HinovelDownload the book in the application

CHAPTER THREE

CHAPTER THREE

PANGATLONG araw na ni Angela sa Maynila. Ang unang araw ay ginugol niya sa pagtambay sa restaurant ni Charlie. Ang pangalawang araw ay ginugol niya sa pagkonsulta sa doktor na espesyalista sa amnesia cases pero wala rin itong maibigay na konkretong sagot sa kanya. Maliit na diumano ang porsiyentong bumalik ang alaala niya, lalo pa at napakabata pa niya nang mangyari ang aksidente. Gayunman, huwag daw siyang mawalan ng pag-asa dahil maaaring isang araw ay bigla na lang babalik ang mga alaala niya. Minsan daw ay mapaglaro talaga ang utak ng tao, mamamalayan na lang diumano niya na malinaw na sa kanya ang lahat.

Naeengganyo na siyang magpalathala sa mga pahayagan at telebisyon ng tungkol sa nawawala niyang pamilya. Iyon nga lang, alam niyang delikado iyon. Malaki kasi ang posibilidad na maraming lumapit sa kanya at angkinin siya bilang anak dahil sa kayamanang kaakibat ng pamilya ng Mama Anna niya.

Ngayon ay nasa Rustan’s siya at manonood ng sine kasama si Enteng. Nang araw lang daw na iyon maluwag ang schedule nito kaya niyaya siya nitong manood ng sine. Tamang-tama naman dahil showing ang The Avengers kung saan ay paborito niya ang isa sa mga bida roon. Nagkasundo sila ni Enteng na magkikita na lang sa movie house dahil manggagaling pa ito sa isang singing engagement nito. Maaga siyang dumating sa meeting place nila kaya tinawagan muna niya sa cell phone ang inupahan niyang private investigator para hanapin ang pamilyang pinagmulan niya. Ang bawat hakbang niya ay ikinukonsulta niya sa kanyang ina at suportado naman nito ang mga desisyon niya.

Tumunog ang cell phone niya pagkatapos niyang makipag-usap sa private investigator. Agad niyang sinagot iyon nang makitang si Enteng ang tumatawag.

“Nasa’n ka na, Ate? Napapanis na ang kaguwapuhan ko rito sa harap ng sinehan,” anito, halatang nakangiti nang sabihin iyon. Even on the phone, his voice was really enchanting.

Napangiti siya. Kapag gustong maglambing ni Enteng at Charlie ay tinatawag siya ng mga ito na “ate.” Kapag mang-aasar naman ay “kiddo,” at kapag barkadahan ang mood ay “Angela” lang. “Naku, nandito pa ako sa bahay…” biro niya kay Enteng bagaman nagmamadali na siyang sumakay sa escalator. Gusto niyang matawa nang umungol ito. “Sandali, maliligo lang ako—”

Naputol ang pagbibiro niya nang mapatingin siya sa kaliwa niya kung saan pababa ang direksiyon ng escalator. Partikular na tumutok ang mga mata niya sa lalaki na naroon din. Kumabog ang dibdib niya nang magtama ang kanilang mga mata. He had blue eyes! Pakiramdam niya ay tumigil ang oras sa pag-ikot at sila na lang ng lalaking iyon ang naroon. He was tall, fair-skinned, and very handsome.

Hanggang sa magtapat ang puwesto nila ng lalaking blue-eyed. The stranger was also looking at her intently and looked as if he didn’t want to blink his eyes. Mabuti na lang at napigilan niya ang sariling mapasinghap nang makita niya ito nang malapitan. Napakaguwapo nito sa malapitan. Pakiramdam din niya ay may paruparong nagliliparan sa tiyan niya. It was a very peculiar feeling.

Nang lumampas na sila sa isa’t isa ay saka lang bumalik sa pag-inog ang mundo niya pero hindi maikakailang nasa dibdib pa rin niya ang kakaibang kaba. Gusto niya itong lingunin pero hindi niya ginawa. Napailing-iling siya. Saka lang niya napagtanto ang nangyari—nakipagtitigan siya sa isang blue-eyed stranger. Ilang segundo lang iyon pero tila tumigil sa pag-inog ang mundo at tumatak sa isip niya ang hitsura ng estranghero.

“Ate Angela? Are you still there? Hello?”

Napapitlag siya nang marinig niya iyon. Umawang ang mga labi niya nang mapagtantong nasa tainga pa rin niya ang kanyang cell phone. Jesus, Angela! You acted like you were star-struck with a Hollywood actor! kastigo niya sa sarili.

“Ate Angela?”

Nakaakyat na siya nang sagutin niya si Enteng. “Y-yes, sorry about that. Ahm, n-nawalan ako ng signal. Binibiro lang kita, nandito na `ko sa Rustan’s.” Dali-dali na niyang tinungo ang kinaroroonan nito. Ilang saglit lang ay namataan na niya si Enteng. Kahit nakatalikod ito ay nakilala niya ito. He was wearing a baseball cap and a leather jacket.

Ibinaba na niya ang kanyang cell phone at kinuha ang atensiyon nito. “Enteng!”

Muntik na siyang mapabunghalit ng tawa nang makita niyang nakasuot ito ng pekeng bigote, pekeng nunal, at tila kumapal din ang mga kilay nito. May hawak itong dalawang malaking popcorn.

“Sshh! Baka may makarinig sa `yo. Huwag mo naman akong tawaging ‘Enteng’ sa pampublikong lugar. Sikat na singer `to, Ate. ‘Vincent’ na lang.”

“May pa-Vincent-Vincent ka pang nalalaman. Eh, kung Jun-jun kaya ang itawag ko sa `yo?” natatawang tanong niya rito. Noon ay “Jun-jun” ang pang-asar nila rito dahil may junior ito sa pangalan.

Umasim ang mukha nito. “Nakow, ang pangit!”

Hindi na niya napigilan ang sariling mapahalakhak. Nang makitang nakasimangot na ito ay tumigil na siya sa kakatawa. “Eh, ano’ng tingin mo diyan sa disguise mo? Pangit din naman `yan, ah,” nakangiting sabi niya rito. “Diyos ko naman, Enteng. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao sa date ko ngayon?” biro niya rito. Sa kabila niyon ay naghuhumiyaw sa isip niya ang hitsura ng lalaking nakatitigan niya kanina.

“Pasensiya ka na, Ate. Umiiwas lang ako sa publiko.”

“I understand,” nakangiting sabi niya rito.

“O, siya, tara na, gusot na `tong tickets at makunat na `tong popcorn.” Nakangiting iniumang nito ang braso nito sa kanya.

Napapailing na lang siya bago kumapit sa braso nito.

“KUNG mamalasin ka nga naman, o!” naiinis na wika ni Angela nang maipit sa gitna ng traffic ang sasakyan niya. “Patay ako nito kay Alexander!”

Iyon ang araw na darating ito at siya ang pinakiusapan nitong sumundo rito. Maaga naman siyang umalis ng bahay pero hindi niya inaasahan na napakabigat na traffic pala ang sasalubong sa kanya. Sa nakikita niyang bumper to bumper na eksena ng mga sasakyan ay tila hindi siya aabot sa oras ng arrival ng eroplanong sinasakyan nito. Aktong tatawagan na niya sa cell phone ang kapatid ni Alexander na si Vladimir nang maalala niyang hindi nga pala alam ng huli ang pag-uwing iyon ni Alexander. Napapabuntong-hiningang ibinalik niya ang cell phone sa dashboard.

Binuksan na lang niya ang car stereo para kahit paano ay malibang siya. Nang makahanap ng magandang istasyon ng radyo ay tumingin siya sa labas ng bintana. Napaawang ang mga labi niya nang mapatingin siya sa nakababang bintana ng katapat niyang Toyota Vios. Mula roon ay kitang-kita niya ang profile ng lalaking may matangos na ilong, pangahang mukha, at makakapal na kilay.

Him again? bulalas niya sa isip. Hindi niya maialis ang kanyang tingin sa lalaki. Unang beses na nagtama ang kanilang mga mata sa Rustan’s. Sakay siya noon ng escalator paakyat sa second floor habang ito naman ay pababa. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang kabog ng dibdib niya nang mga oras na iyon gayong sanay naman siyang nakakakita ng asul na mga mata. Sa katunayan, karamihan ng mga naging kaklase niya sa San Francisco ay mga blue-eyed at matitikas din gaya ng lalaking kasalukuyan niyang tinitingnan. Pero iba talaga ang naging epekto ng mga matang iyon sa kanya. Tanda pa niya na hindi man lang ito kumurap habang nakatingin sa kanya. Kunsabagay, ilang segundo lang pala ang itinagal ng pagtatagpo ng mga mata nila.

Sa hindi malamang dahilan ay biglang tumingin sa direksiyon niya ang lalaking nasa Toyota Vios. Noon lang niya nasiguro na ito nga ang lalaking nakita niya sa Rustan’s. Nagbawi agad ito ng tingin ngunit tila kidlat na muli itong tumingin sa kanya. Their eyes met again for the second time. His blue eyes met her dark brown eyes; it created a connection she couldn’t describe. Kumabog ang dibdib niya, ganoon na ganoon din ang naramdaman niya sa unang beses na pagtatama ng mga mata nila.

And as if on cue, pumailanlang sa loob ng kanyang sasakyan ang isang awitin na nagpatindig ng balahibo niya, ang awiting “Close To You.”

Why do birds suddenly appear, every time you are near? Just like me they long to be close to you. Why do stars fall down from the sky? Every time you walk by. Just like me. They long to be close to you...”

Nagkaroon siya ng agam-agam kung paaandarin na ba niya ang sasakyan niya nang gumalaw na ang trapiko. Kailangan niyang umusad kung ayaw niyang mabusinahan ng mga sasakyang nasa likuran niya. Hindi niya alam kung bakit lumingon pa siya para makita kung susunod ba sa sasakyan niya ang kotse ng lalaking may bughaw na mga mata. Nadismaya siya nang makita niyang lumiko na iyon.

Nagkibit-balikat na lang siya kahit hindi pa humuhupa ang tila paruparo na nagliliparan sa loob ng tiyan niya. “`Buti na lang at may nakita akong guwapo. Hindi uminit ang ulo ko sa sobrang traffic,” wika niya na sinabayan pa niya ng hagikgik. Pero nang wala sa sariling napatingin siya sa kanyang relo ay napapalatak siya nang makitang sampung minuto na lang at mag-aalas-dos na ng hapon. Napabilis tuloy ang ginawa niyang pagmamaneho.

NAIIRITANG isinubsob ni Marko ang mukha niya sa kanyang executive desk. Hindi siya makapagtrabaho nang maayos dahil isa lang ang laman ng isip niya. Walang iba kundi ang babaeng nakita niya sa Rustan’s at sa gitna ng pagkakaipit niya sa kalsada. Isang linggo na ang nakalilipas mula nang muli sila nitong magkita sa gitna ng trapiko. She was a witch, a beautiful witch. Dahil pagkatapos ng insidenteng iyon ay apat na sunod-sunod na gabi na siyang binubulabog nito sa pagtulog.

He was dreaming about being with her in a place where everything was perfect, where flowers were in full bloom and the birds were singing. Sa panaginip niya ay lagi itong nakangiti. Mababakas din sa mga mata nito ang isang kakaibang damdamin. Nagigising na lang siya sa kalagitnaan ng gabi na ang babae ang nasa isip niya. The memory of her was haunting him. Kaya naman isang linggo na rin siyang hindi mapalagay. He needed to see her again. Deep within him, he longed for her. He missed her.

Bumuntong-hininga siya. Paano nangyaring nami-miss niya ito gayong hindi naman niya ito kilala? He had only seen her twice in person and four times in his dreams! Pero bakit tila parte na ito ng pagkatao niya? Minsan nga ay natatagpuan na lang niya ang sarili na lumilinga sa kanyang paligid, hoping he would see her in the crowd. Minsan naman ay natatagpuan niya ang sarili na naglalakad-lakad sa loob ng mga mall at sa matataong lugar pero tila pinaglalaruan siya ng tadhana. Mailap ang suwerte sa kanya dahil hindi niya ito makita.

Nang unang beses na magtama ang mga mata nila ng babae sa Rustan’s ay nakuha na nito ang buong atensiyon niya. Nasa mall siya nang araw na iyon para bilhan ng regalo ang kapatid niya. The lady was wearing eyeglasses. Naka-ponytail ang buhok nito at tila nakikipagbiruan sa sinumang kausap nito sa cell phone, hanggang sa magtagpo na ang kanilang mga mata. Ni hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na analisahin ang iba pang physical attributes nito. Nakakatitig lang siya sa mga mata nito.

Noong una ay ipinagkibit-balikat na lang niya ang kakaibang pakiramdam na iyon. Pero sa pangalawang pagkakataon ay hindi na niya iyon nagawang huwag pansinin. He was smitten by her. May mahalagang business deal siyang isasara nang araw nang makita niya ito sa kalagitnaan ng trapiko. Mula sa bintana ng sasakyan nito ay nakita niya itong nakatingin sa kanya.

Tinimbang niya ang sitwasyon kung ano ang pipiliin niya—ang business deal o ang paghabol sa babaeng iyon. Hindi pa siya nakakapagdesisyon nang umandar na ang trapiko. Sa pagkataranta niya ay lumiko siya. Hindi agad siya nakakita ng U-turn slot para ibalik ang sasakyan niya sa direksiyong tinungo ng sasakyan ng babae. Nang makakita naman siya ay huli na ang lahat dahil hindi na niya ito nakita. Pagkatapos ng insidenteng iyon ay palagi na niya itong napapanaginipan. What did it mean?

“Paano ko ba uli siya makikita?” frustrated na tanong niya sa kanyang sarili. “Kung makikita ko nga siya, hinding-hindi ko na talaga siya pakakawalan!” aniya habang napapasabunot sa kanyang buhok.

“Who?” anang tinig na nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.

Nalintikan na! bulalas ni Marko sa isip niya. Napaungol siya bago niya iniangat ang kanyang mukha mula sa pagkakasubsob sa kanyang desk. There he saw Hanna, leaning against the door. She looked sophisticated as usual. Paano ito nakapasok sa opisina niya nang hindi niya namamalayan? Ganoon na ba kaokupado ng babaeng napapanaginipan niya ang kanyang isip?

“What the hell happened to you… and to your office?” nakangiwing tanong ni Hanna habang iginagala nito ang paningin sa kabuuan ng kanyang opisina. Maging siya man ay nasorpresa sa hitsura ng opisina niya. Tila dinaanan iyon ng bagyo. Nagkalat sa kung saan-saan ang ilang folders habang ang book shelf niya ay tila pinaglaruan ng isang bata. Hindi na niya kailangang tingnan kung ano ang hitsura niya sa harap ng salamin dahil nasisiguro niyang wala rin siya sa ayos. Patunay roon ang necktie niyang nakasabit na sa kanyang balikat at ang polo niyang gusto nang habulin ng plantsa sa pagkakagusot.

Hanna rolled her eyes and then smiled mischievously. “Ah! I’ll trade a million bucks for this moment, Marko. Ngayon lang kita nakitang ganito kamiserable. Hmm, let me guess, babae?”

Miserable? Ganoon na ba ang hitsura niya?

“You love to exaggerate things,” nakasimangot na wika niya sa kapatid. Hanna was his sister. Half sister, to be precise. Kailan lang nila iyon nadiskubre at hanggang sa kasalukuyan ay lihim pa rin ang pagiging magkapatid nila. Maaari kasing lumikha ng eskandalo ang bagay na iyon kaya naman lihim lang ang pagiging magkadugo nila. Pinoprotektahan lang nila ang kanilang mga pamilya. They didn’t get along the first time they met. Pero nagkaayos din naman agad sila at para makabawi sa mga taong lumipas na hindi sila nito nagkasama ay pinipilit nilang magkaroon ng oras para sa isa’t isa sa kabila ng pagiging abala nila sa kanya-kanyang trabaho.

Mayaman ang pamilya niya pero hindi sila katulad ng ibang mayayaman na kilala sa mundo. Sa panlabas na hitsura ay maipagkakamali siyang isang foreigner. Matangkad kasi siya, malaki ang kaha ng katawan, natural na maputi, matangos ang ilong, pangahan, at asul ang mga mata na binagayan ng makakapal na kilay. Purong Irish kasi ang kanyang ina habang ang kanyang ama naman ay purong Pilipino. He got his mother’s blue eyes.

Marami rin ang nagugulat kapag naririnig siyang magsalita ng Tagalog, lalo na ang mga hindi nakakakilala sa kanya. He was just half Filipino pero halos sa Pilipinas na siya lumaki at buong buhay niya ay sa bansa na niya inilagi. Nagpunta lang siya ng Ireland noong nagkolehiyo siya at kapag dumadalaw siya sa mga kamag-anak niya sa mother’s side.

“I’m hardly exaggerating, Marko. Tell me, who’s the girl?” tanong nito bago pulutin ang mga nagkalat na folder sa sahig.

“Pabayaan mo na lang `yan, Hanna,” saway niya rito.

“Masakit sa mata ang mga kalat mo, Marko,” anito bago itinuloy ang pagliligpit ng mga folder.

Tumayo siya at tinulungan si Hanna sa pagliligpit.

“Magkuwento ka na,” anito.

Nagkibit-balikat siya. “Wala akong ikukuwento.”

“Oh, come on! As if I don’t know how to read between the lines, Marko. Sino ba siya na hindi mo na `kamo pakakawalan `pag nakita mo uli? Past girlfriend na na-realize mong mahal mo pa pala?” panunudyo nito.

Umiling siya. “No. She’s someone I don’t know.”

“What? Natutuliro ka sa isang babaeng hindi mo kilala? Can you please elaborate?” Nakakunot ang noo nito pero mababakas sa mukha ang excitement. He knew why, of course. Mahigit dalawang taon na rin kasi mula nang huli siyang ma-involve sa isang babae. Inabot nang ganoon katagal dahil masyadong natuon ang atensiyon niya sa pagpapalago ng negosyo niyang may kinalaman sa mga integrated circuit.

Lalo siyang nawalan ng oras sa pakikipagrelasyon nang magkaroon ng economic crisis nang nakaraang taon. Sa totoo lang ay walang problema kahit bumagsak ang negosyo niya. With their money, he could always put up a new business. Pero dahil maprinsipyo siyang tao, ginawa niya ang lahat para maisalba ang kanyang negosyo. Ngayon ay matagumpay at matatag na iyon. They were now the leading manufacturer of integrated circuits. They even exported worldwide.

Ah, lumipas na pala ang mga taon nang hindi niya namamalayan. O marahil, wala ni isa man sa mga babaeng nakilala niya ang nakakuha ng interes niya katulad ng interes niya ngayon sa babaeng iyon na dalawang beses pa lang niyang nakikita.

“Marko!”

Napapitlag siya. Hindi niya namalayan na nakatulala na pala siya sa pag-iisip sa magandang babaeng iyon. Bumaling siya kay Hanna. “Ano nga uli ang sinasabi mo?”

Tinaasan siya nito ng isang kilay. “Saan kaya nakarating ang isip mo? Ang layo siguro ng nilakbay niyan. Anyway, I was asking you to tell me who that girl is that’s bothering you.”

Hindi na siya magpapatumpik-tumpik pa. Ikinuwento na niya rito ang tungkol sa babaeng gumugulo sa isip niya. Kung tutuusin, kay Hanna lang siya nakakapaghinga ng mga bagay na bumabagabag sa kanyang kalooban.

“So? Ano’ng hatol mo?” tanong ni Marko kay Hanna pagkatapos niyang sabihin dito ang lahat.

Pinanlakihan siya nito ng mga mata. “Destiny! Fate!” Kasabay ng pagkumpas ng mga kamay nito ay ang pagkalaglag ng mga folder na hawak nito. Pero tila nawala na roon ang atensiyon nito dahil hinila na siya nito paupo sa mahabang sofa. “Alam mo ba na kapag pitong beses nagkita ang dalawang tao nang hindi sinasadya ay sila ang nakalaan para sa isa’t isa? Imagine, ilan na ang populasyon ng Pilipinas? Napakalaki na pero nagtatagpo pa rin ang landas n’yo. She’s the one, Marko!” nangingislap ang mga mata na sabi nito.

“Ows?” nakakunot ang noong tanong niya rito. Pero bakit parang gusto niyang maniwala sa sinasabi nito? At bakit tila gustong lumukso ng puso niya palabas ng kanyang dibdib? Seven times. Destiny. Kung isasama niya ang panaginip niya, anim na beses na niyang nakita ang babae. “L-let me guess, napulot mo `yan sa collection mo ng mga romance novel, `no?”

“No. Matagal nang paniniwala `yon, `no. Saang bundok ka ba nagtago at hindi mo `yon alam? Ah, alam ko na. You’re a man!” Pumalatak pa ito. “Dalawang beses na `kamo kayong nagkita nang hindi sinasadya? You tell me, dalawang beses pa lang, Marko, pero tingnan mo na kung ano ang naging epekto sa `yo. Hindi ka na matahimik. Hindi ka makapagtrabaho nang maayos dahil okupado niya ang isip mo. Gustong-gusto mo uling makita siya. At higit sa lahat, hindi na normal ang tibok ng puso mo.”

Nagulat siya sa huling sinabi ni Hanna. Hindi niya ito makontra dahil iyon mismo ang nararamdaman niya. So, this is destiny, huh? Napailing siya sa kanyang naisip.

“Come on, Marko, gumawa ka na ng paraan para makilala siya.”

“Bakit pa ako gagawa ng paraan? I thought destiny would bring us together?” Nakataas ang sulok ng kanyang mga labi habang sinasabi niya ang bagay na iyon. Ganoon talaga si Hanna, romantiko.

“Hmp! Bahala ka. Pero sinasabi ko sa `yo na minsan lang mangyari ang bagay na `yan. Ikaw rin, baka magsisi ka sa huli. Huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa, Markopolo. Kumilos ka na!”

Gusto niyang sabihin dito na kumikilos na siya. Na para na siyang tanga na naglalakad sa loob ng mga mall sa pagbabaka-sakaling maligaw uli roon ang babae sa panaginip niya. Pero sinarili na lang niya iyon. Baka pagtawanan lang siya nito kapag nalaman nito iyon.

“BABALIK ka na sa Catalina, Ate Angela?” tanong ni Charlie sa kanya habang nakatutok ang mga mata sa pagpe-plating ng isang putahe. Nasa kusina sila ng restaurant nito. Mula roon ay susunduin siya ni Alexander para ihatid sa SM Bacoor kung saan siya bibili ng mga pasalubong niya para sa kanyang ina at kay Jenny. Pagkatapos ay iiwan na siya roon ni Alexander. May meeting pa raw ito sa isang kilalang fashion designer na nagmula pa sa England.

“Baka bukas. O kaya sa isang araw kapag tinamad akong bumiyahe bukas.”

“Kumusta naman ang bakasyon mo? Okay naman ba? Pasensiya ka na, Ate Angela. Hindi kita masyadong naasikaso…”

Bakasyon. Ang alam nga pala ng mga pinsan niya ay nagbabakasyon lang siya kaya nasa Maynila siya. Napabuntong-hininga siya. Ang totoo, gusto na niyang bumalik sa Catalina dahil nawawalan na siya ng pag-asa na makakakita pa siya ng kahit na anong bagay na may kinalaman sa pagkatao niya. Ang mga private investigator naman ay wala pa ring naibibigay na sagot sa mga ipinapahanap niya. Funny, but she had this feeling that she should just go back to the way things were before. Tila gusto na lang niyang ipagpasa-Diyos ang lahat. At bahala na ang tadhana sa kanya.

“Walang problema `yon, Charlie. Alam ko namang busy ka sa restaurant at saka sa Healthy magazine photo shoot.”

Tumawa ito. “Please lang, Ate. Huwag mo munang ibalita kina Kuya Brandon ang magazine na `yan.” Magiging cover ng Healthy magazine si Charlie at ipi-feature ang pag-aari nitong restaurant. Charlie was a shy person. Hindi nga niya alam kung paano ito napilit na maging cover photo ng naturang magazine.

“O, `ayan na pala si Mister Model,” mayamaya ay sabi ni Charlie habang nakatingin sa isang screen monitor. Nasa kusina sila pero sa tulong ng screen monitor na iyon ay nakikita rin mula roon ang kabuuan ng restaurant. Mula roon ay nakita niya ang pagpasok ni Alexander.

“May hindi pa kaya nakakakilala kay Alexander?” Pumalatak si Angela nang makita niyang nakapako sa direksiyon ni Alexander ang paningin ng ilan sa mga parokyano ng restaurant, lalo na ang kababaihan. Kunsabagay, Alexander was really a sight to behold. Mabuti na nga lang at kahit best friend sila ng modelo ay hindi naman nadidikit dito ang pangalan niya.

“Hi, chef,” anang masiglang boses ni Alexander nang sa wakas ay sumungaw ang mukha nito sa kusina. Saglit na nagkumustahan sina Charlie at Alexander. Pagkatapos niyon ay umalis na sila ni Alexander ng restaurant.

MULING sinulyapan ni Angela ang relo niya. Limang minuto nang late si Alexander. Inilabas niya ang kanyang cell phone para tawagan sana ito pero naunahan na siya ng kaibigan at nag-flash na ang numero nito sa screen ng cell phone niya.

“You’re late!” agad na sabi niya rito. Hindi man niya ito nakikita ay alam niyang nagkakamot na ito ng batok at pagkatapos ay magpapa-cute na sa kanya.

“I’m sorry. Na-extend `yong meeting, eh, at—”

“At hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos ang meeting na `yan. Na nag-excuse ka lang para matawagan mo `ko?” gagad niya sa sasabihin nito. “Xander, kagagaling mo pa lang sa Milan noong isang linggo. Aba, magpahinga ka naman muna!” dagdag pa niya.

“Actually, nagdadalawang-isip pa rin ako kaya tumatagal ang meeting na `to. Parang gusto ko na rin munang magtago sa Catalina.”

“O, eh, ano pala ang pumipigil sa `yo?” Imposibleng pera dahil mayaman na rin si Alexander. Yumaman ito mula sa malaking kinikita nito sa pagiging international model. Pinag-aagawan na ito ng mga modeling agency dahil wala itong kiyeme sa pagmomodelo. Bukod kasi sa mga outside apparel, pati underwear ay imino-model na rin nito. Dahil doon ay hindi na siya nagtataka kung bakit pinagpapantasyahan ito ng kababaihan at maging ng mga may-pusong babae. May motto kasi ang kaibigan niya na “if you’ve got it, flaunt it!” Kaya hayun ang damuho at wagas kung makapagpakita ng perpekto na yata sa kagandahan nitong katawan.

Kung minsan ay siya na ang naiilang na tingnan ang mga daring poster nito. Moreno rin ito kaya naman lalong lumakas ang appeal nito. Iyon nga lang, mayroon itong ugaling kinaaayawan niya. Moody ito. Natatandaan pa niya noong maliliit pa sila ay mahilig itong makipag-away sa Centro dahil na rin sa pagiging moody nito.

“Hindi ko rin alam,” sagot nito, saka bumuntong-hininga. “Pasensiya ka na, Angela, ha? Tatawagan ko na lang si Charlie para siya na lang ang sumundo sa `yo. Babawi ako mamaya, promise.”

“No need. Okay lang naman ako. Huwag mo nang istorbuhin si Charlie, I can manage. Parang gusto ko ring sumakay ng jeep ngayon,” nakangiting sabi niya rito. Mula kasi sa SM Bacoor ay puwedeng jeep na lang ang sakyan papunta sa Imus kung saan ay naroon ang town house na pag-aari ni Alexander.

“Jesus, Angela! No way! Huwag kang aalis diyan, pupunta na lang ako diyan,” biglang sabi nito mula sa kabilang linya.

Itinirik niya ang kanyang mga mata kahit hindi naman siya nito nakikita. “Masyado kang overact—” Bigla niyang natutop ang kanyang bibig. Bakit ba nakalimutan niya na may phobia nga pala ito sa jeep? Nagkaroon ito ng phobia dahil sa aksidente sa jeep ang ikinamatay ng mga magulang nito at ng nag-iisa nitong kapatid na babae. Sasakyan nito ang kahit na anong sasakyan maliban na lang sa jeep. “I’m sorry,” aniya rito nang makabawi. Alexander had become protective of her since the accident. Ayon na rin dito, kapatid na raw ang turing nito sa kanya.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “Wala `yon. Stay put, Angela. Hindi ko na tatapusin ang meeting na `to. Pupunta na `ko diyan.”

“No!” maigting na tutol niya rito. Napabuntong-hininga siya. “Okay, para matahimik ka, hindi na lang ako sasakay sa jeep. Magta-taxi na lang ako o kaya naman ay tatawagan ko na lang si Charlie. Xander, I’ll be fine. Don’t worry, okay? Siyanga pala, gusto ko ng thin crust pizza. Pasalubungan mo `ko mamaya, ha,” pag-iiba niya sa usapan nila.

“Okay, take care.”

Tinapos na ni Angela ang pakikipag-usap kay Alexander. Dina-dial na niya ang numero ni Charlie nang magdalawang-isip siya. Alam niyang busy ngayon si Charlie sa restaurant nito. Napatingin siya sa paradahan ng jeep. Natuto siyang sumakay sa jeep dahil kay Alexander—iyon ay noong hindi pa nangyayari ang aksidente. Maging ang mga pinsan niya ay sumasakay rin sa jeep. Hindi naman siguro makakarating sa kaalaman ni Alexander na sinuway niya ito.

Download stories to your phone and read it anytime.
Download Free