Napuno ako ng kantiyaw ng mga kaibigan ng gabing iyon. Dahil narin sa kahihiyan ,hindi na muna ako nagbabar. Marami rin aking inasikasong papeles ko para ipasa sa South Gate Inn.
May mga kakilala raw doon si Aling Pena at posible raw na malagay ako sa Reception Area.
Inasikaso ko iyon kahapon kaya ngayon sa bahay wala akong ginawa kundi ang maglinis. Umuwi narin sa Manila sila Vicco.
Winawalisan ko ang mga nagkalat na tuyong dahon ng mangga sa lupa nang tawagin ako ni Aling Pena.
Matayog na ang araw at malakas ang ihip ng hangin mula dagat. Nakakaantok iyon sa aking pakiramdam.
"Ava," nilapitan ako nito. May hawak itong dalawang bilao kaya mabilis kong nilapag ang walis para kunin iyong isa.
"Samahan mo naman ako doon sa Mansyon nang mga Cojuanco. Pinaluto kasi nila sa akin itong puto at kakanin."
"Sige po Aling Pena!" Inayos ko ang sarili gamit ang kamay at sumunod kay Aling Pena. Ang Mansyon ng mga Conjuanco ay malapit lang sa amin. Isang malaking rock formation lang ang nakaharang, at sa gilid naman ay ang asul na dagat andiyan na agad ang kanilang mansyon.
Sa tuwing may handaan sila ay abot pa sa bahay namin ang kanilang mga ingay at kantahan. Pero kailanman, ay hindi ko pa sila nakikita o nakasalamuha.
Naaanod ng hangin ang aking buhok nang nasa gilid na kami ng malaking bato at nababasa na nang dagat ang aking paa.
Nakita kong may dalawang cottage pala dito na yari sa kahoy. Isang grupo ng mga lalaki ang nandoon at may nakita rin akong babae.
"Hijo!" sigaw ni Aling Pena at lumapit doon. Nasa likod lamang ako ni Aling Pena at sumusunod sa kanya.
"Hijo, ito na pala 'yung inorder ni Pilar. Gusto mo raw ito."
Pumasok kami doon sa cottage at nilapag sa mesa nila ang dalang dalawang bilao. Huli ko natanto na nakatingin pala sa akin ang mga lalaki. Mayroon silang kasamang babae.
"Thank you aling Pena. How much?"
Pumantig ang tenga ko dahil mukhang taga Manila ang accent niya.
"Ah 200 lang yan hijo!"
Nagbigay ito nang 500. "Keep the change aling Pilar," nasa akin parin ang tingin nito. Umubo ang mga kasama niyang lalaki at may tumawa pa.
"Ganda.." may narinig akong nagsabi nun.
Pasimple rin akong siniko ni Aling Pena at ngumisi sa akin. Umiling ako at dumapo ang aking tingin sa braso nang lalaki. Halos mapamulagat ako sa pamilyar na tattoo niya sa braso.
"Naku! May pang softdrinks na kami ni Ava nito! Salamat Austin!"
Ngumisi si Austin sa amin at humalukipkip na nakaupo. Halos hindi na ako lumingon pa nang makaalis kami doon.
Hindi naman siguro. Hindi.
Nang gabing iyon ay sinubukan kong tawagan si inay. Alam kong galit parin siya sa akin dahil hindi ko sinunod ang sinabi niya. Kaya ilang taon siyang umiiwas sa akin.
Tinawagan ko siya at sa mabuting palad ay sinagot niya iyon.
"Nay," malumanay ang aking boses. Nasa kamay ko rin ang isang bote nang pilsen at mag isang umiinom sa kuwarto ko. Nasa gilid ako ng bintana at tanaw ang dagat na hinahalikan ng buwan.
"Oh bakit? Nakapag desisyon kana?"
Pumikit ako at hinilot ang sentido. "Nay,ilang taon narin naman at ayos lang ako dito. Wala namang gumagambala sa akin."
"Wala pa. Wala pang gumagambala Ava. Sabi ko mag abroad ka! Dahil kung dito kalang sa Pinas ay makikita ka parin. O, baka ayaw mong umalis dahil umaasa ka parin kay Faustino?"
Umiling ako. "Nay hindi. Tsaka mahirap na iwan ang mga tao dito na napamahal na sa akin. Ang bait nila Aling Pena nay. Tsaka bahay natin to."
"Mahirap iwan ang taong mahal mo?"
"Nay-"
"Wag ako Ava. Naranasan ko na iyan. Aba, kung matigas parin yang ulo mo hinding hindi mo makikita ang anak mo!"
"Nay naman. Miss ko na po si Ginger nay."
"So piliin mo ang anak mo. Mag abroad kayo." binagsakan ako ni nanay ng tawag.
Bumalik sa alaala ko ang nakaraan. Nang nalaman ko na buntis parin ako. Kahit ako ay hindi alam kung bakit. Isang milagro iyon para sa amin ni nanay.
Nagpatuloy ako sa pag aaral kahit malaki na ang aking tiyan noon. Nahinto lang nang nanganak ako at nagkuha ng exam para makapasa. Sa awa ng diyos ay nagawa ko.
Alam kong isang kagagahan na sinubukan ko noong bumalik sa Manila kasama ang anak ko para ipakita kay Faustino na ikinagalit ni nanay at kinuha niya ang aking anak. Hindi na natuloy ang pagsubok kong iyon.
May karapatan parin naman siyang malaman iyon kahit hindi ako ang pinili at mahal niya. Pero baka nga tama si nanay..mas tahimik nga na ganito. Ang huwag nalang ipaalam.
Ayoko narin naman ng magulong buhay.
Kinabukasan ay binati ako ng kaswertehan. Tinawagan ako ng South Gate Inn para magpasa mismo ng papeles sa kanilang hotel. Kaya nag ayos na ako bago mag alas otso. Nag suot ako ng formal attire. Ang skirt na suot ko ay hanggang itaas ng tuhod. Pinuyod ko rin ang aking buhok pataas.
Walang pinagbago ang aking katawan mula nang manganak ako. Pumayat lang ako ng konti.
Hinatid ako ng asawa ni Aling Pena doon sa South Gate Inn. Kadalasan na mga artistang dumadalaw dito sa Kabankalan ay dito nagchicheck in. Maganda rin ang services nila dito. May mga chains rin sila tulad ng Southland Hospital na pribado. Baka kung matanggap ako ay South Gate Inn at Southland Hospital ang shifting ko.
Huminga ako ng malalim at tiningala ang kulay green na hotel. Maganda ang pagkakadisenyo nito sa labas dahil kumikinang dahil sa babasaging dingding nito sa second floor. Katabi nang South Gate Inn ang Kabankalan Catholic College kaya saktong sakto minsan para sa mag studyanteng hindi na makauwi sa kani kanilang probinsya.
Pagkapasok ko ay marami rin palang nakapila na mag aapply. Ang iba ay pamilyar sa akin na mula rin sa SouthLand College.
Kinagat ko ang labi at nakihanay sa kanila.
"Mag aapply karin?" tanong ng isang babaeng katabi ko.
Ngumit ako. "Uh oo! Kayo?"
"Oo rin. Kaso iba raw ang nagmamanage nitong Hotel. At mukhang kanina kapa hinahanap ah! Mga lima kayo! Ang apat andoon na sa main office inoorient ata."
"Huh?" masyado ba akong late?
Saktong may lumabas mula sa office na tila secretary base sa uniform nito.
"Again! Calling for miss Ava Pojas!"
"A-Ako po iyon Miss!"
Tumango ito,"Pasok na sa office miss!"
Hinawakan kong mabuti ang mga papeles ko. Ba't hindi inteview? Ba't diretso orient?!
Malamig ang aircon nang pumasok ako. Nakita ko ang mga sigurong kasamahan ko na nakaupo na sa upuan nila at ang mesa ay isang mahaba at kulay puti.
"Eto na si Miss Pojas sir! Let's start!"
Aniya ng secretary. Tinitigan ko kung sinong sir ang kanyang tinawag at nakita ang taong hindi ko inaasahan.
Halos hindi na ako makagalaw sa aking kinatatayuan.
Mapupungay ang mga mata ni Faustino nang hinagod ako mula paa hanggang ulo. Nang magtama ang aming mata ay umiwas ako.
Hindi ko kayang masdan ang kanyang mga matang puno ng hinagpis na hindi ko maintindihan.
Kinagat ko ang labi at nanatiling nakayuko nang makaupo na ako sa aking upuan.
Bakit siya nandito?