Haji. Isa siyang demonyo! Kampon siya ni Satanas at si Selena lang ang nakakakita sa kanya.”

“A-Ano po?” Lalong nalito si Haji sa narinig.

At ipinanlaki ng ulo niya ang iba pa, nang magsimulang magkuwento ang ginang.

“Bata palang si Selena, may nakakausap na siyang hindi ordinaryong nilalang. Akala namin normal lang iyon dahil sabi ng psychologist niya, ganoon talaga ang mga only child na halos walang nakakausap sa bahay. Nagkakaroon ng imaginary friend. Pero habang tumatagal, habang lumalaki siya, may nakikita kaming iba-ibang marka sa braso at hita niya. Mga pasa na marka ng mga daliri o kamay na madiing humawak sa kanya. May pagkakataon pa na may kiss bites. Nag-alala na kami ng Daddy niya kaya ipina-check sa Gynecologist. Hindi naman siya nagalaw or anything pero ibig sabihin pa rin ay may nakakasama nga siyang hindi namin nakikita. So, we decided na sa Maynila na siya itira. Minsan-minsan na lang kami umuwi rito at hindi isinasama si Selena para maiiwas sa kakaibang nilalang na para bang na-o-obssess sa kanya. Madalas na manggulo siya dito sa bahay noong bago palang naming inilayo si Selena. Nagpaparamdam siya. May kumakalampag na lang sa bubong. Namamatay ang mga ilaw. Bumabagsak na lang bigla ang ibang gamit sa bahay kahit walang gumagalaw. Ipinaparamdam niya na nagagalit siya sa amin pero nang hindi naman namin pinapansin, nawala na rin siya.

Pero kahit ganoon hindi namin pinauwi si Selena dito dahil baka bumalik siya. Hindi naman namin maipagbili ang villa dahil entailed ito galing pa sa angkan ng Daddy niya. Hinayaan na lang namin si Selena sa Maynila na mag-asikaso ng business namin. And the rest are history. Kaya nga ganoon na lang ang takot ko nang umuwi kayo rito. At ito na nga ang kinatatakutan ko. Nagawa na niya ang matagal na niyang masamang tangka sa anak ko.”

Nagtagis ang mga bagang ni Haji sa matinding galit. Hindi siya naniniwala sa mga elemental na nilalang pero dahil sa nakita niya ngayon…

“Demonyo ka! Kung sino ka man! Magpakita ka sa akin! Hindi ako natatakot sa `yong, hayop ka!” Galit na galit na sigaw ni Haji sa kawalan.

Akmang bababa sa kama ang binata nang yakapin ni Selena ang isa niyang braso at pigilan siya.

“Tama na, mahal ko! Wala na tayong magagawa. Nangyari na!”

“Hayop ka! Magpakita ka sa akin!”

Itinakip ni Selena ang isang kamay nito sa bibig niya saka tahimik na humikbi habang itinutuon ang noo sa kanyang balikat.

“Tama na! Baka ikaw naman ang balingan niya. Nandito lang siya sa paligid.”

Marahang hinila ni Haji ang kamay ng kasintahan at inalis mula sa bibig niya. “Hindi ako natatakot sa kanya, Selena—”

May dumambang malaki at itim na pusa mula sa itaas ng malaking aparador pababa sa sahig. Nanlilisik at kumikislap sa tama ng liwanag ng buwan mula sa bintana ang mga mata nito. Derektang nakatitig sa kanya na para bang may sariling isip, nagagalit at nagbabanta ang mapupulang mga mata.

“Ikaw! Demonyo ka! Papatayin kita!”

Naghagilap ng pwedeng maibato si Haji sa malaking itim na pusa. Pero bago pa siya makakakilos ay pinigilan na siya ng mga magulang ni Selena. Yakap yakap naman siya nang mahigpit ng dalaga habang umiiyak ito sa kanyang balikat.

“Hindi mo siya kaya, Haji. Wala kang magagawa! Tama na, please. Ayokong mapahamak ka din.” Dahil sa tila nagmamakaawang boses ni Selena ay pinilit ni Haji na pakalmahin ang sarili.

Sa paningin niya, parang nakakaloko pa ang tingin ng itim na pusa sa kanya. Mayamaya ay tumalon ito palabas ng steel window. Ganoon na lang ang pagkagulantang nila dahil tumagos ang pusa sa nakasaradong bintana.

Hindi alam ni Haji kung ano ang iisipin. Nasa isang bangungot ba siya? Posible ba talaga ang lahat ng nakita niya?

KINABUKASAN, dapat ay babalik na sa Maynila sina Selena at Haji. Pero masama ang pakiramdam ng dalaga na halos hindi ito makabangon sa pagkakahiga. Inabot na rin ito ng pagsusuka sa mismong higaan. Hindi din niya maintindihan kung bakit biglang-bigla ang pag-luwak ng mga mata ni Selena na parang isang linggong hindi natulog sa lalim ng mga mata at nangingitim na mga eyebags. Namayat itong bigla at sa ikatlong araw ay dinaig pa nito ang ibinilad sa araw sa pagkatuyot ng balat. Halos wala rin itong boses at masakit ang lalamunan na hindi makapagsalita nang maayos. Awang-awa si Haji sa fiancèe na hindi na siya nakatiis.

“Tito, Tita, dalhin na natin siya sa ospital…” pagmamakaawa niya sa mga magulang ni Selena.

Bahagyang lumaki rin ang tiyan nito sa ikalimang araw at hindi na niya kinakaya ang mga nakikitang nagyayari kay Selena.

Hindi na rin alam ng mga magulang nito ang gagawin kaya nagpatawag ng doktor. Pero walang makitang sakit ang doctor sa dalaga na ipinagtaka nilang lahat. Kinuhanan ito ng dugo para itest, na ipinagtataka nilang kulay mangitim-ngitim at halos walang dumaloy sa mga ugat ni Selena. Namumutla na ito at alam ni Haji na hindi na maganda ang lagay ng dalaga. Nagpilit siyang dalhin ito sa ospital sa sentro pero hindi pa sila nakakarating sa emergency room ay bumitiw na si Selena.

“H-Hindi k-ko na k-kaya…”

“No! Don’t lose it, love. Stay still. I love you damn much! Huwag mo akong iiwan!” Halos isigaw niya iyon sa yakap-yakap na si Selena.

Kung pwede lang niyang sabihan ang ama nito na mas bilisan pa ang pagpapatakbo sa kotse. Natatakot siya nang sobra. Kahit yakap niya nang mahigpit ang dalaga, pakiramdam niya ay unti-unti itong inaagaw mula sa kanya ng kung sino.

“Ma…hal na… mahal… kita, Haji. I-Ikaw lang. Hang…gang sa huling h-hininga k-ko, ikaw l-lang, mahal ko.”

Nang tuluyang bumitiw ang lakas ni Selena at lumungayngay ang ulo nito ay napahagulhol siya ng malakas. Nakarating at nakarating sila sa ospital na hindi pa rin niya bitiwan si Selena. Gusto pa niyang ipa-check sa doctor ang vitals nito kahit sinasabi ng anyo ng dalaga na wala na ito, iniwan na siya nito.

Nang kukunin na sa morgue ng mga embalsamador ang katawan ni Selena ay ganoon na lang ang gulantang nila sa narinig.

“Bakit ngayon n’yo lang ito ipapaembalsamo? Matagal na ito ah?” sabi ng isa na nilabas sila mula sa morgue ng ospital.

“Ano po? Kakamatay lang niya kanina.” Nagtatakang sambit ni Haji na hindi nakatiis.

“Hindi ganoon ang hitsura ng kamamatay lang. Ilang araw nang patay ang bangkay na iyon.”

Parang sasabog ang utak ni Haji dahil hindi niya maintindihan ang nangyayari. Sa lamay ay nagpatawag ng albularyo ang mga magulang ni Selena para ikonsulta ang mga kalituhan nila.

“Mag-iisang linggo na ngang patay si Selena. Kinuha na siya ng elemento—ang kampon ng demonyo, kasama ng anak ng elemento.” Nanlalaki ang mga mata ng albularyo.

“Anong ibig n’yong sabihin, Mang Pedring?” Takang tanong ng ama ni Selena.

“Nagpunla ang demonyo sa sinapupunan ng iyong anak, Gener. At kinuha niya ito kasama na si Selena. Nawawala ang matres ni Selena. Kinumpirma iyon ng embalsamador na kasama ng mga nag-ayos ng burol.”

Halos manlaki ang ulo ni Haji na napaupo na lang sa isang tabi. Gimbal na gimbal siya sa narinig. Hindi niya mapaniwalaan ang lahat ng iyon.

“May sariling mundo ang mga elemento. Doon siya dinala ng demonyong humaling na humaling kay Selena. Doon niya bubuuin ang pamilya niya. Sa kabilang dimensyon ng daigdig.” Patuloy pa ni Mang Pedring.

“May… may paraan po ba para marating iyon ng ordinaryong tao?” halos wala sa sariling tanong ni Haji.

Bumaling sa kanya ang albularyo. “Meron.” Seryosong sabi nito. “Ang kaluluwa mo ang tatawid. Pero kailangan mong panatilihing ligtas at malakas ang kaluluwa mo hanggang sa pagbabalik mo sa realidad.”

Download stories to your phone and read it anytime.
Download Free