
Summary
Nag-apply si Marissa bilang personal assistant ni Vicente Valencia. Ayaw siya nitong tanggapin dahil ayaw na umano nito ...
CHAPTER 1
CHAPTER 1
Kuntentong pinagmasdan ni Marissa ang butas na nasa pinakagitna ng kanyang paper target. Nasa Firing range siya noon at nagpa-practice ng pagbaril. Hindi pa rin siya nagmimintis dahil asintado pa rin siya. Umaga niyon. Dumaan lamang siya roon bago pumasok ng opisina.
Inayos na niya ang mga gamit niya para pumasok na sa opisina na hindi kalayuan sa kinaroroonan niya. Ilang minuto lang at naroon na siya.
Kauupo pa lang ni Marissa sa kanyang executive chair ng tumunog ang cellphone niya. Agad siyang na-curious ng makita niyang si Vladimir Mondragon ang tumatawag. Dati itong mataas na opisyal ng Philippine Army pero mula ng makapag-asawa ay nagretiro na at piniling magtayo ng sariling negosyo. Ang kuya niya na isa ring sundalo ang talagang kaibigan nito. Mula ng mamatay ang kapatid niya ay naging magkaibigan na rin sila ni Vladimir.
“Vlad,” agad na bati niya rito. Hindi sila ang tipo ng magkaibigan na madalas mag-usap o magtawagan, ganoon pa man, alam nila na kaibigan nila ang isa’t isa. “Kanino ko utang ang tawag mong ito?”
Vladimir chuckled. “Kilala mo ako Issa, kaya kong mabuhay na walang cellphone.” Natatawang komento nito.
Napangiti siya. “Alam ko. So kumusta ang asawa mo? I heard, binigyan na naman siya ng parangal ng isang Asian award giving body. Congratulations kamo.” Sikat na newscaster ang asawa ni Vladimir.
“She’s fine. Makakarating sa kanya at salamat. Ahm, Issa, tumawag ako para sabihan ka na ini-refer ko ang agency mo sa isang malapit na kaibigan. No. Actually, hindi lamang malapit na kaibigan kundi halos kapatid ko na rin, si Charlie Valencia.”
Naikuwento na sa kanya ng kuya niya na halos kapatid na nga daw ang mga Mondragon at mga Valencia. Pero kahit kailan ay hindi nagsalubong ang mga landas nila sinuman sa mga Valencia dahil hindi siya nakakaattend ng kahit na anong okasyon kina Vladimir. Magkagayon man, kilala pa rin niya sina Charlie at Vicente Valencia dahil sikat na personalidad ang mga ito. Si Charlie ay isang chef at si Vicente o Enteng ay isang singer.
Ang agency na tinutukoy ni Vladimir ay ang Oliveros’ Security Agency. Itinatag iyon ng lolo niya na isang war veteran. Napasa sa papa niya, sa kuya niya, at ngayon ay sa kanya. Hindi siya matatawag na tomboy pero lumaki siya na may hilig sa baril at aksiyon. Bata pa lamang siya ay nag-aral na siya ng mga martial arts, ganoon din ng paghawak ng baril.
Nursing ang kursong tinapos niya pero hindi naman siya tinutulan ng kuya niya ng maging intresado siya sa agency. Sa katunayan, ito pa nga ang nagturo sa kanya ng maraming bagay bago ito bawian ng buhay. Pinatunayan niya ang kakayahan niya kaya naman iginagalang siya ng mga tauhan niya kahit napakabata pa niya kumpara sa nga ito.
“Charlie Valencia? Kailangan niya ng bodyguard?” tanong niya kay Vladimir. May nagtatangka ba sa buhay nito?
“Hindi si Charlie but—anyway, darating naman riyan sa opisina mo si Charlie. Kayo na ang bahalang mag-usap.”
“Okay. I hope hindi ka mapahiya sa referral mo sa agency namin.” Nilangkapan niya ng biro ang pagkailang na nararamdaman. A referral coming from Vladimir Mondragon means a lot. Lalo pa nga at malapit na kaibigan pa nito ang taong iyon.
“Aw! come on Issa. Malaki ang tiwala ko sa agency ninyo at lalo na sa ‘yo. You know your brother talks so much about you. Kung gaano ka kagaling at ka-dedicated sa trabaho mo. How you always outsmart him in any way.”
“Wala akong masabi,” aniyang nagsisimula ng maging emosyonal. “Salamat sa tiwala.”
“Don’t thank me because you deserve it. O pano? Expect a visit from Charlie, okay?”
“Okay. Bye.”
SHE WAS being warned about the visit of Charlie Valencia. Pero hindi niya inakala na noon din mismong araw na iyon ay darating ito sa opisina niya at may kasama pang isang lalaki na hindi pahuhuli ang kaguwapuhan sa binatang chef. Hindi niya ito kilala pero tila may dugong Valencia ito dahil may hawig ito kay Charlie.
“Itinawag na sa akin ni Vladimir ang tungkol sa pagdating mo—ninyo,” aniya sa mga ito ng makapasok ng opisina niya. Iniumang niya ang palad niya para makipagkamay. “Marissa Oliveros at your service.” Hindi nakaligtas sa kanya ng rumihistro ang pagtataka sa mukha ng dalawang lalaki.
“I didn’t expect we’ll be dealing this matter with—”
“With a lady?” putol niya sa sinasabi ni Charlie. Binigyan niya ito ng isang pormal na tingin.
Gumuhit ang manipis na ngiti sa labi nito. “With a very young and gorgeous lady,” anito bago tinanggap ang palad niya. “Ako si Charlie at ito naman ang pinsan ko si Cedrick.”
“It’s my pleasure to have you here. Please have a seat.” Iminuwestra niya sa dalawa ang receiving area kung saan nila idi-discuss ang sadya ng mga ito.
Naupo naman ang mga ito roon. Nang maidulot ang kape tsaka nila binuksan ang paksa.
“Kuya Vladimir refers this agency. Ibig sabihin kilala ka niya at alam niya na makakatulong ka sa amin. Hindi na kami magpapaligoy ligoy pa Miss Oliveros. Kailangan namin ng bodyguard para kay Vicente.” Wika ni Cedrick na mukhang mas pormal kesa kay Charlie.
So that’s it. Si Vicente—ang singer—ang nangangailangan ng bodyguard.
“Vicente was a singer, a public figure. Wala kaming ideya kung sino ang pupuwedeng magtangka sa buhay ni Vicente dahil wala naman itong nakakaaway. Last month, may sumabotahe ng chartered plane ni Vicente pero si Kuya Brandon ang naging biktima. Naaresto na ang salarin pero ayaw niyang ituro ang master mind. We are all worried about it. Hindi imposible na muling maulit ang mga ganoong pangyayari hangga’t hindi nahuhuli ang master mind kaya napagdesisyunan ng pamilya na ikuha ng bodyguard si Vicente.” Patuloy ni Cedrick.
Mataman siyang nag-isip. “Desisyon ng pamilya? Ibig bang sabihin, hindi alam ni Vicente na magkakaroon siya ng bodyguard?”
“Ganoon na nga.” Si Charlie ang sumagot. “We wanted the job to be as discreet as possible. Aalis si Vicente papuntang Europe dahil may recordings siya roon. As much as possible, gusto ng pamilya na may bantay na si Vicente sa oras na iyon kahit hanggang sa Europe pa. Money is not an issue here. Ang gusto naming malaman ay kung may mga competitive staff ka ba na maaaring gumawa ng trabahong iyon,” anito na hindi niya malaman kung bakit tila may naglalarong mga liwanag ng ilaw sa mga mata nito.
They wanted the best man. Isang bodyguard na talentado, highly skilled, at masisiguro ang kaligtasan ng singer sa lahat ng sandali. Marami silang tauhan na nagtataglay ng mga katangiang iyon. And they can be as discreet as possible. Kung tutuusin, marami na rin silang kliyente na nasa linya ng pulitika at showbusiness. Sisiw na ang ganoong trabaho.
Pero iba ang kasong ito. It was somewhat personal dahil ayaw niyang mapahiya kay Vladimir. Bukod sa kaibigan niya ito, sa pagkakaalam niya ay ito lamang ang kinaibigan ng kuya niya at hindi iilang beses na hiningan ng pabor. Now it’s her turn to return the favor.
“We want the best of the best, Miss Oliveros. Do you have one?”
“Meron. Ako.”
Suminghap ni Cedrick. Si Charlie ay ngumiti ng makahulugan.
“Ikaw?” kunot ang noong pagkumpirma ni Cedrick.
“I'm capable. Para patunayan kung totoo ang sinasabi ko, wala kang ibang gagawin kundi ang tanungin si Vladimir. In the first place, kaya nga kayo narito ngayon ay dahil sa rekomendasyon ni Vladimir, hindi ba?” Nakataas ang noo na wika niya. Bagama’t nauunawaan niya ang naging reaksiyon ni Cedrick. Sa isang tao na hindi siya kilala ay hindi maiisip na nasa ganoong linya siya ng trabaho. Hindi siya astig tingnan. Very feminine ang mga facial bones niya. Hindi naman sa pagbubuhat ng bangko pero alam niya na maganda siya. Mataas siya kumpara sa pangkaraniwang height ng isang Filipina. Her curves fall in the right places. Itinatago lamang niya iyon sa mga jackets niya. Malakas ang kita ng agency kaya mayaman rin siyang maituturing.
Kung papaano siya makakalapit kay Vicente na hindi nito nalalaman na isa siyang bodyguard? Iyon ang mataman niyang pagpaplanuhan.
Tumunog ang telepono ni Cedrick. Nagpa-excuse ito bago tumayo at sinagot ang tawag. Ilang sandali ang lumipas at muli na itong naupo.
“Si Kuya Dylan ang tumawag.” Imporma nito sa kanila. “Oh Miss Oliveros, si Kuya Dylan nga pala ang manager ni Vicente. The timing is just perfect dahil nagpapahanap daw si Enteng ng personal assistant.” Tumingin ito sa kanya. “You’re in. Mag-a-apply ka bilang personal assistant ni Enteng. We need you to be as close with him as possible.”
“Tumawag na rin sa akin ‘yan—wait, hindi ba niya sinabi sa ‘yo na lalaki ang gustong maging assistant ni Enteng?” tanong ni Charlie.
“Ipinagdiinan pa nga,” anito bago nagkibit balikat. “Up with the challenge Miss Oliveros?”
“I'm in,” sagot niya.
MAHINANG napasipol si Marissa ng makita niya kung gaano kahaba ang pila ng mga nagnanais na makakuha ng autograph kay Vicente Valencia. Nasa isang mall siya noon at sinisimulang pag-aralan ang routine ng binata. Iyon ang huling leg ng mall tour at album signing ng binata bago ito pumunta ng Europe. Mamaya ay isasama na siya ni Cedrick sa bar kung saan tutugtog si Vicente.
Everybody was excited. Lalo na ang mga kababaihan na may mga hawak ng abum ng binata. Iyon na nga naman ang pagkakataon ng mga ito na makalapit sa binata, makapagpapicture, at makapagpa-autograph. Ang giveaway na poster ng binata ay ingat na ingat na hinahawakan ng mga ito na animo isang kayamanan.
Magkakalahating oras na siyang nagmamasid roon pero hindi manlang yata nababawasan ang mga nasa pila. Tila nga lalo pang humahaba ang mga iyon. Alam niyang sikat ang singer subalit ngayon lamang niya naunawaan kung gaano ito kasikat. Hindi na siya magugulat kung makailang platinum o gold ang album nito. Why, it was selling like hotcakes!
Nabigyan na siya ng briefing ni Cedrick. Alam na niya kung sino sino ang makakatrabaho niya pagdating sa career ng binata. It was a good thing na si Dylan Valencia ang manager nito. Hindi siya mahihirapan dahil alam nito kung ano ang sitwasyon. Dylan was there. Nasa isang sulok ito katabi ng asawa nito na si Lorraine.
“Oh,” mahinang bulalas ni Marissa ng siksikin siya ng isang babaeng nagnanais masulyapan manlang ang binata. The girl sighed in admiration. Imbes na mainis ay napangiti nalang siya. Ibinalik niya ang tingin sa podium kung saan naroon ang binata. Abala pa rin ito pagpirma habang nakapagkit na sa labi nito ang isang kaakit akit na ngiti. Tila wala rin itong kapaguran sa pagbibigay sa mga babaeng nagnanais na magpapicture rito.
“Vicente…” she pondered the name.
“I CAN be your hero baby. I can kiss away the pain, oh yeah. I will stand by you forever. You can take my breath away..”
Napangiti si Vicente sa mga audience niya na siyam na pu at siyam na porsiyento ay mga kababaihan at pusong babae. Ang bawat isa ay may nakasungaw na dreamy look sa kanilang mga mata habang nakatitig sa kanya.
Vicente bow his head pagkatapos ng huling nota ng kanyang inaawit. Ang kantang ‘Hero’ ang huling kanta niya sa gabing iyon. “Thank you. Salamat!”
“More, more, more!” the crowd chants in unison.
“Hey, guys, wala ba kayong ibang pupuntahan?” natatawa niyang tanong sa mga ito. Nginitian niya ang mga ito kaya naman lalong lumakas ang tilian.
“Wala!” iisang sagot ng mga ito na ikinatawa niya.
“Aww! Paano ba ‘yan, may lakad ako eh,” aniya. Umungol ang mga ito sa pagpoprotesta pagkatapos ay tila iisang tinig na humiyaw uli ng ‘more, more, more!’
He was Vicente Valencia or Enteng to family and friends. Bata palang daw siya ay kinakitaan na siya ng talento sa pagkanta. At the young age, he was already a performer. Hindi natatapos ang bawat reunion ng pamilya nila na hindi siya pinakakanta. And he loved the attention and the praises kaya naman panay ang pakitang gilas niya. Ginagaya niya ang mga sikat na rock star sa Hollywood. Sa pagdaan ng panahon na-realize niya na hindi pala ang atensiyon at mga papuri na dulot ng pagkanta niya ang gusto niya kundi ang pagkanta mismo. He loves the craft. Sa puso niya ay unti unting bumangon ang isang pangarap—ang maging isang tanyag na mang-aawit.
Lumaki siya sa San Fransisco. Permanenteng umuwi lamang siya ng Pilipinas ng makatapos ng pag-aaral. Ang mga Valencia ay mayaman pero imbes na magtayo siya ng negosyo katulad ng mga pinsan niya ay pinili niyang tahakin ang landas na gusto niya, na mahal niya—ang pagkanta. Wala namang tutol sa pamilya niya maliban sa isang kondisyon; na si Dylan dapat ang magiging manager niya para mapangalagaan umano ang kapakanan niya. Dylan agreed to the idea. Hindi naman naging hadlang iyon para maapektuhan ang pagiging negosyante nito.
Pumunta siya sa ibat-ibang singing auditions—mga TV shows. Nadismaya lang siya ng mapansin niya na mas binibigyan yata ng atensiyon ang panlabas niyang hitsura kesa sa talento niya. May pagkakataon pa na sadyang ipinalya niya ang mga nota at sa pagkadismaya niya ay natanggap pa rin siya. Ganoon pa man, pinatunayan niya na may ibubuga talaga siya sa pagkanta. Sa kabutihang palad ay nagtagumpay naman siya.
“More, more!” Lumakas ang hiyawan ng mga manunuod.
Tumuon ang mga mata niya sa isang sulok ng bar. Naroon si Cedrick at nanunood ng gig niya. Pero hindi ito nag-iisa dahil may kasama itong babae. Maayos na nakapusod ang mahabang buhok nito. She wears a denim jacket and fitted denim pants. Hindi niya masyadong mabistahan ang hitsura ng babae dahil medyo mapusyaw ang ilaw ng loob ng bar. Ganoon pa man, may kung ano sa personalidad nito na nakakatawag ng pansin. At nakakatitiyak rin siya na hindi ito karelasyon ni Cedrick dahil hindi naman nagpapakita ng kahit na anong intimate actions ang dalawa hindi katulad ni Dylan noong isama nito si Lorraine sa bar ding iyon.
Inalis niya ang paningin rito at ibinalik iyon sa karamihan. “You want more?” Tanong niya sa audience.
“More!”
“Okay, okay. Dahil mahal ko kayo. Kakanta pa ako ng isa. Then magkikita kita nalang uli tayo sa susunod kong gig. Okay ba iyon?” Pumayag naman ang lahat. Sumenyas siya sa band members niya. And as if on cue. Biglang dumilim ang paligid at tumutok sa kanya ang spotlight. Yumuko siya. Nang mag-angat siya ng paningin ay nakapaskil na sa mukha niya ang isang naughty look. Hiyawan ang mga manunuod.
“Swaying room as the music starts. Strangers making the most of the dark. Two by two their bodies become one. I see you through the smokey air. You’re so close but still a world away. What I'm dying to say, is that I'm crazy for you…” The crowds went crazy.
Pagkatapos ng kantang iyon ay nagpaalam na siya sa audience niya.
“Guys, una na ako sa inyo,” aniya sa mga kabanda ng na sa backstage na sila. “Kita kita nalang uli pagbalik ko galing Europe.” Dagdag pa niya habang kinukuha ang gitara. Noong nakaraang buwan pa dapat siya pupunta ng Europe para sa magrecord ng ilang awitin pero nagkaroon ng aberya ng maaksidente ang pinsan niyang si Brandon. Ginamit ni Brandon ang personal chopper niya at aksidenteng nagcrash iyon. Ganoon pa man, tila blessing in disguise rin ang nangyari dahil muling nagtagpo ang landas ng pinsan niya at ni Febe—ang babaeng noon pa ay minamahal na nito.
“Sure. Ang pasalubong namin huwag kalilimutan,” wika ni Blake, ang drummer. Ang bandang Orion ay binubuo ng keyboardist—si Shane, drummer—si Blake, guitarist—si James, at vocalist—siya.
Solo performer na siya bago pa man siya maging miyembro ng bandang iyon. He likes the Orion. Ilang beses na niyang napanood ang performance ng mga ito. Talentado ang bawat isa at talaga namang nag-be-blending ang bawat instrumento. Nang mawalan ng vocalist ang Orion, nag-audition siya at natanggap naman. Kalabisan mang sabihin pero malaki ang naitulong niya para makilala ang Orion sa Pilipinas. Isa sa pinakagusto niya sa Orion ay ang pagiging malinis na banda nito. Walang bisyo at solido ang samahan. Sa pagkakaalam niya, kaya natanggal ang dating vocalist niyon ay dahil sa isyu ng droga. Orion didn’t want that.
“I’ll keep that in mind.” Lumabas na siya ng backstage at nagtungo sa isa pang silid na alam niyang duon naghihintay ang pinsan niyang si Cedrick. Kasama ang recordings na iyon sa Europe sa mga natanguan niya noon pa man kaya nauunawaan ng mga ito na mag-isa lang siyang pupunta ng Europe.
