CHAPTER 4
HINDI mapalagay na paroo’t parito sa paglalakad si Alessandra sa loob ng kanyang silid. Alas diyes na niyon ng gabi. Hindi siya mapakali, hindi mapalagay. Ginugulo ni William ang kanyang sistema. Hindi ito mawala sa kanyang isip. Ang masama pa, gusto niya itong makita. Ngayon mismo. Kakatwa dahil magkasama naman sila sa classroom kanina. Isang linggo na ang nakakaraan mula ng magsalubong ang landas nila. Kung siya ay regular student, si William ay hindi. Lunes at Martes at sa loob lang ng isang oras sila nagiging magkaklase.
Hinawakan ni Alessandra ang labi niya. Pumikit siya at sa kanyang imahinasyon ay inisip niya na labi ni William ang nakadikit sa labi niya. She imagines William’s luscious lips, his wicked smile, his lean body. In-imagine niya ang matigas na katawan nito na dumudurog sa malambot niyang katawan. In-imagine niya ang binata sa isang napaka-intimate na eksena. Nagresulta iyon ng nagnanasang ungol na hindi niya napigilang lumabas sa kanyang lalamunan. Mula sa labi niya ay bumaba ang mga daliri niya sa kanyang leeg. Ipinaling niya patalikod ang kanyang ulo para magbigay ng espasyo. Muling napaungol ang dalaga. At hinihingal na iminulat niya ang kanyang mga mata.
“Ah. Ayoko nito! I hate this feeling!” nanggigil na bulalas niya bago ibinagsak ang sarili sa ibabaw ng kama. Malinaw na inaakit siya ni William! Binibigyan siya nito ng mga sulyap, hindi, hindi lang basta sulyap kundi maiinit na sulyap. And those goddamn glances were affecting her. Alam marahil ni William kung ano ang epekto ng titig nito sa mga babae. At hindi lang siya basta babae. Minsan siyang naging sex maniac, damn it. Kung hindi naman mainit na titig o mapanuksong ngiti ay isang kaaya-aya at maaliwalas na ngiti ang ibinibigay nito sa kanya. Na may parehong epekto sa kanya.
“Chameleon, kung nasaan ka man, umuwi ka na. Mukhang kailangan mo na uling galawin o kuryentehin ang parte ng utak ko na responsible sa nararamdaman kung ito. It’s consuming me…” tila helpless na tugon niya.
Bumangon siya at naupo sa gilid ng kama. Pagkaraan ng ilang saglit ay tumayo siya at naglakad patungo sa may bintana. Bintanang nakaderekta sa town house ni William.
“Alessandra, huwag. Tumigil ka.” Subalit ang nararamdamang pagnanasa ay hindi mapipigilan. Nanginginig ang mga kamay na hinawakan ng dalaga ang teleskopyo at sumilip sa lente niyon. Isa iyong high powered telescope. May thermal sensor iyon na puwedeng d-um-etech ng body heat at pwede rin iyon sa dilim dahil may night vision iyon.
Alessandra sighed heavily. Hindi niya kakailanganin ng thermal sensor o ng night vision dahil hayon ang pakay niya, tila pinagtiyap ng pagkakataon na kalalabas lamang nito ng veranda ng silid nito. Suminghap si Alessandra at ang dibdib ay nagtaas-baba dahil sa antisipasyon at kasiyahan. Walang suot na pang-itaas si William and her eyes captured that chiseled-into-perfection torso of him. Nakasuot ito ng cotton pants na bahagya pang inililipad ng hangin.
“Tama na, Alex,” saway niya sa sarili bago iniiwas ang mga mata sa lens ng teleskopyo. Parang mabibingi siya sa lakas ng pintig ng puso niya. And yet, natagpuan muli ng dalaga ang sarili na sumisilip sa lente. Bahagya pa siyang napasinghap dahil sa pagkakataong iyon, si William ay nakatingin sa dereksiyon niya na animo alam nitong naroon siya nagtatago sa dilim habang nanunubok rito.
Kapagkuwa’y nakita niya ang binata na mabilis ang kilos, dinampot nito ang tila isang damit, isinuot iyon. Ang sunod na namalayan niya ay nasa labas na ito ng bahay at… “Patungo siya rito?!” bulalas niya. Bigla siyang nataranta.
DINAMPOT NI WILLIAM ang t-shirt niya at isinuot iyon habang nagmamadaling lumabas ng bahay. Nang nasa labas na, sumagap siya ng sariwang hangin at pinuno niyon ang kanyang dibdib. “Bahala na,” usal niya bago tinatalunton ang bahay ni Alessandra.
Ninenerbiyos ka, William, buska sa kanya ng isang bahagi ng kanyang isipan na hindi naman niya mapasubalian dahil ninenerbiyos nga siya. Grabe ang kaba niya. Para siyang teenager na nakakadama ng nerbiyos dahil makikita niya ang kanyang crush. Pero ano ba ang magagawa niya? Gusto niyang makita ang dalaga!
Nagpatumpik-tumpik muna sa pader ang mga daliri niya bago diniinan ang doorbell. Dumaan ang ilang saglit at wala siyang nakuhang tugon. Nauubusan ng pasensiya, muli niyang pinindot ang doorbell. Ni hindi niya maikunsidera na baka tulog na ang dalaga at nambubulahaw na siya. Pero may mga bukas pa namang ilaw.
“Ano bang kailangan mo?” Tinig iyon ni Alessandra, paos at halatang naiirita. Nagmumula iyon sa isang maliit na speaker na katabi ng doorbell. Hindi napigilan ni William ang pagguhit ng ngiti sa kanyang labi nang marinig niya ang tinig. Kapagkuway natigilan siya. Talaga? Napangiti siya dahil lang narinig niya ang tinig ng dalaga?
“Gusto kung lumabas ka rito,” sabi niya sa pinagmulan ng tinig.
“P’wede ba! Huwag kang mambulahaw sa ganitong—”
“Please,” pagputol niya sa litanya ng dalaga. Hinanap ni William ang camera at nang makita iyon sa may unahan ng pinto, tumingin siya roon at pinagsalikop ang kanyang mga palad sa aktuwasyong nagpapaawa. “Labasin mo ako. Promise hindi ako magtatagal.”
“Iinisin mo lang ako…” maya-maya ay mahinang tugon ng dalaga.
“No, no!” agad niyang tugon sinamahan pa ng pag-iling.
Hindi siya nakarinig ng tugon pero maya-maya lang ay narinig na niya ang tunog ng tinatanggal na lock. Hanggang sa bumukas ang pinto at iluwa niyon ang dalaga. Nakasuot ito ng maluwang na t-shirt na hanggang kalahati ng mga hita nito ang haba. Ayaw isipin ni William kung ano ang suot ng dalaga sa ilalim ng t-shirt na iyon dahil ang isipin ay nagpapabilis ng mga pulso niya. “Hi.”
“Ano bang kailangan mo?”
As usual Alessandra was stiff, distant. Tiim ang labi at walang-buhay ang mga mata. Bigla ay nakadama ng tila pagpisil ng puso si William. Tila biglang nagkaroon ng malaking bikig sa lalamunan niya dahilan para manikip ang kanyang dibdib. Gustong tumaas ng mga kamay niya at paglandasin ang mga daliri niyon sa buhok ng dalaga. Gusto niyang pagtiwalaan siya nito nang sa gayon ay maibahagi nito sa kanya ang kung ano mang alalahanin na dinadala nito. Gusto rin niyang kabigin ang dalaga para ipadama rito na naroon lamang siya na pwede nitong sandalan sa ano mang oras. Gusto niyang makita kung paano ito ngumiti. Gusto niyang—Ah, pahaba lang ng pahaba ang listahan ng mga bagay na gusto niyang gawin at tuklasin sa babaeng nasa harap niya at bahagyang nakatingala sa kanya. Sino ang responsible para maging ganito ka kalamig, Alessandra? Lihim na daing niya.
“Tititig ka na lang ba?”
Ang malamig na boses ng dalaga ang nagpabalik sa kasalukuyan sa naglalakbay niyang diwa. Hinamig ng binata ang kanyang sarili. “Puwede ba akong pumasok?”
“Hindi puwede.”
“Just as I thought…” Hindi napigilan ni William ang kanyang sarili at humakbang siya papalapit sa dalaga. Itinaas niya ang kanyang palad sa pagtatangkang mahaplos man lang ang pisngi nito. Pero umurong si Alessandra. Ibinaba ng binata ang kanyang palad. Napakataas at napakatatag ng pader na ipinalibot nito sa sarili. “Gusto lang kitang makita. And say goodnight, perhaps.”
“Makakaalis ka na,” tugon ng dalaga.
“Hindi kita maialis sa sistema ko. Wala na akong ibang ginawa kundi isipin ka to think na kailan lang naman tayo nagkakilala,” hindi niya napigilang sabihan. Napamura si William sa pagkamangha sa sarili. Sinabi ba talaga niya ang mga iyon? Great. Hindi siya makapaniwala sa takbo ng mga pangyayarai, lalo na sa walang-awat na paglilitanya niya. Gusto lang naman niyang makita ang dalaga, ‘di ba? Pero heto at para siyang frustrated na manliligaw na hindi makakuha ng katugon sa nararamdaman niya. Hindi siya makapaniwala. “I am so into you, Alessandra! And damn, damn if I’ll just sit around and do nothing about it. ‘Yang kalamigan, ‘yang pader na ipinalibot mo sa sarili mo ay—”
“Ay hindi mo magagawang mabasag.”
The fierceness in her eyes couldn’t be mistaken. Subalit iyon lamang ang kayang basahin ni William sa dalaga. Guwardiyado na ang emosyon nito. Magaling magtago ng nararamdaman si Alessandra.
Tipid na ngumiti si William. “Sino ang nagsabi na tatangkain kung basagin ang pader na iyan para mapasok ko ang mundo mo? Hindi ko kailangang basagin ang pader na iniharang mo sa sarili mo, sa halip ay aakyatin ko iyon, sa mabagal pero tiyak na kilos.”
“Kung ganoon, good luck sa iyo,” anang dalaga bago ito saglit na nag-iwas ng paningin.
Tumango siya. “Sa palagay ko ay kailangan ko nga niyan. Itanim mo lang sana sa isip mo na hindi kita pinupursige dahil curious ako o nahahamon sa kalamigan mo. Hindi kita susukuan dahil gusto talaga kita. And this feelings feels right.”
Hindi sumagot si Alessandra. Sa halip ay isinara na nito ang pinto.
Damn it. Sige, magiging matapat na siya sa kanyang sarili. Sa palagay ng binata ay nahuhulog na siya sa dalaga. Gustong-gusto talaga niya ang dalaga na sa palagay niya ay nahuhulog na ang puso niya rito. Masyado bang mabilis? Hindi rin niya alam kung bakit kaganoon kabilis. Basta nararamdaman niya ang isang bagay na kailanman ay hindi niya naramdaman sa sino mang babae na napaugnay sa kanya. Totoo na marami na ring babae ang kumuha sa atensiyon niya. Pero dahil lamang iyon sa sexy ang mga babaeng iyon at magaganda at gusto niya ang mga ito sa kanyang kama. Pero si Alessandra ay naiiba. Hindi lamang ang pagannasa niya ang pinukaw ng dalaga sa kanyang katauhan. Pinukaw rin nito ang damdamin niya, higit sa lahat ang puso niya. Gusto niya itong alagaan, mahalin, protektahan, alayan ng lahat-lahat sa kanya…
Hindi na mabilang ni William kung ilang beses niyang inisip at inalisa ang lahat. Bakit napakabilis naman yata niyang mahulog sa dalaga? Sino ba ito sa likod ng matatag nitong personalidad? Ni wala nga siyang alam tungkol sa dalaga. Nang makilala niya si Alessandra ay tila napaloob na siya sa isang rumaragasang ipo-ipo. Ni hindi niya mamalayan kung ano ang mga nangyayari. Gagawin ko ang lahat para mahalin mo ako, Alessandra, pangako niya.