HinovelDownload the book in the application

CHAPTER THREE

CHAPTER THREE

KAHIT hindi lingunin, alam ni Johna na nakasunod ang motorsiklo ni Prince sa sinasakyan niyang jeep. Ganoon ang ginagawa ng binata kapag “sinusundo” o “inihahatid” siya.

Engineer si Prince at hindi ito basta-basta engineer kundi isa sa mga may-ari ng engineering firm na pinagtatrabahuhan. Ang alam ni Johna, may building project sa malayong lugar na personal nitong sinu-supervise. And because his current work was almost three hours drive from Angeles City, tuwing weekends lang umuuwi si Prince and usually, Biyernes ng gabi. Kaya nagtataka siya dahil Thursday pa lang ngayon.

“Sa tabi lang po,” sabi ni Johna nang malapit nang tumapat sa café ang sinasakyang jeep. Bumaba na siya nang tumigil. Tumigil din ang motorsiklo ni Prince.

Pagkaalis ng jeep, narinig niyang kumakanta ang binata. “Araw-araw sinusundan, `di ka naman tumitingin... ano’ng dapat… gawin?”

Hindi na iyon bago sa pandinig ni Johna. Prince liked singing. Madalas itong magparinig sa pamamagitan ng kanta. In all fairness, may boses ang loko. Kapag may okasyon sa isang kapitbahay ay siguradong may videoke, pagkatapos maririnig na lang niyang si Prince na ang kumakanta. Nakikilala agad niya ang boses nito.

Hindi niya pinansin si Prince at tumawid na ng kalsada. Pero sinabayan pa rin siya ng binata na lalong lumakas ang boses. “Kailan? Kailan mo ba mapapansin ang pusong bitin na bitin? Kahit anong gawing lambing, `di mo pa rin pansin…”

Kung noon pa nakilala ni Johna si Prince-maybe seven or eight years ago-malamang tunaw na tunaw at kilig na kilig ang puso niya sa lalaki. Because six years ago, may lalaking nagpakilig sa batang puso niya. Unfortunately, nang mabuntis ay tinalikuran siya nito.

Yes, she was a single mother to a five-year-old daughter. At dahil bata pa at mahirap lang sila, kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral. Now, at the age of twenty-five, graduating pa lang siya sa college. At kailangan niyang kumuha ng part-time job para masuportahan ang pag-aaral.

“Johna, hey…”

Ang boses ni Prince at ang papalapit na mukha nito ang nagpabalik sa kamalayan ni Johna. Itinaas niya ang nakakuyom na kamay. “Sige. Lapit pa nang matikman mo ang kamao ko.” Hindi niya namalayang naglalakbay na pala ang kanyang isip. Mabuti na lang at nakatawid na sila ng kalsada.

Ngumisi si Prince. “Ang bayolente naman talaga ng love ko. Aminin mo, natulala ka sa kaguwapuhan ko, ano? Did you miss me that much?”

Napansin ni Johna ang backpack ng binata. Hindi mahirap sabihin na mula sa trabaho ay sa university na ito dumeretso. “Kung ako sa `yo, uuwi na ako ng bahay at matutulog. Hindi `yang nangungulit ka pa.”

Lumiwanag ang mukha ng loko. “Uy, concern na siya sa akin. Hindi naman obvious na puyat at pagod ako, ah.” Kumindat ito. “You’re my energizer. Nakita lang kita, tumaas na ang energy level ko. At saka huwag kang magde-deny, nakita kong lumiwanag ang mukha mo noong makita mo ako. Missed me, love?”

Natigilan si Johna. Pero agad niyang kinalma ang sarili at kunwa’y naaasar na iniikot ang mga mata bago tumalikod at pumasok sa Angelicious.

Minsan na siyang naloko, minsan nang naging tanga at hindi pinakinggan ang logical na daloy ng isipan. Now she learned her lesson. She learned it the hard way. Kaya ngayon, gaano man kaguwapo at katamis ang dila ni Prince, hindi na siya basta-basta nagpapabola. Once is enough. Natuto na siya sa pagkakamali kaya hindi na iyon mauulit pa.

NGINITIAN at binati ni Johna ang mga katrabaho pagpasok niya. Pagkatapos, dumeretso na siya sa locker room para magpalit ng uniform.

“Nakita ko ang prinsipe sa labas, ah,” sabi ni Trixie na sinundan siya sa locker room. Pareho silang crew. Full time nga lang ito.

“Naku, hindi yata kompleto ang linggo ng damuhong `yon kung hindi makakapangulit,” iiling-iling na sagot ni Johna habang nagbibihis ng uniform nila sa café.

“In fairness, consistent siya sa pangungulit. Wala ba talagang pag-asa? Drop-dead gorgeous at mayaman, ano pa ang hahanapin mo? Hmm, kunsabagay, kahit Mr. Perfect pa siya, kung hindi naman nasapol ni Kupido ang puso mo, waley din, `di ba?”

“True,” nakangiting sang-ayon niya. “Saka alam ko at determinado na ako sa mga priority ko. Magtatapos ako ng pag-aaral para mabigyan ng magandang buhay hindi na lang ang nanay ko kundi pati na rin ang anak ko.” Namaalam na rin kasi ang tatay niya noong nakaraang taon. May maliit na sari-sari store ang nanay niya. Kailangan din talaga niyang magtrabaho para masuportahan ang kanyang pag-aaral. Lalo’t nag-aaral na rin si Lia. Nakalulungkot lang dahil iyong oras na sana ay ilalaan sa anak ay napupunta sa kanyang part-time job. Alam niyang marami na siyang nami-miss.

Johna took a deep breath. Kaunting tiis at kaunting tiyaga na lang, Johna…

Nang makapag-ayos ng sarili, nag-log in na siya para sa kanyang attendance. Pagkatapos, dumeretso muna siya sa kitchen para batiin ang mga kasamahan doon. Then she headed to the work station.

“ENGINEER, ingatan mo `yan, ha,” sabi ni Xandria kay Prince.

Dumating ang binata eksaktong paglabas ni Johna kasabay ang mga kasamahan sa trabaho. Lampas alas-onse na iyon ng gabi. Sarado na ang café.

“Siyempre naman,” sagot ni Prince. “Love ko `yan, eh.”

Siyempre pa, kinilig ang mga kasama ni Johna. “Ako na lang ang ligawan mo. Hindi kita pahihirapan, promise. Magkasingganda naman kami ni Johna,” sabi ng isa sa mga kasamahan na halatang nagbibiro lang.

“Ah, kung puwede nga lang turuan ang puso,” game namang sabi ni Prince. Hinawakan pa nito ang dibdib. “Walang ibang makita ang puso ko kundi si Johna.” Kumindat pa sa kanya ang hudyo. Lalo tuloy nanukso ang mga katrabaho niya.

“Naks! Ikaw na talaga, Prince. Sige, mauuna na kami.”

Si Johna lang ang south bound sa grupo kaya wala siyang nakakasabay sa pagsakay ng jeep. Puro north bound ang mga ito. Ang ibang empleyado ay kanina pa umuwi. Hindi naman siya natatakot na gabihin o umagahin dahil buhay na buhay pa ang Angeles City. The café was located along MacArthur Highway. Sa kataunayan, napakarami pang bukas na shops, parlors, at kung ano-anong business establishments sa paligid.

Binalingan ni Johna ang binata. “Prince—”

“Stop it,” agad na putol nito sa gagawin niyang panenermon. “Kabisado ko na ang linya mo na, ‘kailan ka ba titigil, ha? Wala ka ngang mapapala sa akin. Blah, blah, blah…’” Nagusot ang mukha ni Prince. “Nakakasakit ka na, ha. Makapal lang ang guwapong mukha ko pero hindi bato ang puso ko. Nasasaktan din ako.”

Hindi napigilan ni Johna na matawa. Nakasimangot si Prince. Akala mo, talagang nasasaktan at nagtatampo. Pati boses nito ay tunog-nagtatampo. Natawa rin ang guwardiyang nakarinig sa kanila.

“Eh, kailan ka nga ba kasi titigil?” tanong niya.

Ngumisi ang binata. Nilapitan siya nito bago mahinang nagsalita. “Titigil lang ako kapag—”

“Kapag na-satisfy na ang HD mo sa akin?” gusot ang mukhang putol niya sa sasabihin ni Prince. Ang sarap bangasan ng mukha nito, mabawasan man lang ang kaguwapuhan. He was always like that. Pilyo at palabiro. Minsan, hindi na rin niya malaman kung ano ang totoo at kung ano ang biro lang sa mga sinasabi nito.

“Titigil lang ako kapag hinuhugot ko na ang huling hininga ko,” sabi nito sa suwabeng boses, kinindatan pa siya pagkatapos. “Gano’on kita kamahal. Ikaw, eh, ayaw mong maniwala…”

Lihim na natigilan si Johna sa narinig. Pilit niyang binale-wala ang tila paglukso ng kanyang puso na parang gustong kiligin. Okay, if truth be told, naaapektuhan na siya kay Prince. Noong isang taon pa, pakiramdam niya ay nalalamatan na ng binata ang pader na ipinalibot niya sa sarili. Alam niyang anumang bagay na may lamat ay fragile na. Pakiramdam tuloy niya, unti-unti nang nabubuwag ang pader. Why, Prince was getting on her nerves. Nagiging aware siya dito. Nitong nakalipas na buwan pa, natatagpuan niya ang sariling hinahanap-hanap ang presensiya ng binata lalo na kapag may project ito sa malayong lugar.

Kaya nga natigilan si Johna kanina noong sabihin ni Prince na lumiwanag daw ang kanyang mukha nang makita ang binata. Nag-panic siya. Ang totoo kasi, may naramdaman nga siyang saya nang makita ito kanina. And for a moment she was lost to his smile. For a moment, she wanted to stare at him and sigh in admiration. But then, agad niyang sasawayin ang sarili for letting her guards down. Ipapaalala ni Johna sa sarili ang nangyari noon, pati na ang dahilan kung bakit siya nagsusumikap na makatapos ng pag-aaral kahit twenty-five na. Ipapaalala niya sa sarili ang list of priorities kung saan huli sa listahan ang pagpasok sa isang relasyon. No, hindi naman niya isinumpa si Kupido dahil sa nangyari sa kanya. Bukas naman siya sa posibilidad na magmahal uli. Pero! Pero… saka na kapag nakapagtapos na siya, kapag may magandang trabaho na. Saka na kapag medyo stable na sila at kapag handa na siya.

AUTOMATIC na napangiti si Johna nang maramdaman ang dampi ng halik sa kanyang magkabilang pisngi. Iyon ang gumising sa kanya.

“Hmm...” Umungol siya. Hindi siya dumilat pero niyakap niya ang humalik sa kanya. It was her dearest daughter—Alia. “Lia” naman ang palayaw niya sa anak.

“Gising ka na po, Mama?”

“Tulog pa ako,” namamaos na sagot niya, hindi pa rin dumidilat.

Muling tumawa ang bata. Lia’s voice seemed to belong to an angel. Maliit, masigla, at malambing. “Gising ka na po, eh.”

Iminulat ni Johna ang mga mata. “Good morning,” nakangiting sabi niya bago mabilis na ipinailalim ang anak sa kanyang katawan. Hindi naman niya ito nadadaganan dahil nakatuon ang kanyang mga siko at tuhod. Kiniliti niya si Lia at pinupog ng halik. Kapag umaga na lang kasi sila nagkakaroon ng oras na makapag-bonding dahil siyempre tulog na ito kapag umuuwi siya. Nagi-guilty siya dahil doon. Iyon nga lang, hindi niya kayang i-give up ang trabaho dahil napakalaking tulong ng kinikita niya.

“I love you, Lia,” mahinang sabi ni Johna, maluha-luha habang nakatitig sa humahagikgik na anak. Akala niya ay hindi iyon narinig ni Lia. But she suddenly stopped giggling and then stared and smiled so fondly at her.

Tuluyang nalaglag ang mga luha ni Johna dahil doon na agad din naman niyang pinahid. Hindi niya maipaliwanag pero nasa mukha ni Lia ang kakaibang emosyon na parang nagsasabing: Kaya po natin `to, Mama. At mahal na mahal po kita. Her daughter had expressive eyes. Kahit hindi magsalita ay kaya-kaya nitong pakalmahin at palakasin ang loob niya. Kaya nitong pagaanin ang anumang mabigat niyang alalahanin.

Maikokompara nga raw ang buhay ni Johna sa flavor ng cupcakes na Rocky Road. Complicated kasi ang buhay niya. Marami siyang kinakaharap na trials and challenges. Mabigat ang responsibilidad na pilit niyang kinakaya. Pero hindi naman pulos paghihirap ang buhay niya. Tulad sa Rocky Road, may lambot din ng marshmallows, may tamis ng chocolate, at may sarap at lutong din ng cashew nuts.

“I love you, too, Mama,” sabi ni Lia bago yumakap sa kanya.

Kailanman ay hinding-hindi pagsisisihan ni Johna na binuhay niya ang bata. Maaaring naging mapait na karanasan para sa kanya si Vaughn, pero si Lia… she was the sweet fruit. She was not a mistake.

The moment Johna learned she was pregnant, minahal niya agad ang anak at prinotektahan.

Ilang sandali pa, lumabas na sila ng kuwarto. Karga ni Johna ang anak. It was just seven o’clock in the morning. Alas-diyes pa ang klase niya. Nagagawa pa niyang asikasuhin si Lia at ihatid ito sa school bago siya mag-prepare sa pagpasok. Naiintindihan ng kanyang anak na bukas na uli sila magkikita. Hindi niya alam kung paanong nangyari pero parang naiintindihan ng bata ang sitwasyon. Ipinaliwanag lang niya dati na nag-aaral siya para sa kinabukasan nito, at nagtatrabaho para naman makapag-aral.

Noong nakaraang taon kasi, namatay ang tatay ni Johna sa isang aksidente sa construction site na pinagtatrabahuhan nito. Ginawang puhunan ng nanay niya ang financial help na natanggap nila at nagtayo ng sari-sari store. Siyempre, hindi iyon sasapat kaya ang paghahanap ng part-time job ang nakita niyang solusyon. Mahirap at maraming kailangang isakripisyo, but she was holding on.

Download stories to your phone and read it anytime.
Download Free