HinovelDownload the book in the application

CHAPTER 1

HUMIHINGAL na bumalikwas si Theron. Habol niya ang hininga at basang-basa siya ng pawis. Nananaginip lang pala siya.

Hindi. Isa `yong bangungot.

Matagal na niyang hindi napapanaginipan ang eksenang iyon na ikinuwento ng kanyang Lolo Haji, ang kapatid ng kanyang lolo sa side ng kanyang ina. Tumandang binata ang kanyang Lolo Haji at sa kanila tumira nang mahabang panahon dahil mga nagsipag-migrate na ang mga kapatid nito at ayaw namang sumama sa mga kapatid at iba pang kamag-anak. Parati nitong gustong pumunta sa probinsya kung saan namatay ang dating fiancée. Kung anu-ano rin ang kinukuwento nito sa kanya noong kabataan niya at minsan ay gusto niyang mangilabot. Pero iniisip na lang niyang baka dala lang ng pagiging ulyanin kaya kung anu-ano ang kinukuwento ng matanda.

Akala rin ni Theron, dala lang ng lungkot at brokenhearted si Lolo Haji kaya kung anu-anong natahi nitong kuwento.

Kaya lang, nang mamatay ang matanda, nasa unang taon palang siya sa kolehiyo, doon nagsimula ang kanyang mga panaginip patungkol sa mga kakaibang eksena na si Lolo Haji ang bida. Kung minsan, pakiramdam pa niya, siya si Lolo Haji at kanya ang panaginip.

Nagsimula ang kalituhan niya na naisip na niyang kumonsulta sa Psychologist. Pero sinabi lang n’yon sa kanya na masyado siyang engrossed sa kuwento ng matanda kaya pati sa panaginip ay nakikita niya ang mga eksenang iyon. Masyado lang daw natanim sa isip niya ang mga kuwento.

Pinilit balewalain ni Theron ang lahat pero ginagabi-gabi siya ng mga nakakagimbal na panaginip. Hanggang may nakilala siyang weird na nilalang tru social media. Sa isang site na may kinalaman sa out of this world activity, nakilala niya si Nero. Isang astral traveller na may alam patungkol sa spells and rituals laban sa mga elemento. Ang nakakagulat pa, kapareho iyon ng mga napapanaginipan niya. Mga rituals at spells na pinag-aralan ng kanyang Lolo Haji pero hindi naging matagumpay sa ginagawa. Kasama iyon sa mga napapanaginipan niya. Dahil doon, lalo siyang naging interesado sa mga inioopen at itinuro sa kanya ni Nero. Nakipagkita siya rito para humingi ng opinion patungkol sa mga nararanasan niya.

“Gusto ng Lolo Haji mo na ituloy mo ang hindi niya natapos.”

Iyon ang opinyon ni Nero.

Ayaw ni Theron na maapektuhan ang sarili niyang buhay sa unfinished business ng kanyang Lolo Haji, pero...

“Naririto pa rin ang kaluluwa ni Lolo Haji, nasa kabilang dimensyon. Hindi siya makatawid dahil may unfinished business pa siya. Kung hindi mo pagbibigyan ang gusto niya, hindi rin siya matatahimik.”

Kinilabutan si Theron sa isiping iyon. Wala siyang choice. Kesa naman sa lagi siyang gambalain ng kanyang Lolo. Nasa huling taon siya nang kursong Commerce nang magawa niya ang successful OBE or Out of the Body Experience, sa tulong ni Nero. Ang OBE ay ang pag-labas ng kaluluwa sa katawan ng tao at pagliliwaliw sa kabilang dimensyon ng mundo. Kay Nero niya nakuha ang iba’t ibang uri ng protection spells laban sa mga masasamang elemento. At milyon ang bilang ng mga iyon sa kabilang dimensyon ng daigdig. Narating rin niya ang iba’t ibang uri ng astral plane kung saan protektado sila mula sa masasamang elemento. Ang mga astral plane naman ay imaginative world. Pakiramdam mo ay nasa isang lugar ka na bahagi ng realidad pero hindi naman totoo. Katulad halimbawa ng tabing-dagat. Marami ding astral travellers doon na nagliliwaliw at nakikipagkaibigan sa mga kapwa astral travellers. Sa madaling salita, ang astral plane ang mga lugar na nasa loob ng iyong panaginip.

Pero kahit sa astral plane ay hindi siya safe. Dahil maski roon, may mga parasites na gumagala at nanggugulo. Katulad na lang ng mga dreamscape or astral vampires. Napakaraming beses na siyang naka-encounter ng mga kaguluhang gawa ng mga astral vampires. Isang beses siyang nabiktima ng mga parasites na iyon at mabilis na nagbalik ang kanyang astral body sa kanyang katawan.

Pagkagising ay pagod na pagod at hinang-hina si Theron. Ipinaliwanag ni Nero na ang nambiktima sa kanya sa astral plane ay mga astral vampires. Ang mga iyon ang kaisa-isang uri ng dark element na nakakasampa sa safe place ng mga astral travellers. Though hindi pumapatay ang mga astral vampires, nang-aagaw naman ang mga ito ng energy… blood energy.

Kaya agad na itinuro sa kanya ni Nero ang napakaraming uri ng proteksyon para sa muling pag-o-OBE niya.

Minsan ay may muling nagtangka sa kanyang mambiktima. Pero dahil naituro at naisalin sa kanya ni Nero ang napakarami nitong alam patungkol sa protection spells and rituals, hindi na siya ulit nagawang pakialaman ng mga astral vampires. Takot pa nga ang mga iyon sa kanya na kusang lumalayo kapag nakikita siya.

Nagpatuloy siya sa pagliliwaliw sa kabilang daigdig para hanapin ang kaluluwa ni Selena—ang long lost love ni Lolo Haji. Alam naman niyang iyon ang gusto ng matanda.

At isinumpa sa sariling kapag nakaharap ang kung sinumang demonyo na sumira sa buhay nito at ng kanyang abwelo ay dudurugin niya ng kanyang spells at chants. Sa lakas ng kapangyarihan ng mga rituals na alam niya, hindi malabong mapatay niya ang entity na kumuha kay Selena.

Pero ilang taon na ba siyang naghahanap sa kabilang dimensyon? Nakatapos na siya at lahat sa kolehiyo. Nakapagpalago na siya ng negosyo, ang De Juego Steel na pamana pa rin ng kanyang Lolo Haji sa kanya. Na una nitong ipina-manage at iniwan sa ama ni Theron saka isinalin nang nasa tamang edad na siya, pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya nahahanap si Selena.

O baka naman tumanda na si Selena kaya hindi na niya ito mamukhaan? Nagbabase lang naman siya sa bata at magandang picture na ipinakita sa kanya ni Lolo Haji noon.

Nah! Hindi tumatanda ang kaluluwa lalo at nasa elemental world.

Akala ni Theron, nilubayan na siya ni Lolo Haji dahil matagal nang hindi nagpapakita sa kanyang panaginip ang mga eksenang ikinukuwento nito sa kanya. Pero ngayon ay nanggugulo na naman.

Malakas na napabuntong-hininga si Theron. Bumangon siya at bumaba para kumuha ng maiinom. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang kinabahan. May pakiramdam siya na may nakatingin sa kanya. Alam niyang may kasama siya roon sa kanyang bahay.

Naging parte na ng kanyang daily living ang pagkakaroon ng matalas na pakiramdam. Nararamdaman ni Theron ang mga nilalang na hindi nararamdaman ng mga ordinaryong tao. Paanong hindi? Sa tinagal-tagal ng pamamasyal niya sa kabilang daigdig, paano pa niyang makakalimutan ang pakiramdam na may elemento sa paligid niya?

“Scylla? Are you here?”

Si Scylla ay pasyente ng isang psychologist na kaibigan niya. Tiniyak ni Theron na hindi siya nababaliw kaya parati siyang kumukonsulta sa psychologist. At ipinakilala nga sa kanya ni Doc Grant si Scylla. Galing ito sa pagka-comatose at nakakaranas ng mga kakaibang bagay mula ng magising. Ginabayan niya ang dalaga para marating ang mundong narating na nito noong comatose pa. At gusto niyang pagsisihan ang bagay na iyon.

Because now, she was dating a vampire. An astral vampire. Hindi lang iyon, sobrang in love ito sa Lathan na iyon na minsan nitong tinangkang magpakamatay para sa bampira ng kaluluwa.

That’s bullshit! Hindi magkauri ang mga ito. Gusto niya si Scylla kaya nang makiusap ang kapatid nitong ilayo niya ang dalaga sa bampira ay ginawa niya ang lahat. Binigyan niya ng malakas na uri ng spell si Scylla para hindi ito malapitan ni Lathan. At tuluyang mapuputol ang koneksyon ng dalawa kung gagawin ni Scylla ang ritwal. Which, he doubts. Dahil magpahanggang ngayon, alam niyang nagsasagawa pa rin ng OBE si Scylla, bagay na ipinagbawal na ng kapatid nito.

“Scylla? Come close to me if it was really you,” bulong niya sa kawalan.

Lately ay nakakaramdam siya na para bang parati siyang may kasama. Kung minsan pa nga ay nananaginip siya na kilala niya ang kasama at hinahalikan iyon pero sa paggising ay di naman niya maalala kung sino ba ito.

Sometimes, he felt the feeling was real. Tipong alam niya ang nagaganap sa buong paligid. Pero alam din niyang tulog siya. Alam niyang may umuupo sa gilid ng kanyang kama at hahaplusin ang pisngi niya saka siya hahalikan sa mga labi. Pero alam niyang tulog siya. At sa paggising ay para bang ninakawan ng enerhiya si Theron. Pero hindi niya pinapansin ang mga bagay na iyon. Alam ni Theron na state of lucid dreaming ang mga ganoong panaginip. He can control it, yet, hindi niya ginagawa. Pinababayaan lang niya ang kung sino na kontrolin ang panaginip niya.

Walang maramdaman si Theron na lumalapit sa kanya. Pero nararamdaman niya ang presensiya ng kasama. Matapos uminom ng tubig ay nagmamadaling bumalik si Theron sa kama para magsagawa ng OBE. Gusto niyang makita kung sino ang kasama niya ngayon. Gusto rin niyang bisitahin si Scylla at alamin kung naisagawa na ba nito ang ritual.

UMANGAT ang astral body ni Theron palayo, palabas sa silid ni Scylla. Gabi-gabi, mula nang ibigay niya kay Scylla ang notepad ay parati niya itong dinadalaw sa silid nito sa astral form. Umaasa siya na isang gabi ay makikita niyang isinasagawa nito ang ritwal.

Pero ang gabing iyon ang tuluyang nagpalusaw sa kanyang pagpupursigeng mapaibig si Scylla. Ang kaalamang sinunog nito ang notepad ay isa nang matibay na ebidensiya na buong-buo na ang desisyon ng dalaga. Na kahit ano ang mangyari, kahit sino pa ang tumutol, kahit kalabanin nito ang buong mundo, si Lathan at si Lathan pa rin ang pipiliin nito. Walang kaso rito kung ilang beses itong saktan, paasahin at iwan ng bampira.

Siguro nga, walang kapantay ang pag-ibig nito kay Lathan. At hindi niya kayang agawin ang malaking puwesto ng bampira sa puso ni Scylla. Dahil pagbali-baligtarin man niya ang mundo, si Lathan lang ang mananatiling mahal nito.

Dapat na nga siguro siyang sumuko at hayaang maging maligaya ang babeng mahal niya. Wala namang mahalaga sa kanya kundi ang siguruhing ligtas si Scylla.

Sa kondisyon palang ni Timothy, ang kuya ni Scylla, sigurado na ang kaligtasan nito. At tutal ay natauhan na rin si Lathan, sigurado siyang ang mapahamak si Scylla ang pinakahuling bagay na hahayaan ni Lathan na mangyari.

“Ito `yong sagabal sa love life ng kapatid natin, `di ba?”

“Ah, oo nga Azriel. Siya `yong Theron na pinagseselosan ni Lathan.”

“Aba, ayos ito. May malalapa tayo.”

Bumaling si Theron sa mga narinig niyang nagsalita. Mula sa malaking puno sa kabilang kalsada sa tapat ng bahay nina Scylla ay nakita ni Theron ang dalawang lalaki na hindi nalalayo ang hitsura kay Lathan. At sigurado siyang mga bampira rin ang mga ito dahil ilang beses na niyang nakita ang mga iyon sa mga astral planes na pinupuntahan niya.

At kapag minamalas nga naman! Nakalimutan niyang gumamit ng protection spell bago mag-OBE dahil sa pagmamadali. Ramdam kasi niyang may kasama siya sa kanyang town house. Kakaibang nilalang. Pero nang mag-OBE na ay bigla rin iyong nawala.

“O, Helios, bumaba ka na diyan. Saluhan mo kami sa isang ito.”

Mula sa itaas ng malaking puno ay nakita niya ang isa pa. Mas matured ang hitsura nito sa dalawa pa. Tumalon iyon paibaba ng puno at mas nadagdagan ang kilabot na bumabaha sa kanyang paligid. Ramdam ni Theron ang matinding panganib na dala ng mga kaharap. At gusto na lang niyang manginig sa nakakahindik na aura ng mga ito.

Pero patatalo ba siya? Kaya niyang makipagsabayan sa mga halimaw na ito.

“Nah! Inyo na lang `yan. I was just here to do what our parents instruct us to do.”

Napakunot-noo si Theron sa narinig. May mga magulang pa pala ang mga ganitong uri ng halimaw?

“Ah, oo, `yong siguruhing magkakasundo na sina Lathan at Scylla.”

“`Buti nga natauhan na sina Dad at hindi na kumontra pa.”

“Napatunayan naman daw ng dalawang timang kung gaano nila kamahal ang isa’t isa.”

“Yuck! Nakakarumi naman ‘yang pagmamahal na sinasabi mo, Ailister.”

“Bitter ka lang, Azriel.”

“Hay naku, bahala na kayo diyan.”

At umalis na ang tinawag na Helios. Ang dalawa naman ay nagpatuloy sa nahinto na paglapit sa kanya. Naghanda na siya sa paglipad nang bigla ay madaklot siya ng dalawa. Pero bago pa man siya malapa ng mga kapatid ni Lathan ay isang babaeng nasa astral form rin ang bumaklas sa mga ito palayo sa kanya.

“Pwede ba? Huwag nga kayong nang-aagaw? Akin ang pagkain na ito,” asik ng babae sa mga ito.

Kung hindi siya nagkakamali, kauri ito ng dalawa. Napakagandang kauri. At dahil masyado siyang fascinated sa magandang babaeng nagligtas sa kanya laban sa magkapatid na sabik sa blood energy ay hindi niya nagawang magsalita. Nakatanga lang siya rito habang nakikipagpalitan ito ng salita sa dalawa.

“Ha? Kelan pa?”

“`Ayan ka na naman sa pang-aagaw mo, Lori. Do’n ka na nga sa puwesto mo.”

“Akin nga siya, eh. Ang kulit n’yo!”

Bago pa muling makahirit ang dalawa ay inilipad na siya ng magandang babaeng tinawag na Lori.

“Hi. I’m Theron.”

Nakuha pa niyang magpakilala habang lumilipad ang mga astral bodies nila.

“I know you.”

“Ha?”

Nagbuntong-hininga ito.

“Once upon a time, I met an astral traveler who was so genius about rituals, spells and chants. At ikaw iyon. May malaki ka pang atraso sa akin at ngayon na kita sisingilin.”

Nag-igkasan ang mga kilay ni Theron. “Nakilala na kita? Kailan? Saan?” Nagtatakang tanong niya rito. Imposible. “Kung nakilala na kita, imposibleng makalimutan ko ang magandang mukhang iyan.”

Ni walang karea-reaksyon ang babae. Nananatili itong hablot ang kwelyo ng polo-shirt niya habang lumilipad ang mga astral bodies nila. Na ipinagtaka naman ni Theron. Karaniwan sa mga babaeng nakilala niya, kinikilig kaagad kapag pinupuri. Samantalang ito, parang walang narinig.

But hell! She is insanely beautiful!

Kaya nga heto siya ngayon. Kahit gaano siyang nasusuklam sa mga kampon ng dilim ay malaya lang siyang nagpapatangay sa magandang bampira. Pero kasi, hindi naman niya maramdaman ang panganib sa tabi ng babaeng bampira.

May kung anong mainit na bagay na kumikidlat sa loob ng kanyang dibdib at hindi niya iyon maintindihan.

Sandali pa at bumaba na silang pareho sa bubungan ng isang three-storey house, hindi malayo sa mismong subdivision ni Theron.

“Let me clear this to you… darling.”

Oh, God! The woman’s voice was so seductive. May bahagi niya ang biglang nag-init. And never that he felt that kind of heat. Never even when he was with Scylla. The first woman who attracted him much.

Weakness nga yata niya ang matatangkad at mapuputi. Mga babaeng reserve and smart-looking.

Bumaba ang isang kamay ni Lori sa balikat niya. Ang isa pa ay humawak sa baba ni Theron at iniangat ang mukha niya para magkapantay sila. He could see how beautiful her eyes are. They were sparkling blue. Siguro ay may lahi itong American.

Nah! Pati ba mga astral vampires ay may iba-ibang lahi? Oh, yes. Ire-research niya iyon mamaya.

“Maniningil lang ako nang paunti-unti sa `yo. Malaki ang utang mo sa akin. Halos tatlong araw akong hindi nakasampa sa mga astral planes dahil sa ginawa mo.”

Malamig ang haplos ng hininga ni Lori sa kanyang mukha. Pero kahit ganoon, may pakiramdam siya na gustong-gusto na niyang kabigin ang babaeng bampira at halikan ang mapupula at mapipintog nitong mga labi. Her lips were so moist and tempting. How could she be this so seductive?

But he stays still. Bampira ito at alam niyang nagbabalak mang-agaw ng blood energy niya. At base sa salita nitong may atraso siya rito, na hindi niya alam kung ano, nahuhulaan na ni Theron na sasairin nito ang enerhiya na kayang ilabas ng astral body niya.

“Ano bang ginawa ko?” Nagtataka pa ding tanong ni Theron.

“Silly.” Bahagyang tinapik nito ang kanyang pisngi. Nang ngumiti ang babae ay para bang biglang nagliwanag ang buong mundo sa mga paningin ni Theron. She is some kind of a beast but why did he felt that way towards her? Anong gayuma at spell ang meron ito para mabaliw ang matinong bahagi niya ng ganoon na lang?

Pero bigla na lang dumilim ang maganda nitong mukha at nanlisik ang asul na mga mata. Nakaramdam si Theron ng panganib. Bigla siyang kinilabutan sa nakikitang anyo ni Lori.

“Dahil sa mga chants mo, nahigop ang enerhiya ko ng limang ulit. Halos ikamatay ko, iyon. Alam mo ba?”

Dumiin ang pagkakahawak nito sa kanyang balikat at sa kanyang baba. Pakiramdam niya, kung nasa sarili siyang katawan ay baka bumaon na ang mga kuko nito sa kanyang laman. Her sparkling blue eyes became dark and fierce. Kung kapayapaan ang nakikita niya rito kanina, ngayon ay panganib at kilabot ang dala ng mga mata ni Lori.

Umakmang itutulak ni Theron ang babaeng bampira nang sa akala niya ay sasakmalin na siya ni Lori. Pero bigla kasing nagbago ang ekspresyon ng mga mata nito. Bumalik sa makinang na asul. At naguguluhan siya sa pabago-bagong ekspresyon ni Lori.

“But I am not that ruthless to drink all of your energy, Mr. Spell-Wizard,” sabi nitong muling lumuwag ang mga kamay sa kanya. “Tinuruan pa rin ako ng mga magulang ko na huwag lumagpas sa limitasyon.”

Tumiim ang titig ni Lori sa kanya, magkahalong init at kilabot ang dulot noon sa kanyang pakiramdam. Kilabot sa ibang paraan. Malayo sa kilabot na hatid ng ibang mga kampon ng dilim.

“Pero hindi ibig sabihin na maliligtas ka na sa mga kamay ko, Theron. Sisingilin pa rin kita sa malaking pagkakautang mo sa akin. And the payment was your own blood energy. Little by little, you’ll going to pay me.”

Nang muling ngumiti ang babaeng bampira ay ikinagulat pa ni Theron ang pagpitik ng laman sa loob ng kanyang dibdib. Why, the vampire was so alluring!

At nang bumaba ang bibig nito sa gilid ng kanyang labi ay nahigit ni Theron ang hininga. May bahagi niya ang nananabik na matikman ang mapang-akit na mga labi ni Lori. Kung bakit ba naman kasi siya nakakaramdam ng ganoon? At bakit ba siya nagpipigil ng hininga?

‘Reality check, Theron! She is a vampire and she can kill you in no time! Damn it!’

Pero ang matinong bahaging iyon ng isip ni Theron ay basta na lang niyang isinalya palayo. Mas hinintay niyang mapagbigyan ang kagustuhan ng malaking bahagi ng kanyang pagkatao. Ang maramdaman ang mga labi ni Lori sa kanya.

Pero hindi doon lumapat ang hinihintay, kundi sa kanyang leeg. At sa isang sandali ay naramdaman ni Theron ang pagtusok ng matatalim na pangil ng babae. Talagang kinilabutan si Theron dahil alam na niyang hihigupin nito ang kanyang enerhiya. Kaya lang ay hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit hindi niya ito maisalya palayo sa kanya. Dapat ay itinutulak na niya si Lori ngayon. Kayang-kaya niya iyong gawin. Sambitin lang niya ang pinakamalakas na spell at chant na alam niya ay titilapon palayo ang alagad ng dilim.

Pero hindi niya ginawa. Hindi niya magawa. Malaking bahagi niya ang nagpapakatanga at nagpapaubaya.

‘Have you gone nuts, Theron?’

Habang nararamdaman ni Theron ang pagtakas ng kanyang enerhiya ay naririnig naman niya sa kanyang isip ang tinig ni Lori habang sinasabing:

‘Dahil sa mga chants mo, nahigop ang enerhiya ko nang limang ulit. Halos ikamatay ko, iyon. Alam mo ba?’

He was just paying his debt. Hindi niya alam kung paanong nangyari ang sinasabi ni Lori. Pero handa siyang magbayad.

Halos manlupaypay ang nanghinang astral ni Theron nang pakawalan siya ni Lori.

“Sleep now, my handsome spell-wizard. I am going to eat in you again, the next time we meet,” bulong nito sa kanyang tenga.

Na sa pagtataka ni Theron, maski nanghihina na siya ay dumadaloy pa rin ang kakaibang init na epekto ng malamig na hininga ng babaeng bampira. Nakuha pa niyang ngumiti rito.

“Sure. But the next time you eat in me, please do it with my mouth.”

Napansin niyang napasinghap ang dalaga. At bago pa niya marinig ang gusto nitong sabihin ay hinila na siya ng kanyang silver cord pabalik sa kanyang katawan.

Download stories to your phone and read it anytime.
Download Free