ChapterThree
HALA! Patay kang bata ka, Julienne, nangangarap ka nang gising! Wake up! Tinampal-tampal ni Julienne ang kanyang pisngi. Nasa parking lot na siya noon at handa nang umuwi. Pero pakiramdam niya ay lumulutang siya, naglalakad sa alapaap. Hindi niya magawang alisin sa isip ang nangyari kanina, patuloy iyong umuukilkil sa kanyang gunita lalo na ang ngiti ng lalaki. Tila ba namaligno siya sa ngiting iyon. Because, oh, boy, the man was as gorgeous as sin.
Ano kaya ang pangalan niya? I know he’s single dahil wala naman siyang suot na wedding ring. May girlfriend kaya? Sa isang linggo na panonood niya sa akin ay wala naman siyang nakakasama…
Bumuntong-hininga si Julienne. Mukhang hindi na lamang simpleng crush ang nararamdaman niya para sa lalaki dahil ginugulo na nito ang kanyang sistema. Umiling siya. Stop it, Julienne, stop it. Pero paano nga ba niya mapipigilan ang atraksiyon na sumisibol sa kanyang dibdib? Binuksan na niya ang pinto ng kanyang sasakyan at pasakay na siya nang marinig niya ang pagtawag sa kanyang pangalan.
“Julienne! Sandali!” pagtawag sa kanya ng supervisor ng entertainment department na kinabibilangan niya. Tumigil siya sa tangkang pagsakay sa sasakyan at hinarap ang babae. “My God…”
Binigyan niya ito ng nagtatanong na tingin. Alam nito na hindi siya nagsasalita. Hindi naman kasi nakakahadlang sa kanyang trabaho bilang mime ang kondisyon niya kaya tinanggap siya roon. Isa pa ay napatunayan ni Julienne ang kanyang talento sa pagma-mime. The supervisor was impressed with her skills kaya hindi naging issue kung hindi man siya nakakapagsalita.
The supervisor caught her breath first. Mayamaya ay nanlaki ang mga mata nito sa kanya. “Nakarating sa akin na ginamit mo raw sa isang performance mo kanina ang boss natin. Seriously, Julienne? Ginawa mo `yon?”
Pagkalito ang unang naging reaksiyon niya. Boss? Sino ang tinutukoy nito? Wala naman siyang ibang nakasama sa isa sa mga act niya kundi ang lalaking— Umawang ang kanyang bibig sa pagkabigla. Ang lalaking iyon ang boss nila sa WonderWorld?
“Oh, no. Your expression… Hindi mo alam na siya si Sir Edward? Sa loob ng dalawang linggo na pananatili mo rito sa WonderWorld, wala kang nakitang picture niya sa mga organizational chart?”
Umiling si Julienne. Alam niya na Edward Henares ang pangalan ng boss nila roon. Bagaman hindi nga niya napagtutuunan ng pansin ang mga organizational chart na nakita niya, paano ay laging nasa pagma-mime ang kanyang isip. Noon namang mag-apply siya ay hanggang sa HR at supervisor lang ang pinagdaanan niya. At dahil hindi siya gaanong nakikisalamuha sa mga kapwa niya empleyado ay wala siyang naririnig na kuwentuhan mula sa mga ito.
“Pero mukhang hindi naman niya ikina-offend ang ginawa mo. Dahil kung na-offend si Boss, siguradong kanina pa niya ako ipinatawag. Knowing him, tiyak na hindi niya ito palalampasin kung nairita mo siya. Hmm… O siya sige, umuwi ka na. Bukas na lang natin ituloy ang usaping ito. By the way… good job, Julienne. Magaganda ang feedback ng mga customer sa `yo.”
Tulalang napatango na lang si Julienne. That gorgeous man was Edward Henares, my boss?
KINABUKASAN ay hindi nagawang pumasok ni Julienne sa WonderWorld dahil masama ang kanyang pakiramdam. Agad siyang nagpasabi sa supervisor na hindi siya makakarating sa trabaho. Biniro pa siya nito na baka raw umiiwas lang siya dahil sa nangyari kahapon. She denied that, of course. Bagaman ang totoo ay ipinagpasalamat na rin niya na sumama ang kanyang pakiramdam, paano ay hindi nga niya alam kung paano haharapin ang boss nila. Hindi kaso na hindi siya pumasok dahil lima silang mime sa WonderWorld at wala silang permanenteng spot na pinagpapalabasan, palipat-lipat sila ng lugar, depende kung saan matao.
Wala ka namang ginawang masama, Julienne. Hindi mo naman siya pinagkatuwaan o ipinahiya. Kaya lang kasi ay naiilang siya dahil, well, dahil siguro sa pagkakaroon niya rito ng crush. Siya pa naman ang prinsesa ng mga mahiyain.
Dahil panggabi ang duty ni Althea ay naroon din ang kaibigan sa bahay. Nang masiguro niya rito na okay lang siya at maayos-ayos na ang kanyang pakiramdam ay saka pa lang ito natulog.
Binuksan ni Julienne ang Yahoo mails niya. Tatlong beses sa isang araw kung mag-check siya ng kanyang mga e-mail dahil sa trabaho niya sa Reeds. She had five electronic mails in her inbox. Pinasadahan niya ng basa kung kanino galing ang mga iyon. Ang unang tatlo ay galing sa kanyang mga kaibigan, ang sumunod ay galing sa Reeds, at ang panghuli ay galing kay Mother Ana—ang madre na napalapit sa kanyang puso. Inuna niyang buksan ang panghuling e-mail.
Galing sa kapatid ni Mother Ana—na nasa Amerika—ang mensahe. May-kahabaan ang mensahe pero dalawang linya ang umukilkil sa isip niya at nagdulot ng mga luha sa kanyang mga mata. My sister is dying and she wishes to see you. Please come as soon as possible…
Agad napuno ng pag-aalala at pighati ang puso ni Julienne.
AGAD nagmulat ng mga mata si Julienne nang maramdaman ang paggiwang ng eroplanong sinasakyan. Mabilis niyang tinanggal ang blindfold na suot at sumilip sa bintana ng eroplano. Nakakakita siya ng mga kumpol ng ulap at mukhang nagdidilim ang paligid. Mukhang masama ang panahon.
“It’s okay. The pilot said it’s just a minor turbulence. Nothing to worry about,” sabi ng pambabaeng tinig na nagmula sa katabi niya. Kanina pagkaupong-pagkaupo niya sa upuan ay agad siyang nagsuot ng blindfold at agad naghagilap ng tulog. Pero hindi niya magawa. Ang puso at isip niya ay na kay Mother Ana. Agad inasikaso ni Julienne ang flight niya nang araw na iyon. Iyon nga lang wala siyang nakuhang biyahe dahil fully booked lahat. Kinabukasan na ng hapon ang kanyang nakuha. Pinakiusapan na lang niya si Althea na ito na ang bahalang magpaalam sa WonderWorld ng tungkol sa kanyang sitwasyon. Family emergency ang ibinigay niyang dahilan. Althea agreed at nangakong ito na ang bahala tungkol doon.
Nilingon ni Julienne ang katabi at marahang nginitian. Pagkatapos niyon ay kaswal na niyang isinandal ang likod sa backrest ng upuan. Inignora na lamang niya ang katabi kahit obvious na gusto nitong makipag-usap sa kanya. Lihim na nagpakawala siya ng buntong-hininga. Gustuhin man niyang makipag-usap, magiging mahirap iyon dahil may hadlang sa kanyang pakikipagkomunikasyon.
Again, the plane bucked against the insistent wind. Napatingin si Julienne sa mga nakaantabay na stewardess. Nakangiti ang mga ito. Poised ang pagkakatayo. Pero sa kung anong dahilan ay may nababanaag siyang kislap ng takot sa mga mata ng mga ito. Julienne had flown enough in her twenty-four years of existence and she could see the distress they were trying to hide with their over-bright smiles. Something was wrong, terribly wrong.
“Please observe the No Smoking sign and remain in your seat…” sabi ng tinig na nagmumula sa speaker. Marahil ay ang piloto iyon. Ang mga stewardess ay nagtungo rin sa mga upuang laan sa kanila at nagkabit ng seat belt.
Hindi inintindi ni Julienne ang anunsiyo, sumilip siya sa labas ng bintana. Mayamaya ay nanlaki ang kanyang mga mata sa tila kislap ng apoy na nag-reflect sa salaming bintana. Mukhang nagmumula iyon sa isa sa mga pakpak ng eroplano, sa isa sa mga makina.
Bumuka ang bibig ni Julienne nang makita niya ang paglaki ng apoy. Subalit ang sigaw ay nanatili lamang sa kanyang isip at hindi nagkaroon ng boses, habang ang mga mata niya ay nanlalaki sa takot. Nagkagulo ang mga pasahero nang tumagilid ang eroplano.
Kasunod niyon ang isang nakangingilong pagsabog.