CHAPTER 2
HINAPLOS- haplos ni Blaire ang kanyang batok. Sinulyapan niya ang wall clock. It was seven in the evening. Hapon na ng makapagkonsentra siya sa pagtatrabaho kaya naman itinuloy-tuloy na niya. Kailangang matapos ang financial reports na ginagawa niya bago bumalik ang kuya niya.
“Blaire,” pagtawag sa pangalan niya kasabay ng ilang katok sa pinto. Si Mang Justo iyon ang guwardiya ng building. Bagama’t payapa naman sa lugar nila ay may mga establisiyemto na rin naman na nag-e-empleyo ng mga guwardiya katulad nila. Kapag ganoong nag-o-overtime siya ay mahigpit ang bilin ng kuya niya kay Mang Justo na kada oras ay i-check siya.
Tumayo siya at binuksan ang pinto. “Okay lang ho---”Hindi na niya naituloy ang sinasabi dahil agad tumuon ang kanyang atensiyon sa lalaking kasama ng guwardiya. Si Jacob Valencia. Dalawang taon na ang nakakaraan mula ng huli niyang makita ang lalaking ito. Iyon ay noong grumadweyt siya ng kolehiyo at lumuwas ng Maynila para magpakadalubhasa at magtrabaho na rin. Ayaw man niyang aminin pero tila lalong gumuwapo ang lalaking ito. He looks manlier because of his tan. “Ikaw?! What are you doing here?!”
Itinaas ni Jacob ang bitbit nito na kahon ng doughnuts at take out coffee cups. Malawak ang pagkakangiti nito. At taglay pa rin ng binata ang pilyong kislap ng mga mata. His nose were prouder. Ang buhok ay aalon-alon pa rin. “Mukhang mag-o-overtime ka. Dinalhan kita ng---”
“Meron din niyan dito,” asik niya. Hindi mapigilan ni Blaire ang sarili sa palihim pa ring pag-aanalisa sa kanyang unwanted guest. Nakasuot ito ng kulay asul na polo shirt at pantalong maong. He’s only twenty five years old pero maganda na ang hulma ng batak na katawan. Ang muscles nito at magandang pangangatawan ay tila inaalagaan sa gym. Blaire knew better. Alam niyang hindi iyon nakuha sa paggi-gym. She was aware na mas gusto ni Jacob ang pag-aasyenda. Noon ay hindi iilang beses na nakita niya itong tumutulong sa mga trabahador sa pag-aani ng prutas at kung ano-ano pa. Hindi nito gusto ang pag-oospisina at pag-upo sa mga executive chairs. Ayon kay Meg, mas gusto ni Jacob na ginagamit ang katawan sa pagtatrabaho. No wonder he was physically fit, manlier, and…did she already pointed out that he’s more handsome?
“Sige ho, Mang Justo, ako na ho ang bahala rito,” baling ni Jacob sa guwardiya.
Her lips parted in disbelief nang agad tumalilis ang guwardiya. Hindi ba at nasa kanila ang loyalty nito? Dapat ay alam nito na mainit ang dugo niya sa lalaking ito at hindi ito dapat iwan roon kasama niya. Dapat ka pa bang magtaka, Blaire? Lahat ng mga tao sa bayang ito ay sumusunod sa isang Valencia, anang isip niya. And Blaire knew it was all because of respect. Bukod sa batid ng mga ito na mabubuti ang mga Valencia, alam din niya na noong unang panahon, bago pa magdeklara si Marcos ng dictatorship ay libreng ipinamigay ng mga Valencia ang lupa ng mga ito sa mga kababayan. Maliban sa lupaing sakop ng Hacienda Catalina. So, yeah, the Valencias are quite a hero. Tumatanaw ng utang na loob ang mga tao sa mga ito.
Pumasok si Jacob sa opisina ni Blaire. Tinungo nito ang lugar kung saan siya tumatanggap ng tao, mapabisita man o mapanegosyo. There was a set of sofa there. Inilapag nito ang mga dala sa mesita bago pasalampak na naupo sa isang settee. The nerve of this man. Akala mo kaibigan niya ito kung makaasta. But then, hindi mapigilang punahin ni Blaire na tila sumikip ang silid na iyon, pinuno ng presensiya ni Jacob. He was like a king, hindi sa asta kundi sa aura nito.
“Bakit ka ba narito?” Humalukipkip siya at sumandal sa gilid ng desk niya. “You are not welcome here.”
“Aw,” he said. Tumayo din naman agad ito at inilibot ang paningin sa kabuuan ng opisina. “Nice place, huh.” Simula ng itake-over niya ang accounting department ng kanilang negosyo apat na buwan na ang nakakaraan, iyon ang unang pagkakataon na naligaw doon si Jacob. Dinampot ni Jacob ang coffee cup, nilapitan siya nito, pagkatapos ay inilagay iyon sa palad niya.
“Ano ba,” angil niya. Napilitan naman siyang hawakan ang coffee cup dahil baka bitiwan iyon ng binata at matapunan pa siya.
Nginisihan siya ni Jacob. “Drink it,” utos nito. “Binilhan din kita ng doughnuts. Sa mga pagkakataong magkasama kayo noon ni Meg, lagi kong nakikita na doughnuts ang gusto mong kapartner ng kape.”
“Yeah, paborito ko talaga ang kumbinasyon niyon. Pero kung galing sa ‘yo, sa palagay mo makakain ko iyan?” Sinimangutan niya ito. Ito lamang ang nag-iisang Valencia na kinaiinisan niya. Mainit ang dugo niya rito. Iyon ay dahil madalas siya nitong pagkatuwaan at inisin noon. He’s like a bully. Sa kanya nga lang ito ganoon. Malakas itong humahalakhak kapag napipikon siya nito. At---napansin ni Blaire na mapanuri ang tingin ni Jacob sa kanya. “What?”
“When was the last time we see each other?” tanong ni Jacob, bahagyang kunot ang noo. It was as if he had seen her for the first time. Ang mga mata ng binata ay tila ba nalilito. There were questions lurking in it.
“Ano bang klaseng tanong ‘yan?” muling angil niya. Mula sa pagkakaupo ng bahagya sa gilid ng desk niya ay lumigid siya sa likuran ng desk at naupo sa executive chair niya. It was an act of evasion. Hindi kasi niya matagalan ang mapanuring titig nito. Para siyang inilagay sa ilalim ng microscope at masusing sinusuri nito kung anong klaseng nilalang siya. Kung tama ang pagkakatanda niya ay dalawang taon na ang nakakaraan ng huli silang magkita nito. Pagka graduate niya noon ng kolehiya ay lumuwas siya ng Maynila. Nagmasters siya at nagtrabaho rin sa kumpanya ng Tita niya. Noong bumalik siya apat na buwan na ang nakakaraan, ginusto niyang patunayan ang kakayahan niya kaya natutok siya sa pagtatrabaho. In fact, inuukupa niya ang isa sa limang apartment sa third floor. Bihira na siyang makalabas ng building. Kapag weekends naman ay nasa farm siya. Ngayon rin lang niya napagtanto na malumbay pala ang social life niya nitong nakaraang mga buwan.
“Well, gusto mong maging honest ako?” Naupo si Jacob sa silyang nasa harap ng desk niya. Dinampot nito ang lapis niya at tila tila stick ng drums na itinambol-tambol iyon sa ibabaw ng mesa. And then he looks at her intensely. Hindi magawang salubungin ni Blaire ang titig na iyon dahil nagdudulot iyon ng wala sa ritmong pagkabog ng kanyang dibdib. Naaalala pa ni Blaire noong college days kung papaanong kiligin ang female population sa kanilang eskuwela kapag may isang Valencia na naliligaw roon, may asawa man o wala. They---The Valencias---are quite a celebrity. Papaano, aminado rin naman siya na guwapo at magaganda ang mga ito. Para bang isa ang lahi ng mga ito na masyadong mahal ng Diyos kaya pinagkalooban Niya ng napakagandang genes. “You look like a woman. A very beautiful one.”
Muntikan nang mabulunan si Blaire sa narinig. “I am a woman! Ikaw lang naman ang nag-iisip na tomboy ako!” asik niya. Right. Iyon ang dahilan kung bakit mainit ang dugo niya rito. Madalas nitong pagkatuwaan ang kilos niya na aminado naman siyang may katigasan. Madalas nitong pagkatuwaan ang mga jeans at loose shirts na paborito niyang outfit noon. Lagi nitong pinag-iinitan ang maiksing tabas ng buhok niya. Madalas tuloy, kapag nakikita niya ito noon na may kausap at nagtatawanan ang mga ito, pakiramdam niya ay siya ang paksa ng mga ito. Batid niya na napakalayo ng hitsura niya noon sa hitusra niya ngayon.
“Ako lang ba?” agad na ganti naman ng binata. “Ang kuya mo kaya ang nagsabi sa akin na baka tipo mo daw si Megan.”
Napatayo si Blaire. Parang umalsa ang lahat ng dugo niya. “Ano ‘kamo? Tipo ko si Megan? As in type ko siya? May gusto ako sa kanya?” sunod-sunod na tanong niya. Kinilabutan siya. “Are you serious?!” nahihindik na tanong niya. Hindi pa talaga sumablay kahit minsan ang lalaking ito para pikunin siya. At kapag namumula na siya sa pagkapikon tsaka naman ito hihingi ng paumanhin. Yeah. Nagso-sorry naman ito. Pero paano ba niya tatanggapin ang sorry nito kung halos magluha ang mga mata nito sa katatawa sa kanya?
Jacob laugh aloud. “Iyon ang iniisip ng lahat. Megan’s like a doll with her dresses and accessories and shoes... Tapos ikaw, ang porma mo, jeans and shirts and rubber shoes and short hair.” Muli itong humalakhak. “Seriously, hindi ka aware na ganoon ang iniisip sa ‘yo ng tao?”
Hindi na maipinta ang mukha ang Blaire. Bahagya siyang tumayo at dumukwang para sana paluin ang braso ng binata. Pero nahuli ni Jacob ang palad niya. And then his laughters were gone. Nag-ugnay ang mga mata nila. Pakiramdam ni Blaire ay umalon ang sikmura niya. But the feeling was far from being sick. Hindi pamilyar sa kanya ang pakiramdam na iyon. Pagkatapos ay bigla siyang nakarinig ng drum na tila mabagal na tinatambol. Was it the rush of the blood at the back of her ears or was it the beating of her heart? Pakiramdam ni Blaire ay nanunuyo ang lalamunan niya. And yet, hindi niya magawang magbawi ng paningin.
DESIMULADONG napalunok si Jacob. His heart was wildly beating against his chest. Naramdaman din kaya ni Blaire ang kakaibang pakiramdam na iyon nang mag-ugnay ang mga mata nila at magdikit ang mga palad nila? Because he’s feeling it.
Two years na pala ang nakakaraan mula ng huli niyang makita si Blaire. Ilang buwan na nakakaraan mula ng marinig niya mula kay Megan na bumalik na umano si Blaire sa bayan nila. May mga pagkakataon na dumadaan siya sa building na ito sa pag-asam na makita ang dalaga. But to no avail she was always nowhere in sight. Hindi naman ganoon katindi ang urge na makita niya ang dalaga para abangan ito o sadyain pa. Maliban kanina. Kaya naman agad siyang nagpaalam kay Flint matapos ang ribbon cutting ng coffee shop nito. Bumili siya ng kape at doughnuts at agad ng dumeretso dito.
Two years had been good to her. Napakaraming pagbabago sa pisikal na hitsura ng dalaga. Oh well, not really on the physical appearance itself. Si Blaire, katulad ng pangalan nito, ay natural na maganda. Ang pagbabagong tinutukoy niya ay ang pananamit at kilos nito. It was so lady-like now, hindi katulad noon.
Ang pagbawi ni Blaire sa palad nito ang nagpabalik sa naglalakbay niyang kamalayan. At marahil hindi nito nakalkula ang aksiyon kaya nasagi nito ang kape. Jacob’s reflex was fast. Naagapan niya ang paper cup na may takip naman bago pa iyon tuluyang matumba. Iyon nga lang, may mga likidong natapon at nagmantsa iyon sa ilang papel na nasa mesa.
Blaire shriek in horror when she saw the stained papers. Pero imbes na sigawan siya ay ilang beses na huminga ito ng malalim para kalmahin ang sarili bago siya hinarap. “Makakaalis ka na,” nagpipigil ng gigil na wika nito. “Now, I have to do it all over again.”
“Okay. I’m sorry.” Napansin ni Jacob na puro handwritten ang mga entry na nakasulat sa ilang papel. “Kung gusto mo tutulungan kita. Kaya ko naming i-rewrite ang mga figures na---”
“Kaya ko ‘yan. Just leave, okay?” mataray na sabi nito.
Ipinasya ni Jacob na huwag nang mangulit pa dahil tila ano mang sandali ay uusok na sa galit ang bumbunan ng dalaga. He held his hand up as a sign of surrender. “Okay. I better get going. Oh. Siya nga pala, nakausap ka na ba ni Megan?” Pinanlakihan siya ng mga mata ni Blaire. And he finds it cute. Napangiti siya. “About our date…? Friendly date?”
“Date-in mong mukha mo!” anito. Lumigid ang dalaga sa gawi niya. Hinawakan nito ang braso niya at hinila siya palabas ng opisina. “Umalis ka na nga.”
Jacob felt playful. Tulad ng dati, kapag nakikita niyang nanggigigil na si Blaire ay lalo niya itong iniinis. Inakbayan niya ang dalaga at hinapit pa sa katawan niya. This time, he wasn’t doing it for further fun. Gusto lang niyang gawin iyon. Gusto niyang malaman kung ano ang pakiramdam kapag inakbayan niya ang dalaga. And Jacob smiled at the feeling he felt. Siyempre pa ay hindi nagpatalo si Blaire. Before he knew it. Dumidiin na sa braso niya ang mga ngipin nito. “Aw! That hurts.”
Nginisihan siya ni Blaire. “Who do you think you are? Hindi tayo magkaibigan. Wala kang karapatan na akbayan ako.” Binuksan nito ang pinto at imuwestra ang labasan.
“Okay, okay,” he said. “Susunduin kita sa bahay ninyo bukas.” Iyon lang at mabilis na siyang umalis.
“Hoy! Hindi ako pumapayag, ha!” pahabol ng dalaga.
“See you tomorrow,” balik niya na hindi lumilingon.
“SERIOUSLY, kuya? Sinabihan mo si Jacob noon na baka type ko si Megan?” Hindi matahimik na tanong ni Blaire sa kanyang Kuya Blake. Nasa apartment na siya noon at hindi siya matahimik kaya naman kinompronta niya ang kapatid sa pamamagitan ng Skype.
Blake looks like he was caught off-guard. “Eh…”
“Eh?” gagad niya.
Nagkamot ng ulo si Blake. “Look, I said that out of frustration, you know. Hindi mo nga kinokompirma na tomboy ka, hindi mo rin naman itinatanggi. Sabi mo pa nga ‘walang pakialamanan, kuya.’”
Blaire couldn’t believe it. Hindi siya makapaniwala na ganoon pala kalaki ang issue na iyon. Ni hindi nga siya nagkaroon o dumanas ng identity crises. Alam niya sa sarili niya na babae siya. Nangyari nga lang na hindi siya pa-girl kung kumilos at manamit. “Lumaki ako na napapaligiran ng mga barako, what do you expect?” balik niya. Ang mga barakong tinutukoy niya ay ang kuya at papa niya. Pareho kasing brusko ang mga ito. Maliit pa siya noon nang nangibang-bansa ang Mama niya para magtrabaho bilang nurse. Thirteen na siya ng bumalik ito at ginamit ang ipon para pasukin nila ang trucking business. Nagsimula sila sa dalawang truck. Their business boomed. Halos kulang isandaan na ang trucks nila. Basically, ang nature ng business nila ay trucks for hire. Sila ang nagluluwas pa-Maynila ng mga kalakal ng Mindoro tulad ng prutas, gulay, niyog, saging, at kung ano-ano pa. Pagbalik naman ng Mindoro ay kung ano-anong kalakal din mula Maynila ang isinasakay nila.
“Imagine our relief nang magkaboyfriend ka,” sabi pa ng kuya niya. “Mula sa pagiging boyish, unti-unti kang nagpakababae. Anyway, paano mo nga pala nalaman ang tungkol riyan?”
Humalukipkip siya. “Sinabi ni Jacob.”
Lumapit si Blake sa monitor ng laptop. “Si Jacob? Wait. So, you’re friends now?”
“No!” mariin niyang tanggi. “Sige na nga. Bye na. Basta may atraso ka sa akin, Kuya, ha.”
Nang madiskonekta ang koneksiyon, binuklat ni Blaire ang ilang photo albums na nadala niya sa apartment. Napangiwi siya. Ang jologs nga pala ng porma niya noon. Eh, bakit ba? Eh sa get-up na iyon ako komportable eh, pagtatanggol niya sa sarili. Ang totoo, isa sa mga dahilan kung bakit pinanindigan niya ang jeans at shirts ay para itaboy ang mga manliligaw. Gusto kasi niyang mag-concentrate sa pag-aaral. Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko pero para siyang bulaklak na maraming nectar kaya pinaliligiran ng mga bubuyog. Kaya lang imbes na matuwa sa atensiyon, nabubuwisit siya sa mga ingay na nililikha ng mga bubuyog na iyon.
“SIGURADO ka ba diyan, Kuya Jake?” nanlalaki ang mga mata na tanong ni Megan kay Jacob. Hindi pa rin matahimik si Megan kaya kinausap siya nito at pinakiusapan na huwag na niyang asarin ang kaibigan nito. It was early in the morning. Nasa manggahan siya noon at binibisita ang mga puno ng manga na hitik sa bulaklak. Dahil makulit si Megan, napilitan si Jacob na sabihin sa pinsan ang totoong pakay niya kung bakit nais niyang makausap si Blaire.
“Yeah.” Tinapik niya ang kanyang kabayo at marahang pinalakad iyon. Si Megan na nakasakay rin sa kabayo nito ay umagapay sa kanya. “Kaya nga, tinawagan kita last week ‘di ba? Tinanong kita kung sila pa ba ni Paul. You said yes.”
“But…” nalilitong usal ni Megan. “How can you be so sure that it was him? Ilang beses
mo lang nakita si Paul. And…how come nakilala mo agad siya?”
“Actually, hindi si Paul ang una kong nakilala kundi ang kasama niya. It’s Juliet.”
Nanlaki ang mga mata ni Megan. “Juliet, your ex?”
Tumango si Jacob. “Wala ng iba. Ang totoo ay inisip ko pa kung kakilala ba ang lalaking iyon dahil tila pamilyar. Hanggang sa pumasok na sa isip ko na siya ang boyfriend ni Blaire.”
“I can’t believe this,” bulalas ni Megan na may pagkumpas pa ng mga palad.
“I know right. So, Meg, I think it is best kung ikaw na ang kakausap sa kanya. Since kayo naman talaga ang magkaibigan.”
“What? How am I supposed to tell her that her boyfriend is cheating on her?” ani ni Megan. Iyon ang bagay na gusto niyang sabihin kay Blaire na pinagtataksilan ito ng boyfriend nito. He saw it on his own eyes. Sa isang mall sa Maynila, noong bumibili siya ng pasalubong ay nakita niya si Juliet na may kahalikang iba. At ang klase ng halik na pinagsasaluhan ng dalawa ay nagpapahiwatig ng kung anong relasyon meron ang dalawa. The guy seemed familiar. Hanggang sa makilala niya na iyon si Paul. Suddenly, naisip niya si Blaire. Tinawagan niya si Meg at tinanong kung magboyfriend pa ba sina Paul at Blaire. Megan said yes. Kaya naisip niya na dapat niyang makausap si Blaire at sabihin dito ang nakita niya.
“Exactly. Hindi ganoon kadali na sabihin sa kaibigan mo na pinagtataksilan siya ng boyfriend niya.” Nagngingitngit na sabi niya. He felt protective towards Blaire. Bumaba siya sa kabayo nang marating nila ang parte na may mga damo. Hinayaan niyang manginain iyon roon. Inalalayan din niyang makababa ang pinsan pagkatapos ay nakahalukipkip na sumandal siya sa isang puno.
“Hindi ako makapaniwala na magagawa iyon ni Paul. I’ve met him a few times at mukhang mabait naman. Isa pa, ang tagal niyang nanligaw kay Blaire. I’m going to call Blaire,” anito at agad nailabas ang telepono. Jacob watched his cousin. “Blaire, good morning…” ani ni Megan. Si Jacob ay matamang nakikinig lamang. “Tungkol kay Kuya Jacob…Yeah, well, sinabi sa akin ni Kuya ang rason niya kung bakit gusto ka niyang makausap. Blaire, it’s…it’s important. Y-you should hear it…” Sumulyap si Megan kay Jacob. May paghihirap sa mga mata ng kanyang pinsan. Megan really cares for Blaire. “Actually gusto ni Kuya na ako na ang magsabi sa ‘yo pero…I can’t. I just can’t. So please, pumayag ka ng mag-usap kayo ni Kuya mamaya, ha?...Yeah, magagarantiya ko sa ‘yo na importante ito at dapat mo siyang pakinggan… Okay. Thanks.”
“Ano’ng sabi niya?”
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Megan. “Payag na siya.”
“Come with us. Tayong dalawa ang kumausap sa kanya.”
Umiling si Megan. “Hindi ko gustong makita ang pagkabigo niya.”
Hindi rin niya kayang makita ang pagkabigo ni Blaire. Napagtanto ni Jacob na mahirap ang gagawin niya. Pero kailangang malaman ni Blaire ang totoo. “What if hindi siya maniwala sa akin?”
“Hindi mo kilala si Blaire, Kuya. Kapag may sinabi ka sa kanya, maaaring hindi nga agad siya maniwala, pero mag-iimbistiga siya. Hindi siya titigil hangga’t hindi niya nalalaman ang totoo.”
“But this will be her first heart break, right? Magiging mahirap ito sa kanya…” Jacob sighed. Nagkataon pa naman na nakatakdang umalis si Megan patungong London para katagpuin ang kuya nito na si Connor.
“Kuya Jake, please, be there for Blaire,” mangiyak-ngiyak na pakiusap nito. “Bumawi ka sa kanya this time. Matagal mo rin siyang inasar-asar.”
“Iyon nga ang balak kong gawin,” pag-amin ng binata.